(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Nov. 28.)
Higit isang linggo pagkatapos bigyan ng pagkakataong makapagpiyansa si dating senador Leila De Lima, isang YouTube video ang nagsasabing pinatay siya. Hindi ito totoo.
Noong Nov. 22, isang YouTube channel ang nag-upload ng video na may maling thumbnail caption na:
“OMG! TINUMBA NA! NABIGLA LAHAT! DELIMA KUMPERMADO!”
Maliban sa caption, isang black-and-white picture ni De Lima ang pinakikita habang sa background ay may mga picture na umiiyak sina Pangulong Bongbong Marcos, dating pangulong Rodrigo Duterte, dating bise presidente Leni Robredo at dating senador Sonny Trillanes. Hindi totoo ito.
Buhay na buhay si De Lima at masigasig pa ngang nakipagtutulungan sa International Criminal Court (ICC) para imbestigahan ang drug war ni Duterte. Hinahabol din ni De Lima ang iba pang nagpakulong sa kanya nang halos pitong taon.
Paglaya ni dati ring justice secretary De Lima, umuwi siya sa nanay niyang may sakit, sa bahay nila sa Iriga, Camarines Sur, kung saan sinundan siya ng ilang media.
Sa interview sa kanya ng Rappler, pinag-usapan ang mga paghihirap na hinarap niya dahil sa gobyernong Duterte. Sinabi rin ni De Lima ang kasalukuyang naiisip niya kay Duterte.
Ang video na may maling thumbnail ay inilabas dalawang araw pagtapos sabihin ni Harry Roque, dating tagapagsalita ni Duterte, na puwedeng pinanigan daw si De Lima ni Judge Gener Gito dahil paborito siyang estudyante ni De Lima noong nagtuturo pa ito ng abogasya sa San Beda. Si Gito ang judge ng Muntinlupa Trial Court na nagbigay ng pagkakataong makapagpiyansa si De Lima.
Ang YouTube channel na BALITANG PINOY TV (ginawa noong Dec. 27, 2020) ang nag-upload ng video na may higit 330 interactions at 9,800 views.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)