Skip to content
post thumbnail

​VERA FILES FACT CHECK: Duterte namili ng ebidensya na susuporta sa pahayag na ang cannabis ay nagdaragdag sa panganib ng kanser sa baga

Habang ipinalagay ni Duterte na ang pag-aaral ay galing sa alinman sa UN o sa WHO, mukhang ang pinagmulan nito ay isang 2015 brochure na inilathala sa isang microsite ng UNODC.

By VERA Files

Dec 5, 2017

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Hindi pinapansin ang karamihan ng siyentipikong ebidensya na may mga kasalungat na resulta, si Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang mga pagkakataon ay pumipili lamang ng isang pag-aaral para suportahan ang kanyang pahayag na ang paninigarilyo na cannabis, na mas kilala bilang marijuana, ay may kaugnayan sa dagdag na panganib ng kanser sa baga.

PAHAYAG

Sa hindi bababa sa pitong okasyon, kamakailan lamang noong Nob. 28 sa isang anti-corruption summit, binasa ng presidente ang isang pirasong papel at sinabing:

“Ang usok ng cannabis ay may 50 porsiyento na mas maraming tar kaysa sa mga high-tar na sigarilyo na naglalagay sa mga gumagamit sa mas matinding panganib ng kanser sa baga at iba pang mga sakit na may kinalaman sa paghinga.”

Pinagmulan: Talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Breaking Chains of Corruption Summit, Nob. 28, 2017, Pasay City, panoorin mula 1:03:39 hanggang 1:03:51

FACT

Habang ipinalagay ni Duterte na ang pag-aaral ay galing sa alinman sa United Nations (UN) o sa World Health Organization (WHO), mukhang ang pinagmulan nito ay isang 2015 brochure na inilathala sa isang microsite ng UN Office of Drugs and Crime (UNODC).

Ang brochure ay naglalaman ng eksaktong pahayag ni Duterte, pero walang binanggit na mga pinagkunan, siyentipiko man o hindi, ng kongklusyon nito tungkol sa paggamit ng cannabis at kanser sa baga at iba pang mga sakit sa paghinga.

Ang UNODC ay hindi pa sumasagot sa ilang kahilingan para sa paglilinaw ng VERA Files Fact Check.

Ang kongklusyon ng UNODC ay kontra sa estado ng katibayan na nakuha mula sa mga magagamit na pag-aaral.

Sa isang 2017 na pag-aaral, “The Health Effects of Cannabis and Cannabinoids: The Current State of Evidence and Recommendations for Research,” sistematikong sinuri ang higit sa 10,000 mga nakaraang pag-aaral sa cannabis mula noong 1999, na may isang kabanata na nakatuon lamang sa mga natuklasan na may kaugnayan sa panganib ng kanser.

Ang ebidensya, ayon sa pag-aaral, ay nagsasabing:

“May katamtamang katibayan na walang istatistikang kaugnayan sa pagitan ng paninigarilyo ng cannabis at kaso ng kanser sa baga.”

Pinagmulan: The Health Effects of Cannabis and Cannabinoids: The Current State of Evidence and Recommendations for Research

Ang ibig sabihin ng “katamtamang katibayan” ay:

“Ilang mga nakakatulong na natuklasan mula sa mahusay hanggang sa pangkaraniwang kalidad na pag-aaral na may napakakaunti o walang kapani-paniwalang salungat na mga natuklasan. Ang pangkalahatang kongklusyon ay maaaring gawin, ngunit ang mga limitasyon, kabilang ang pagkakataon, bias, at mga nakakalitong kadahilanan, ay hindi maaaring isantabi ng may makatuwirang pagtitiwala.”

Kabilang sa mga limitasyon ay ang hirap sa pagkalas/paghihiwahiwalay ng mga independiyenteng epekto ng cannabis, na kadalasang hinahalo sa tabako.

Sinabi ng pag-aaral, na binanggit ang naunang pananaliksik, na ang cannabis ay nagdedeposito ng apat na beses pang higit na tar sa baga kumpara sa tabako dahil sa maluwag na pag-iimpake at matagal na pagpigil sa paghinga, pero mas kaunti ang hinihitit.

Ang pag-aaral ay inilathala ng independiyenteng research group na National Academies ng Sciences, Engineering and Medicine, at naging batayan ng pinakabagong UNODC World Drug Report 2017.

BACKSTORY

Sa kanyang lecture sa publiko tungkol sa mga hindi magandang epekto ng mga droga, dati nang binanggit/sinipi ni Duterte ang brochure ng UNODC sa kanyang mga speech/talumpati noong Okt. 25, 26, 27 at Nobyembre 9, 14 at 21.

Nakabinbin sa Kongreso ang isang panukalang-batas na nagpapahintulot sa paggamit ng medikal na cannabis para gamutin ang ilang mga kondisyon.

Mga pinakunan:

Callaghan et al. 2013. Marijuana use and risk of lung cancer: a 40-year cohort study. US National Library of Medicine National Institutes of Health.

United Nations Office of Drugs and Crime 2015. Get the Facts about Drugs.

Huang et al. 2015. An epidemiologic review of marijuana and cancer: an update. US National Library of Medicine National Institutes of Health.

National Academies of Science, Engineering and Medicine 2017. The Health Effects of Cannabis and Cannabinoids: The Current State of Evidence and Recommendations for Research. National Academies Press.

United Nations Office of Drugs and Crime 2017. World Drug Report, Booklet 3.

Zhang et al. 2015. Cannabis smoking and lung cancer risk: Pooled analysis in the International Lung Cancer Consortium. US National Library of Medicine National Institutes of Health.

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.