Hindi totoo ang sinabi ng dating broadcaster na si Jay Sonza na nilaktawan ng anak ni Vice President Leni Robredo ang community quarantine matapos dumating mula sa ibang bansa at kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.
Pinasisinungalingan ang pahayag ni Sonza, sinabi ni Robredo sa Facebook post ng Enero 5: “Wala po itong katotohanan ito. Sinasadya na lang talaga magsinungaling dahil may mga napapaniwala.”
PAHAYAG
Noong umaga ng Dis. 31, 2021, nag-post si Sonza ng mensahe na nakapatungkol sa isang “Madam,” na tila tinutukoy ang bise presidente:
“Sabi mo Madam, dapat walang palakasan. Bakit iyong anak mong dumating derecho sa bahay, hindi dumaan sa Quarantine Protocol?”
Pinagmulan: Jay Sonza official Facebook account, Sabi mo Madam, dapat walang palakasan,.. (perma.cc), Dis. 31, 2021
Bagama’t hindi pinangalanan ni Sonza si Robredo, sinabi ng bise presidente noong Dis. 26, 2021 sa isang segment ng kanyang lingguhang programa sa radyo na “BISErbisyo Leni” na tatapusin niya ang sistema ng “palakasan” sa mga negosyo kung siya ay mahalal na pangulo sa 2022 na halalan.
Ilang netizen ang tumawag ng pansin ni Sonza dahil sa pagpapakalat ng “fake news.” Ang iba, na nag-aakalang totoo ang sinasabi, pinuna ang bise presidente.
ANG KATOTOHANAN
Maraming mga social media post at video ang nagpapatunay na magkakahiwalay na nag-obserba ng quarantine isolation procedures si Robredo at ang kanyang tatlong anak.
Noong Dis. 29, inanunsyo sa Instagram ng doktor na anak ni Robredo na si Tricia na nagpositibo siya sa COVID-19 noong Dis. 24, 2021, limang araw pagkatapos maglakbay mula New York patungong Manila kasama ang kanyang mga kapatid na sina Jillian at Aika. Sinabi niya na ang kanyang kahilingan na sumailalim sa mahigpit na home quarantine ay hindi pinagbigyan.
Kinumpirma ng bise presidente, sa isang Facebook post noong Dis. 30, 2021, na si Tricia ay inilipat sa isang isolation facility pagkatapos magpositibo sa coronavirus. Pinasisinungalingan ang tsismis, itinanggi rin niya na ang kanyang close-in security aide ay may anumang contact o na-expose kay Tricia.
Sa isang Facebook post noong Enero 5, nilinaw ni Robredo na ang kanyang tatlong anak na babae ay sumailalim sa limang araw na quarantine sa isang hotel matapos bumiyahe mula sa ibang bansa. Sina Jillian at Aika, na negatibo sa RT-PCR test, ay sumailalim sa home quarantine hanggang Enero 3, dagdag niya.
Sinabi rin ng bise presidente na nakalabas lamang si Tricia sa quarantine facility matapos mag-negatibo sa virus sa loob ng tatlong magkakasunod na araw.
Ang hindi totoong post ni Sonza ay nakakuha ng kabuuang 8,700 reactions, 1,400 comments, at 727 shares. Ito ay muling na-share ng 14 na beses ng mga Facebook page at groups, at maaaring nakaabot sa 356,000 katao, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Leni Gerona Robredo official Facebook account, PLS REPORT THESE FAKE NEWS PEDDLERS…, Jan. 5, 2022
Jay Sonza official Facebook account, Sabi mo Madam, dapat walang palakasan… (perma.cc), Dec. 31, 2021
VP Leni Robredo official Facebook page, BISErbisyong LENI – Episode 242, Dec. 26, 2021
Tricia Robredo official Instagram account, Christmas with COVID…, Dec. 29, 2021
Leni Gerona Robredo official Facebook account, Tricia sent me this and I want to set the record straight…, Dec. 30, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)