Nagkaroon ng sandaling hindi pagkakasundo sina Sen. Imee Marcos at Senate President Vicente “Tito” Sotto III tungkol sa pagpapatibay ng resolusyon ng Senado na humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na pag-isipan muli ang pagpapawalang-bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA) kasama ang United States.
Si Marcos, na unang naitala na bumoto ng pabor sa resolusyon, ay nagpahiwatig na nais niyang baguhin ang kanyang boto at gawing abstain, at sinabing “walang quorum” at “hindi (niya) alam” na nagaganap pa pala ang isang botohan.
Sinabi ni Sotto, sa kabilang banda, na ang orihinal na boto ni Marcos ay kinikilala dahil ang quorum ay batay sa attendance na kinuha bago ang botohan.
Nang kalaunan, si Marcos ay pumayag na lang sa pagpapakita na siya ay boboto sana ng abstain kung “alam [lamang] niya” ang pagkilos upang aprubahan ang resolusyon.
Sinabi rin nina senador Francis Tolentino, Cynthia Villar, Pia Cayetano, Christopher Lawrence “Bong” Go, at Bong Revilla Jr. na ganoon din sana ang kanilang ginawa. Si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang tanging nag abstain sa pagboto nung araw na ipinasa ang resolusyon.
Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman kung paano bumoto ang Senado.
1. Ano ang mga pagkakataong nangangailangan ng boto?
Ang mga senador ay bumoto sa apat na uri ng panukalang batas
Ang Senate Resolution 312, ang panukalang nananawagan kay Duterte na muling isaalang-alang ang kanyang desisyon na tapusin ang U.S. VFA, ay itinuturing na isang simpleng resolusyon.
Bumoboto rin ang mga senador para sa kanilang mga opisyal, kabilang ang Senate president.
Bukod dito, ang Senado ay ipinag-uutos sa ilalim ng 1987 Constitution na bumoto sa: mga partikular na usapin, kabilang ang pagpapatibay ng mga kasunduan, at, kasama ang House of Representative, sa deklarasyon ng isang state of war; ang pagbibigay ng emergency powers sa pangulo; ang pagbibigay ng amnestiya; ang pagbawi o pagpapalawig ng martial law; kung maaari o hindi maisagawa ng pangulo ang kanyang mga tungkulin; at Constitutional Convention.
Ipinaguutos din ng Konstitusyon sa Senado na litisin at magpasya, sa pamamagitan ng botohan, sa lahat ng mga kaso ng impeachment.
2. Paano bumoboto ang mga senador?
Mayroong dalawang paraan ng pagboto sa isang panukala sa ilalim ng mga panuntunan ng Senado: viva voce (pasalita) at roll call (sa pagbanggit ng pangalan).
Sa isang botong viva voce, ang pangulo ng Senado, o sinumang namumuno sa sesyon, ay magtanong muna sa lahat na naroroon kung sila ay para sa isang partikular na panukala. Ang mga pumapabor ay maaaring itaas ang kanilang mga kamay o sabihin ito, at isasaalang-alang ang kanilang mga boto. Pareho ang gagawin para sa mga hindi sang-ayon sa panukala.
Sa kaso ni Marcos, sinabi ni Sotto na dapat siyang nag abstain sa resolusyon nang tinawag ang boto, tulad ng ginawa ni Dela Rosa, at pinayuhan siyang, sa susunod, “manatili sa bulwagan.” Iginiit ni Marcos na siya ay pisikal na naroroon sa oras na iyon, ngunit hindi niya alam na tinawag na ang boto.
Ang nominal na boto, sa kabilang banda, ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtatanong sa bawat senador na naroroon, ayon sa pagkakasunud-sunod ng alpabeto, kung siya ay pabor o laban sa isang panukala.
Sa ilalim ng Section 115 ng kasalukuyang mga panuntunan sa Senado, ang nominal na boto ay kinakailangan sa mga sumusunod:
-
- pagpapatibay ng mga panukalang batas o joint resolution;
- mga panukalang batas o joint resolution na naunang i-veto ng pangulo;
- mga resolusyon na may kinalaman sa mga treaty; at
- kung 1 / 5th ng mga senador na naroroon sa session ay hilingin ito.
Ang mga boto ng mga senador na wala sa session sa sandaling tinawag ang isang boto na hindi mabibilang. Ang Senado president, para sa kanyang bahagi, ay hindi obligadong bumoto maliban kung ang kanyang boto ang magpapasya.
Nakasaad sa Section 118 sa ilalim ng mga panuntunan sa pagboto ng Senado na “walang senador na pinahihintulutan na bumoto sa anumang panukala matapos ipahayag ng pangulo ang resulta.”
3. Ano ang quorum at bakit ito mahalaga?
Maliban sa pagpili ng mga opisyal ng Senado — kung saan ang lahat ng mga nahalal na senador ay kinakailangang bumoto — ang pagdalo ng karamihan ng mga miyembro, o hindi bababa sa 13 senador, ay bumubuo ng isang quorum, at sa gayon ginagawang opisyal ang boto, batay sa mga patakaran ng Senado.
Ang pagboto sa isang panukala ay maaaring masuspinde lamang kung ang kakulangan ng quorum ay itataas sa presiding chair ng plenary session, na karaniwang ang Senate president.
Isang araw matapos na mapagtibay ang Senate Resolution 312, kinuwestiyon ni Marcos ang bisa ng botohan dahil sinabi niya na mayroong “walong senador” lamang sa bulwagan nang kunin ang mga boto, kaya kulang ang quorum.
Gayunman, sinabi ni Senate Majority Leader Miguel Zubiri na ang isang quorum ay hindi nangangahulugang ang lahat ng mga miyembro ng Senado ay pisikal na naroroon sa bulwagan, at maaaring batay sa attendance na kinuha bago magsimula ang sesyon.
“In parliamentary practice all over the world including in the House of Representatives and the Senate, [there is] what we call a continuing quorum. When you establish the quorum in the start of the session, until otherwise questioned by a member, you continue your business of the day all the way to the end of the last hour.
(Sa parliamentary practice sa buong mundo kasama House of Representatives at Senado, [mayroong] tinatawag na continuing quorum. Kapag mayroong quorum na sa pagsisimula ng sesyon, hanggang sa kung hindi kuwestiyunin ng isang miyembro, magpapatuloy ka ng trabaho hanggang sa katapusan ng araw na iyon.)”
Pinagmulan: Senate of the Philippines, Senate Session No. 53, Peb. 11, 2020, panoorin mula 44:14 hanggang 44:35
Ang Senado ay maaaring magtatag, magbago, at magpatibay ng sariling mga patakaran ng pamamaraan.
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines, Senate Session No. 53, Feb. 11, 2020
Senate of the Philippines, Senate Session No. 52, Feb. 10, 2020
Senate of the Philippines, Senate Resolution 312, Feb. 3, 2020
Senate of the Philippines, Legislative process
Official Gazette, 1987 Constitution
Senate of the Philippines, Rules of the Senate (updated edition), January 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)