Muling pinaliit ni outgoing President Rodrigo Duterte ang kanyang suweldo habang papalapit na ang pagtatapos ng kanyang anim na taong termino ngayong Hunyo. Hindi bababa sa anim na beses na ginawa niya ito, batay sa bilang ng VERA Files Fact Check.
PAHAYAG
Sa seremonya ng groundbreaking para sa isang bagong sports complex sa Bataan, inulit ni Duterte ang kanyang panawagan sa pulisya at militar na ipagpatuloy ang “momentum” sa paglaban sa droga, at tiniyak niya na siya ang aako ng “buong pananagutan” para sa lahat ng mga aksyon na ginawa sa linya ng tungkulin.
Sa huling bahagi ng kanyang talumpati, tinukso ni Duterte ang ilang miyembro ng pulisya, na sinabing naiintindihan niya ang sitwasyon ng paghahati-hati ng kanilang suweldo sa pagitan ng dalawang pamilya:
“Ngayon, dinoble ko na iyong suweldo nila. Ang suweldo nila maliit eh, hindi magkasya sa dalawang asawa. Alam ko iyan, huwag ninyo akong lokohin. L****. Kasi ako, ang suweldo ko, it’s about 196[,000], 200[,000] iyan eh plus, suweldo ng presidente, 190[,000], hatiin ko pa iyan para sa dalawang pamilya.”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office official website, Groundbreaking Ceremony of the Philippine Sports Training Center 6/17/2022 (transcript), Hunyo 17, 2022, panoorin mula 16:43 hanggang 17:10
Sa parehong kaganapan, sinabi ng outgoing chief executive na kapag natapos ang kanyang termino sa Hunyo 30, siya ay magiging isang “ordinaryong mamamayan” mula sa pagiging isang “nagniningning na bituin.”
ANG KATOTOHANAN
Nasa P388,096 hanggang P399,739 ang buwanang suweldo ni Duterte. Ito ay batay sa ikaapat at huling tranche ng salary adjustment noong 2019 para sa posisyon ng pangulo, alinsunod sa Executive Order No. 201, na nilagdaan ng noo’y pangulong Benigno Aquino III noong Pebrero 2016.
(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Sa paglimang pagkakataon, inulit ni Duterte ang maling pahayag sa kanyang suweldo)
Tinaasan din ni Duterte ang mga suweldo sa gobyerno, kasama na ang sa pangulo, sa apat na tranches mula 2020 hanggang 2023 sa pamamagitan ng Republic Act No. 11466 noong Enero 2020. Gayunpaman, nakasaad sa 1987 Constitution na ang kasalukuyang presidente, bise presidente, at mga miyembro ng Kongreso ay hindi makikinabang sa mga pagtaas ng suweldo na ipinagkaloob sa panahon ng kanilang panunungkulan.
Si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay dapat magkaroon ng buwanang suweldo na mula P411,382 hanggang P432,723, batay sa ikatlong tranche ng RA 11466 na kasalukuyang ipinatutupad.
Tingnan ang mga kaugnay na fact-check tungkol sa suweldo ni Duterte na kanyang pinaliliit:
- VERA FILES FACT CHECK: For the 5th time, Duterte repeats wrong claim on his salary noong Agosto 2020
- VERA FILES FACT CHECK: Duterte’s claim about his salary still inaccurate noong Oktubre 2018
- VERA FILES FACT CHECK: Duterte understates his salary again noong Pebrero 2018
- VERA FILES FACT CHECK: How much does President Duterte earn monthly? noong Abril 2017
- VERA FILES FACT CHECK: How much does President Duterte earn monthly? noong Pebrero 2017
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Operations Office official website, Groundbreaking Ceremony of the Philippine Sports Training Center 6/17/2022, (transcript), Hunyo 17, 2022
Official Gazette official website, Executive Order No. 201, s. 2016, Pebrero 19, 2016
Official Gazette official website, Republic Act No. 11466, Enero 8, 2020
Official Gazette official website, 1987 Constitution, Na-access noong Hunyo 18, 2022
Department of Budget and Management official website, National Budget Circular No. 568, Enero 5, 2017
Department of Budget and Management official website, National Budget Circular No. 572, Enero 3, 2018
Mga pahayag ni Duterte na pinaliit niya ang kaniyang suweldo
- RTVMalacanang official YouTube channel Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19 8/10/2020, Agosto 10, 2020
- RTVMalacanang official YouTube channel, 39th Masskara Festival (Speech) 10/27/2018, Oktubre 27, 2018
- RTVMalacanang official YouTube channel, Establishment of TienDA Para Sa Mga Bayani and Talk to the Troops (Speech) 2/22/2018, Febrero 22, 2018
- RTVMalacanang official YouTube channel, President Rody Duterte departs the Davao International Airport for a State Visit to the Kingdom of Saudi Arabia , Abril 10, 2017
- RTVMalacanang official YouTube channel, Visit to the New Hope Village Housing Project (Speech) 1/25/2017, Enero 25, 2017
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)