Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ang palaisipan sa prangkisa ng ABS-CBN

Habang nakabitin pa rin sa balag ng alanganin ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, magkakaiba lumalabas na opinyon ng mga mambabatas at mga opisyal ng ehekutibo kung maaaring magpatuloy o hindi ang broadcast network oras na magtapos ang kasalukuyang lisensya nito.

By VERA Files

Feb 26, 2020

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Habang nakabitin pa rin sa balag ng alanganin ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, magkakaiba lumalabas na opinyon ng mga mambabatas at mga opisyal ng ehekutibo kung maaaring magpatuloy o hindi ang broadcast network oras na magtapos ang kasalukuyang lisensya nito.

Bago ang pagdinig sa Senado noong Peb. 24, halimbawa, sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at House Speaker Alan Peter Cayetano ay hiwalay na nagsabing ang ABS-CBN ay maaaring magpatuloy sa pag-broadcast, kahit na walang prangkisa, hanggang Marso 2022. Para kay Justice Secretary Menardo Guevarra, “okay” na magpatuloy ang istasyon ng telebisyon nang lampas sa prangkisa nito kahit walang resolusyon mula sa Kongreso.

Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, sa kabilang banda, “kung walang prangkisa, hindi maaaring mag broadcast ang [ABS-CBN].”

Kasalukuyang tumatakbo ang ABS-CBN sa ilalim ng 25-taong prangkisa sa pamamagitan ng Republic Act 7966, na ipinatupad noong Marso 30, 1995. Sa pagdinig noong Peb. 24 sa Senado, sinabi ni Guevarra na ang prangkisa ay matatapos sa Mayo 4, 2020, hindi sa Marso 30, dahil ang batas ay umiral lamang 15 araw matapos itong mailathala sa dalawang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon noong Abril 19, 1995.

Maaari nga bang magpatuloy ang operasyon ng ABS-CBN na lampas sa panahong ito nang walang bagong prangkisa? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman.

1. Ano ang legislative franchise at bakit kailangan ito ng mga kumpanya ng broadcast?

Ang prangkisa, sa kontekstong ito, ay isang “pribilehiyo” na ipinagkaloob ng Kongreso sa mga tanggapan ng broadcast, tulad ng ABS-CBN, upang makilahok sa isang “partikular na uri ng serbisyo sa telecommunication.”

Ang mga kumpanya na nagpapatakbo ng mga istasyon ng telebisyon at radyo, na itinuturing na public utility, ay kinokontrol dahil sa “limitadong bilang ng frequency (sa bansa) na magagamit para sa pagsasahimpapawid” at para sa “responsibilidad nito na tulungan ang pamahalaan na maisulong at maprotektahan ang kapakanan ng publiko,” ayon sa Presidential Decree 576.

Walang sinumang maaaring pumasok sa negosyo ng pagiging isang public telecommunications entity “nang hindi muna kumukuha ng prangkisa,” nakasaad sa Section 16, Article VI ng Public Telecommunication Policy Act of the Pilipinas.

Inilagay ng batas sa National Telecommunications Commission (NTC) ang pamamahala sa pagsasaayos at pangangasiwa ng mga serbisyo sa telecommunication, tulad ng pagpapatakbo ng mga istasyon ng radyo, broadcast television, cable television, at pay television.

Ipinag-uutos din sa 1987 Constitution na ang Kongreso ang “mamahala o magbawal” sa mga monopolyo sa komersyal na mass media kapag “hinihiling” ng interes ng publiko, upang maiwasan ang “pagpigil sa kalakalan” o hindi patas na kumpetisyon.

2. Maaari bang magpatuloy sa pag broadcast ang ABS-CBN kung matapos at hindi mabigyan ng bagong prangkisa?

Upang maipagpatuloy ng ABS-CBN ang operasyon nito matapos na mag-expire ang prangkisa, ang House of Representative ay kailangang magpasa ng isang resolusyon na “nagpapahintulot” sa NTC na mag-isyu ng “provisional permit,” sinabi ni Pacifico Agabin, dating dean ng University of the Philippines College of Law, sa VERA Files sa isang pakikipanayam noong Peb. 21.

“Kung walang resolusyon, sa palagay ko ay walang awtoridad ang NTC na magbigay ng provisional permit,” aniya, na binanggit ang desisyon noong 2003 ng Supreme Court (SC) sa Associated Communications & Wireless Services vs. NTC.

Sinabi ng kataas-taasang hukuman noon na, “hangga’t nananatiling hindi nagbabago ang batas,” ang kapangyarihang mag-isyu at magpalawak ng mga prangkisa para sa pagpapatakbo ng mga istasyon ng radyo at telebisyon ay nasa Kongreso, hindi sa NTC.

Si dating Chief Justice Reynato Puno, na nagsusulat ng 2003 desisyon ng SC, ay inulit ito sa isang panayam noong Peb. 25 sa CNN Philippines, na nagsasabing “kung walang prangkisa, ang tinutukoy na istasyon ng telebisyon ay kailangang huminto sa operasyon.”

Sinabi ni Puno na ang isang concurrent resolution ng Senado at Kongreso, o isang resolusyon resolusyon lamang ng House of Representatives na nagbibigay sa ABS-CBN ng isang provisional permit, ay husto na.

Sa kabilang banda, si Human Rights Chair Chito Gascon, isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution, ay nagsabi na ang ABS-CBN ay “kailangang payagan na magpatuloy sa pag broadcast” kahit na hindi kumilos ang Kongreso sa pag-renew ng prangkisa sapagkat “ang pumipigil sa kalayaan ng pananalita at pagpapahayag ay kataliwasan, hindi panuntunan.”

ABS-CBN is exercising a preferred right — just like each of us citizens are able to speak our minds, to express ourselves, to organize and mobilize. The same should also be a right extended to media organizations (Ang ABS-CBN ay gumagamit ng isang preferred right – tulad ng bawat mamamayan na nasasabi ang kanyang iniisip, upang ipahayag ang sarili, upang mag organisa at kumilos. Ito rin ay karapatan na dapat ibigay sa mga organisasyon ng media).”

Pinagmulan: Pakikipanayam kay Chito Gascon, Peb. 21, 2020

3. Ano ang ginagawa ng Kongreso tungkol sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN?

Tinalakay ng Senado sa pagdinig nito, bukod sa iba pa, ang Senate Joint Resolution No. 11, na isinampa ni Drilon, na naglalayong palawakin ang prangkisa ng ABS-CBN hanggang sa Dis. 31.

Ang joint resolution, kung aprubahan ng Kongreso at Senado at lagdaan ng pangulo, ay magkakaroon ng parehong puwersa at epekto ng isang batas. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: 3 bagay na kailangan mong malaman tungkol sa proseso ng pagboto sa Senado)

Sinabi ni Sen. Grace Poe, tagapangulo ng Senate committee on public services, sa isang pakikipanayam sa media pagkatapos ng pagdinig, na ang kanyang komite ay “hangad lamang na bigyan ang [ABS-CBN] ng isang temporary permit para magpatuloy ng broadcast” habang ang Kongreso ay patuloy na pinag-aaralan ang mga merito ng kaso.

Isang katulad na resolusyon ang isinampa sa House of Representatives na naglalayong palawakin ang prangkisa hanggang sa katapusan ng 18th Congress sa Hunyo 30, 2022.

Labindalawang panukalang batas na naglalayong bigyan ang ABS-CBN ng isang bagong 25-taong prangkisa ay nananatiling nakabinbin sa House committee on legislative franchises, ngunit walang pagdinig na nakatakda para sa natitirang mga araw ng sesyon bago ang dalawang buwang bakasyon ng Kongreso sa Marso 13.

 

Mga Pinagmulan

Inquirer.net, ABS-CBN’s franchise deemed extended until March 2022, says Sotto, Feb. 11, 2020

GMA News Online, Cayetano: ABS-CBN may operate until 2022 even if franchise expires in March, Feb. 14, 2020

Inquirer.net, Cayetano: ABS-CBN may keep operating if NTC allows it, Feb. 14, 2020

ABS-CBN News, ABS-CBN franchise bills not urgent? House used to multitasking, solon says, Feb. 15, 2020

The Corpus Juris, Republic Act No. 7966

Chan Robles Visual Law Library, Republic Act No. 7966

Manila Bulletin Online, ABS-CBN franchise to expire on May 4, 2020, Feb. 23, 2020

Philippine Board of Investments, Republic Act No. 7925

National Telecommunications Commission, Presidential Decree No. 576-A

Official Gazette, 1987 Constitution

Supreme Court E-Library, G.R. No. 144109

CNN Philippines, The Source: Reynato Puno, Feb. 25, 2020

Senate of the Philippines, Senate Joint Resolution No. 11

Senate of the Philippines, Legislative Process

Senate of the Philippines, GRACE POE AMBUSH INTERVIEW TRANSCRIPT, Feb. 24, 2020

CNN Philippines, Senator Grace Poe speaks to the media on #ABSCBNFranchise, Feb. 24, 2020

House of Representatives, House Joint Resolution No. 28

House of Representatives, Concurrent Resolution No. 3

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.