Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Gadon mali sa pagsabing tinanggihan ng SC ang petisyon ng ABS-CBN para sa TRO

Mali ang pahayag ng abugadong si Larry Gadon na ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon ng broadcast network na ABS-CBN para sa isang temporary restraining order (TRO) laban sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).

By VERA Files

May 22, 2020

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali ang pahayag ng abugadong si Larry Gadon na ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon ng broadcast network na ABS-CBN para sa isang temporary restraining order (TRO) laban sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).

PAHAYAG

Sa isang halos limang minutong live Facebook video noong Mayo 19, nag update si Gadon sa mga manonood tungkol sa pinakabagong aksyon ng SC sa pakiusap ng network:

“Gusto ko lang kayo i-inform, dahil masaya ako, na ang Supreme Court (Korte Suprema) ay dineny o kaya hindi pinagbigyan ang gustong mangyari ng ABS-CBN sa kanilang petition (petisyon) na finile (isinampa) na…isyuhan ng TRO ang NTC na ipatupad ‘yung kanilang cease and desist order.”

Pinagmulan: Larry Gadon official Facebook page, “Hindi binigyan ng Supreme Court ng TRO ang ABS-CBN …,” Mayo 19, 2020, panoorin mula 0:08 hanggang 0:31

Idinagdag niya na ang desisyon ay “unanimous” at ito ay “nangangahulugang” ang petisyon ay “walang kuwenta.”

Sinabi pa ni Gadon na ang desisyon ng SC na “isama” ang Senado at House of Representatives sa petisyon ay magpapahintulot sa mga sumasalungat sa pag-renew ng franchise na mapakinggan, kaya mapipigilan ang Kongreso na “madaliin” ang mga pampublikong pagdinig sa bagay na ito.

Nanawagan ang abogado sa kanyang mga manonood na bigyan ng babala ang kanilang mga kinatawan laban sa agarang pagbibigay ng lisensya sa ABS-CBN na magpatuloy ng operasyon “nang walang pagdinig,” at dapat nilang patalsikin si House Speaker Alan Peter Cayetano sa kanyang posisyon, kung hindi:

“…sa susunod ay hindi na ninyo iboboto ang congressman (kongresista) ninyo ‘pag hindi sila sumunod sa pulso ng bayan.”

ANG KATOTOHANAN

Hindi tinanggihan ng SC ang petisyon ng ABS-CBN para sa isang TRO; sa halip, nagkaisa ito na “hilingin” sa NTC, bilang respondent, na magkomento sa petisyon sa loob ng isang itinakdang panahon, sinabi ng public information office ng korte sa isang pahayag noong Mayo 19.

Ang NTC, na namamahala sa pag isyu ng mga prangkisa sa mga broadcast service provider at iba pang telecommunication services, ay binigyan ng “10 araw na hindi maaaring palawigin pa” para mag-sumite ng sagot nito.

Ang SC ay “hiwalay din na nag-impleade” sa Senado at ng House of Representative sa petisyon bilang mga partido sa kaso, at hinihiling ang dalawa na mag sumite ng kani-kanilang mga komento sa loob din ng 10 araw.

Habang ang SC ay hindi naglabas ng TRO, wala sa pahayag na sinabi nitong tinanggihan ang petisyon ng ABS-CBN. Ang itinanggi ng korte ay ang motion ni Gadon na pagsamahin ang pakiusap ng network sa kanyang petisyon laban kay Cayetano at House Committee on Legislative Franchises Chair Franz Alvarez na isinampa noong Marso.

Sa kanyang petisyon, hiniling ni Gadon sa SC na “pagbawalan” ang NTC na sumunod sa sulat nina Cayetano at Alvarez na humihiling sa ahensya na bigyan ang pansamantalang awtoridad ang ABS-CBN na magpatuloy ng operasyon habang ang Kongreso ay hindi pa nagpapasiya sa pagpapanibagong prangkisa nito.

Hindi tumupad sa naunang pangako nito, ang NTC noong Mayo 5 ay naglabas ng cease and desist order laban sa ABS-CBN matapos ang 25-taong prangkisa nito noong Mayo 4, na siya namang ipinetisyon ng network sa SC. (Tignan ang VERA FILES FACT CHECK: NTC biglang umurong sa prangkisa ng ABS-CBN)

Noong Mayo 18, ang abogado, na nasuspinde noong nakaraang taon dahil sa paggamit ng “nakakasakit at mapanglait na wika,” ay nagsampa ng isa pang petisyon sa SC laban sa TRO na hinihingi ng ABS-CBN.

Nang araw ding iyon, nagpadala siya ng sulat sa Senado, na hinihimok ang siyam sa 24 na senador na “huwag lumahok” sa deliberasyon at botohan sa mga panukalang-batas sa pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN dahil sa umano’y “conflict of interest.” Ibinasura kalaunan ng mga senador ang kahilingan.

Ang prangkisa ay isang “pribilehiyo” na ipinagkakaloob ng Kongreso sa mga tanggapan ng broadcast para makisali sa isang “tiyak na uri ng serbisyo ng telecommunication.” (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ang palaisipan sa prangkisa ng ABS-CBN)

Noong Mayo 19, sinabi ni Cayetano na ang House of Representatives ay “agad na magpapatuloy” sa pagtalakay sa mga nakabimbin na panukalang batas na naglalayong bigyan ng panibang 25-taong prangkisa ng ABS-CBN.

Ito ay matapos niyang inanunsyo na ang House Bill 6732 — na isa siya sa mga sumulat — na magbibigay sa network ng pansamantalang lisensya upang magpatuloy ng operasyon hanggang Okt. 31 na ipinasa ng House sa una at pangalawang pagbasa sa loob ng isang araw noong Mayo 13 ay muling isasaalang-alang para sa karagdagang interpellation.

Ang pagpasa ng pansamantalang panukalang prangkisa ay nagbunga ng mga isyung konstitusyonal, dahil sa isang probisyon na nagsasabing:

No bill passed by either House shall become a law unless it has passed three readings on separate days…. (Walang panukalang batas na ipinasa ng alinman sa House ang magiging isang batas maliban kung pumasa sa tatlong pagbasa sa magkakahiwalay na araw….)”

Pinagmulan: Official Gazette, 1987 Constitution Sec. 26 (2), Art. VI

Ang post ni Gadon ay tiningnan ng hindi bababa sa 1.2 milyong beses, nakakuha ng halos 35,700 shares, at naipon ang higit sa 85,000 likes sa Facebook lamang noong Mayo 22.

Kilala sa pagsulong ng impeachment ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong 2017, si Gadon ay tumakbo bilang senador at natalo noong 2019 sa ilalim ng partidong Kilusang Bagong Lipunan, na itinatag ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Ito ang pangatlong beses na na-flag siya ng VERA Files Fact Check dahil sa pagkakalat ng disinformation. Ang unang dalawa pahayag ay ginawa niya noong 2019 election campaign.

 

Mga Pinagmulan

Larry Gadon official Facebook page, “Hindi binigyan ng Supreme Court ng TRO ang ABS-CBN…,” May 19, 2020

ABS-CBN News, READ: ABS-CBN’s TRO petition vs. the NTC’s broadcast shutdown order, May 21, 2020

Supreme Court official Twitter account, Press Briefer, May 19, 2020

CNN Philippines, Supreme Court asked to block House bid for ABS-CBN provisional permit, March 5, 2020

GMA News Online, Supreme Court asked to stop NTC from granting ABS-CBN provisional permit, March 5, 2020

Inquirer.net, Lawmaker: Gadon’s petition before SC on ABS-CBN, NTC ‘baseless meddling’, March 6, 2020

ABS-CBN News, ABS-CBN goes to Supreme Court for broadcast resumption, May 7, 2020

Supreme Court, Helen Joselina H. Mendoza Vs. Atty. Lorenzo G. Gadon, June 26, 2019

Larry Gadon official Facebook page, “Kaninang umaga ako ay nagpunta sa Senate…,” May 18, 2020

ABS-CBN News, Sotto rejects request for senators to inhibit from ABS-CBN franchise inquiry, May 18, 2020

Inquirer.net, Sotto, Drilon dismiss Gadon request to inhibit from ABS-CBN franchise hearing, May 18, 2020

Manila Bulletin, Senators won’t inhibit themselves from ABS-CBN franchise deliberations, May 18, 2020

Rappler, House drops bill granting interim franchise to ABS-CBN, May 19, 2020

ABS-CBN News, House drops ABS-CBN provisional franchise, to tackle bills for 25-year license, May 19, 2020

Manila Bulletin, House drops move to grant ABS-CBN provisional franchise, May 20, 2020

Congress.gov.ph, House Bill 6732, May 13, 2020

ABS-CBN News, Lawmaker wants to undo ‘risky’ 2nd reading approval of ABS-CBN franchise, make amendments, May 15, 2020

Manila Bulletin, House reopens deliberations on ABS-CBN provisional franchise bill, May 18, 2020

The Manila Times, ‘Little time left to tackle ABS-CBN bill’, May 16, 2020

Official Gazette, 1987 Constitution

ABS-CBN News, Duterte meets lawyer behind impeachment complaint vs Sereno, April 4, 2018

Rappler, Who is Larry Gadon, the man behind one Sereno impeachment complaint, Oct. 6, 2017

Philstar.com, Gadon denies Duterte’s hand in Sereno impeachment, April 4, 2018

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.