Kasaysayan ng hindi isa, o dalawa, kundi apat na henerasyon ng mga lalaking Aquino ang sinulat ulit ng mali sa isang kuwentong inilathala noong Mayo 24 sa website na News Galore (newsgalore.org) na gumawa ng mga hindi totoong detalye tungkol sa kanilang mga pamana at pagkamatay.
Ang kwento, na may headline na “Truth Revealed: ‘Kung Ano ang Puno ay Siya ang Bunga’ (The 4 traitors of the Phils.),” ay kumuha ng mga pahayag mula sa isang post sa Facebook na ibinahagi nung araw na iyon sa The Untold History of the Philippines page.
Sinabi ng News Galore na ipinakikita ng social media post ang mga Aquino kung “sino talaga sila: mga traydor ng bansa.”
Mga pahayag
Ang materyal na ibinahagi ng The Untold History of the Philippines ay isang Facebook post noong Mayo 23 ng Ang Kapal Na Nga, Ang Kupal Pa page. Karamihan ng nilalathala nito ay laban sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte, at kung minsan ay tinutukoy ang oposisyon na Liberal Party, na matagal na nauugnay sa mga Aquino dahil ang pakikilahok ni Ninoy sa pambansang pulitika noong dekada 1960.
Ang mga target ng pahina sa pagkakataong ito ay ang apat na lalaki mula sa matagal nang aktibong pamilya sa pulitika: mula sa rebolusyonaryong kalolololohan hanggang sa dating pangulo na apo sa tuhod.
Habang tama ang ispeling sa Facebook post, ang News Galore ay katakatakang pinalitan ng asterisk (*) ang ilan sa mga letrang O at E sa mga pahayag.
SERVILLANO AQUINO
Kinasuhan ng reb* lyon, sumuko at ibinilanggo sa Bilibid Prison noong Setyembre 1902 at siya ay nasentensiyahan ng bitay.
BENIGNO “Igno” AQUINO SR.
Isang miyembro ng “MAKAPILI,” isang militanteng grupo na nabuo sa Pilipinas noong 1944 noong WW2 upang suportahan at bigyan ng tulong militar sa Japanese Imperial (army). Siya ay kinasuhan ng PAGTATAKSIL ng Phil. Govt. noong 1946, sinentensiyahan sa kamatayan, ngunit siya ay namatay sa atake sa puso noong 1947 habang naghihintay ng paglilitis.
BENIGNO “ninoy” AQUINO JR.
Inorganisa ang grupo ng komunistang CPP-NPA at itinalaga si Joma Sison bilang pinuno ng grupo, siya ay nahatulan sa salang PAGTATAKSIL ng Phil.Govt din noong Nob. 25, 1977, ngunit siya ay sinagip ni MARCOS. Hiniling niya sa Malaysia na suportahan ang kanyang kandidatura at tulungan ang kanyang armadong grupo na CPP-NPA kapalit ng kanyang paglantad sa pamahalaang Malaysian ng plano ni Pres.FERDINAND MARCOS na bawiin ang SABAH.
BENIGNO “ninoy” AQUINO III
Ang nagbenta ng SCARBOROUGH sa China, at nagpuslit ng 3,500 MT ng Marcos Gold. At posibleng kasuhan din sya ng kasong PAGTATAKSIL.
FACTS
Ang mga makasaysayang ulat, mga opisyal na talaan ng gobyerno at ilang mga ulat ng balita ay nagpapakita na ang karamihan ng mga pahayag na ginawa ng News Galore at ang mga pahina ng Facebook ay hindi tumpak, at kung minsan, ganap na walang katotohanan.
Si Gen. Servillano, o Mianong tulad ng tawag kanya, ay isang kumandante ng mga rebolusyon sa Tarlac laban sa Espanyol noong huling bahagi ng 1890s. Siya ay naging isang “masugid na tagasunod” ng unang pangulo ng bansa na si Gen. Emilio Aguinaldo matapos siyang sumama sa boluntaryong pagdidistiyero sa Hong Kong; siya ay naging estudyante sa paaralang pang militar ni Gen. Antonio Luna.
Ito ay sa isang giyera laban sa mga Amerikano noong 1900, nangyari sa Mt. Arayat, kung saan tama ang News Galore sa pagsabing si Mianong ay sumuko bilang isang gerilya.
“Bago ang deadline ng amnestiya noong Setyembre, 1900, bumaba si General Aquino mula sa bundok, sumuko ng ‘walang kondisyon’ kay US Brigadier General Frederick Dent Grant …”
Pinagmulan: Joaquin, N. (1983). The Aquinos of Tarlac. p. 66.
Gayunpaman, siya ay hindi isinakdal sa salang rebelyon noon tulad ng sinabi sa online post ngunit inakusahan ng pagpatay sag isang Amerikanong bilanggo. Siya ay kinasuhan ng rebelyon kaugnay ng kanyang pag-aalsa laban sa Espanyol at nabigyan ang kanyang unang sentensiyang kamatayan.
“Isang bitag ang ipinain para sa kanya; siya ay nahuli, dinala sa Maynila, itinapon sa Fort Santiago, na court-martial at napatunayang nagkasala ng sedisyon.
“Ang rebelde ay sinentensiyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad.”
Pinagmulan: Joaquin, N. (1983). The Aquinos of Tarlac. p. 42.
Ang sentensiyang kamatayan na ito ay unti unting nawala pagdating ng Pact of Biak-na-Bato, o ang “tigil putukan” noong 1897 sa mga Espanyol. Ang heneral ay muling sinentensiyahan ng kamatayan dahil sa umano’y pagpatay sa isang Amerikanong bilanggo, ngunit hindi binanggit ng News Galore na ito ay ibinaba sa pagkabilanggo ng habang buhay. Ang heneral ay nabilanggo sa Bilibid noong 1901, hindi 1902.
“Isang araw, kinuha ang dalawang heneral, si Gen. Diokno sa kanyang sariling bahay at Gen. Aquino sa Bilibid Prison. Ang huli ay na court martial at sinentensiyahan ng kamatayan dahil sa umano’y pagpatay sa isang Amerikanong bilanggo. Gayunpaman, ang kanyang sentensiya ay pinalitan ng Pangulo ng Estados Unidos sa habang buhay na pagkabilanggo. ”
Pinagmulan: Joaquin, N. (1983). The Aquinos of Tarlac. p. 67.
Si Mianong ay pinatawad noong 1904 ni Pangulong Theodore Roosevelt ng Estados Unidos.
“Pagkaraan ng dalawang taon siya ay pinatawad ni Pangulong Theodore Roosevelt … ang dahilan na ibinigay ay si General Frederick Dent Grant, ang presiding officer sa paglilitis ni Aquino, ay ‘nagpahayag din ng pag-aalinlangan tungkol sa pagkilala kay Aquino … na positibo.'”
Pinagmulan: Joaquin, N. (1983). The Aquinos of Tarlac. p. 69.
Ang anak ni Gen. Servillano na si Benigno, o Igno, ay isang beteranong pulitiko na itinuturing ng mga Hapon na kabilang sa tatlong “kalalakihan na mahalaga” sa kanilang pananakop, pangatlo sa mga kapwa statesman na sina Jorge Vargas at Jose Yulo.
Mali ang pahayag ng News Galore na si Igno ay miyembro ng Makabayang Katipunan ng mga Pilipino (Makapili), sapagkat siya ay, sa katunayan, direktor-heneral ng Kapisanan ng Paglilingkod sa Bagong Pilipinas (Kalibapi). Ang Makapili ay isang “organisasyon ng mga karaniwang mamamayan ” na nilikha ng Hapones upang magbigay ng suportang militar pagkatapos na ang Kalibapi — naglalayon na “pag isahin ang buong populasyon ng mga may sapat na gulang sa isang solong pambansang super-party,” ayon sa historian na si Nick Joaquin — ay naging atubili sa pagsuporta sa kanilang mga inisyatibo.
Si Igno ay totoong sinampahan ng kasong pagtataksil noong Agosto 1946 ngunit hindi nasentensiyahan ng kamatayan. Siya ay sumumpa na inosente sa akusasyon at hinayaang magpiyansa.
“Noong kalagitnaan ng Agosto sila (Ignoy, Jose P. Laurel, at Jorge Vargas), ay isinakdal sa harap ng People’s Court, nagpasok ng sagot na walang sala sa mga paratang ng pagtataksil, nag petisyon para makapagpiyansa, at pagkatapos ng walang saysay na pagkabahala, sa wakas ay ipinayagang magpiyansa. Noong Setyembre 11, sila ay pinalabas ng bilangguan.”
Pinagmulan: Joaquin, N. (1983). The Aquinos of Tarlac. p. 176.
Siya ay talagang namatay sa atake sa puso noong 1947 habang naghihintay sa paglilitis, habang nanonood ng isang live na boxing match.
Ang anak ni Igno na si Ninoy, na kasama niya sa Rizal Memorial Stadium kung saan siya inatake sa puso at namatay, ay kinalaunan naging kilala din, bilang lider ng oposisyon laban sa diktador na si Ferdinand Marcos.
Ang pahayag ng News Galore na inorganisa ni Ninoy ang Communist Party of the Philippines at ang armadong grupo nito na New People’s Army (CPP-NPA), at hinirang si Jose Maria Sison bilang lider nito, ay walang ebidensya. Habang si Sison, ang kinikilalang tagapagtatag ng CPP-NPA, ay nagsabi na si Ninoy ay “hindi kilalang kaaway ng NPA,” sinabi niyang walang “pormal na alyansa” sa pagitan nila.
Sa pahayag na siya ay nahatulan sa pagtataksil pagkatapos ay “sinagip” ni Marcos, ang mas tama ay, si Ninoy ay nahatulan sa salang subversion, pagpatay at illegal possession of firearms noong Nobyembre 25, 1977; siya ay binigyan ng medical furlough ni Marcos noong 1980 para sa isang coronary bypass surgery sa Estados Unidos. (Tingnan: The New York Times’ obituary for Ninoy Aquino: BENIGNO AQUINO, BITTER FOE OF MARCOS)
Maling iniugnay ulit ng News Galore si Ninoy sa CPP-NPA sa isa pang pahayag, sinasabing nakipag-usap siya sa Malaysia upang humingi ng suporta para sa mga rebelde. Ayon sa dating Foreign Affairs Affairs national territory division chief na si Hermes Dorado, ang pulong ay para sa isang pagpapatalsik kay Marcos.
Ang plano ni Marcos na bawiin ang Sabah — Oplan Merdeka — ay inilantad ni Ninoy noong Marso 1968 sa kanyang privilege speech. Ang pahayag ng website na ito ay inilantad sa panahon ng kanyang pakikipag-usap sa Malaysia ay walang patunay.
Ang tanging anak ni Ninoy na si Benigno III, na ang palayaw na “Noynoy” ay maling ipinahayag ng News Galore bilang “Ninoy,” ay humarap din sa akusasyon sa kanyang termino bilang presidente ng bansa. Siya ay totoong sinampahan ng kasong pagtataksil at paniniktik dahil sa umano’y pagkakaroon ng backchannel talks sa China para mabawasan ang pag-igting ng tensyon sa isang standoff sa Scarborough Shoal noong 2012, ngunit ibinasura ng Ombudsman ang reklamo noong Hunyo 2017.
Ang isa pang pahayag tungkol kay Noynoy na nagkakamal ng 3,500 metric tons ng “Marcos gold” ay batay sa isang gawa-gawang dokumento. (Tingnan: THIS WEEK IN FAKE NEWS: Aquino, allies DID NOT transfer Marcos gold to foreign company)
Noong Abril, ang isang mas mahabang bersyon ng kuwento ay ibinahagi rin ng The Daily Sentry (thedailysentry.net), na tinawag ang apat na mga Aquino na “kanser” at “isang alon ng kamalasan.”
Inilathala ang istorya ng News Galore, na nilikha noong Abril 2018, nang si Noynoy Aquino ay humarap sa mga akusasyon ng mga senador hinggil sa kanyang kaugnayan sa iskandalo sa bakuna ng Dengvaxia. Ang pinakamalaking traffic generator sa social media ay ang The Filipino News, na paulit-ulit na nagbahagi nito mula Mayo 24 hanggang 29, at maaaring nakaabot sa higit sa 1 milyong tao. Ang bersyon ng The Daily Sentry, na ang pinakamalaking traffic generator ay The Filipino News din, ay maaaring umabot sa higit sa 1.8 milyong tao.
Mga pinagmulan ng impormasyon:
Dunlap, D. (1983, Aug. 22). “BENIGNO AQUINO, BITTER FOE OF MARCOS.” Retrieved from https://www.nytimes.com/1983/08/22/obituaries/benigno-aquino-bitter-foe-of-marcos.html
Elefante, F. V. (2016, June 13).
“The Philippines’s Second Republic and a forgotten Independence Day.” Retrieved from https://businessmirror.com.ph/the-philippiness-second-republic-and-a-forgotten-independence-day/
Jose, R.T. (2001, Dec. 27). The Association for Service to the New Philippines(KALIBAPI) during the Japanese Occupation: Attempting to Transplant a Japanese Wartime Concept to the Philippines. The Journal of Sophia Asian Studies, 19. Retrieved from https://web.archive.org/web/20141020023247/http://repository.cc.sophia.ac.jp/dspace/bitstream/123456789/5217/1/200000079942_000121000_149.pdf
Sison, J. M. (2010, Oct. 1). “ON NINOY AQUINO’S RELATIONS WITH CPP & NPA.” Retrieved from https://josemariasison.org/on-ninoy-aquinos-relations-with-cpp-npa/
Joaquin, N. (1983). The Aquinos of Tarlac. Manila: Cacho Hermanos, Inc.
“Jabidah! Special Forces of Evil?” by Senator Benigno S. Aquino Jr., The Official Gazette, Mar. 28, 1968.