Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Katwiran ng mambabatas sa pagpapalit ng pangalan ng NAIA nakaliligaw

WHAT WAS CLAIMED

Ang Ninoy Aquino International Airport ay ginawa noong administrasyon ni Ferdinand Marcos Sr.

OUR VERDICT

Nakaliligaw:

Batay sa state of the nation address noong Enero 1948 ng presidente Manuel Roxas, mayroon nang Manila International Airport (MIA) noong panahong iyon. Iyon ay 17 taon bago naging pangulo si Marcos noong 1965.

Ang paliparan ay dating U.S. Air Force base hanggang sa naibalik ang pasilidad noong 1948 sa National Airport Corporation ng gobyerno ng Pilipinas, ayon sa opisyal na website ng Manila International Airport Authority.

By VERA Files

Jul 9, 2022

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang pahayag sa media noong Hulyo 5, sinabi ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na naghain siya noong Hunyo 30 ng panukalang batas na nagmumungkahi na palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at gawing Ferdinand E. Marcos Sr. International Airport.

Binigyan-katwiran niya ang panukala sa pamamagitan ng pagsasabing “ginawa” ang paliparan sa ilalim ng administrasyon ng yumaong diktador.

Ito ay nakaliligaw.

PAHAYAG

Sa panayam sa Sa Totoo Lang ng One News PH noong Hunyo 6, binawi ni Teves ang kanyang pahayag at sa halip sinabi na ipinaayos ni Marcos Sr. ang paliparan:

“Let’s give credit where credit is due (Bigyan natin ng kredito kung saan nararapat ang kredito). Totoo naman na ang nagpaganda niyan… pinaganda ‘yan noong panahon ni ano. Nagkamali ako nang sinabi ko na sila ang nagpagawa. Pagawa, still the same (ganun pa rin). Pag nagpaganda niyan, naging ganyan ‘yan sa panahon nila president Ferdinand Marcos [Sr].”

 

Pinagmulan: One News PH official Youtube channel, Teves defends bill to rename NAIA to Ferdinand E. Marcos Int’l Airport, Hulyo 6, 2022, panoorin mula 0:15 to 0:32

Sa isang naunang panayam sa ABS CBN News Channel, ipinagtanggol ni Teves ang kanyang panukala at sinabing si Marcos Sr. ang nagpagawa ng NAIA. Sinabi niya:

“Ang sa akin, si Marcos naman talaga ang gumawa niyan, eh. Bakit siya ipapangalan sa isang tao na binaril doon sa airport? Kung may iba pang binaril doon sa airport, papalitan na naman natin ang pangalan, ‘di ba?”

 

Pinagmulan: ABS CBN official website, ‘Wala nang bisa ‘yung EDSA’: Teves defends proposal to rename NAIA after Marcos Sr., Hulyo 6, 2022, panoorin mula 0:21 to 0:35

Sa explanatory note para sa House Bill 610, isinulat ni Teves:

“It is more appropriate to rename it to the person who has contributed to the idea and execution of the said noble project. This project was done during the presidency of Ferdinand Marcos Sr.”

 

(Mas angkop na palitan ang pangalan nito sa taong nag-ambag sa ideya at pagsasagawa ng nasabing marangal na proyekto. Ang proyektong ito ay ginawa sa panahon ng pagkapangulo ni Ferdinand Marcos Sr.)

 

Pinagmulan: ABS CBN News official Twitter, Rep. Arnolfo Teves Jr. files bill seeking to rename the Ninoy Aquino International Airport to Ferdinand E. Marcos International Airport | via @VivienneGulla, Hulyo 5, 2022

 

ANG KATOTOHANAN

Batay sa state of the nation address ni dating pangulong Manuel Roxas noong Enero 1948, mayroon nang Manila International Airport (MIA). Iyon ay 17 taon bago naging pangulo si Marcos noong 1965.

Sinabi ni Roxas na ipinagawa niya ang MIA sa pamamagitan ng isang executive order “dahil sa patuloy na pagtaas ng international air traffic.”

Ang paliparan ay dating United States (U.S.) Air Force base hanggang sa ipinaubaya ang pasilidad sa National Airport Corporation ng gobyerno ng Pilipinas noong 1948, ayon sa website ng Manila International Airport Authority (MIAA).

Sa sumunod na 15 taon, ang mga karagdagang pagbabago na makakatugon sa mga pamantayan ng mga internasyonal na flight ay ginawa sa mga pasilidad ng paliparan, tulad ng pagkumpleto ng isang internasyonal na runway at taxiway noong 1953 at ang control tower at terminal building noong 1963, dalawang taon bago naging presidente si Marcos Sr.

Matapos sumiklab ang isang sunog noong 1972, lumikha si Marcos Sr. ng isang komite para i-rehabilitate ang MIA sa pamamagitan ng Executive Order No. 381.

Ang Terminal 1, kung saan pinatay ang kapangalan ng airport, ang yumaong senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., ay binuksan noong termino ni Marcos noong 1981.

Ang mga terminal 2 at 3 ay mga proyekto ng mga sumunod na administrasyon. Nagsimula ang konstruksyon ng Terminal 2 noong 1995 at nagsimulang gumana noong 1999, 13 taon pagkatapos tumakas si Marcos Sr. sa Pilipinas noong 1986. Ang Terminal 3, kung saan nagsimula ang konstruksiyon noong 1997, ay pinasinayaan para sa buong operasyon noong 2014.

Ang Terminal 4, na ngayon ay ginagamit para sa mga domestic na pasahero, ang pinakamatandang terminal ng NAIA.

Pinalitan ang pangalan ng MIA at ginawang NAIA noong 1987, apat na taon matapos paslangin si Aquino sa tarmac ng paliparan sa kanyang pagbabalik mula sa exile sa U.S. (Basahin: Why is it named the Ninoy Aquino International Airport?)

Pinabulaanan din ng VERA Files Fact Check ang mga katulad na pahayag na kumalat online noong 2021. (Basahin: VERA FILES FACT CHECK: NAIA is NOT a Marcos project)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

ABS CBN News official Twitter, Rep. Arnolfo Teves Jr. files bill seeking to rename the Ninoy Aquino International Airport to Ferdinand E. Marcos International Airport | via @VivienneGulla, July 5, 2022

CNN Philippines official Twitter, READ: Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. files House Bill 610 renaming the Ninoy Aquino International Airport (NAIA) to Ferdinand E. Marcos International Airport. | @xianneangel, July 5, 2022

Inquirer.net official Twitter, READ: Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. files a bill to rename the Ninoy Aquino International Airport into “Ferdinand E. Marcos International Airport.” | @jiandradeINQ/PDI, July 5, 2022

ABS CBN official website, ‘Wala nang bisa ‘yung EDSA’: Teves defends proposal to rename NAIA after Marcos Sr., July 6, 2022

One News PH official Youtube channel, Teves defends bill to rename NAIA to Ferdinand E. Marcos Int’l Airport, July 6, 2022

Official Gazette, Manuel Roxas, Third State of the Nation Address, January 26, 1948, Jan. 26, 1948

Manila International Airport Authority, History of MIAA, accessed on July 6, 2022

Official Gazette, Executive Order No. 381, s. 1972, March 3, 1972

Manila International Airport Authority, ABOUT NAIA TERMINAL 1, accessed on July 6, 2022

Manila International Airport Authority, ABOUT TERMINAL 2, accessed on July 6, 2022

Manila International Airport Authority, ABOUT TERMINAL 3, accessed on July 6, 2022

Official Gazette, 17 years in the making: Full airline operations at NAIA T3, July 24, 2014

Manila International Airport Authority, About NAIA Terminal 4, accessed on July 7, 2022

Official Gazette, Republic Act 6639, November 27, 1987

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.