Pinasinungalingan ng dalawang opisyal ng gobyerno, na pinangalanan ng isang website na muling bumuhay noong Agosto 24 ng pekeng ulat na nanawagan si Sen. Risa Hontiveros ng EDSA 3 upang patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte, ang kanilang pagkakadawit sa panloloko.
Sa hiwalay na mga text message, sinabi nina Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol at n Philippine Amusement and Gaming Corp. Chair Andrea Domingo na wala silang kinalaman sa website na Global Friends of Rody Duterte (GFORD).
Sa pahinang “About” ng GFORD nakasaad na ito ay inorganisa noong Setyembre 11, 2015 “sa patnubay at direksyon ni Manny Piñol” at “nagsimula bilang sangay sa ibang bansa ng Friends of Rody Duterte (FORD), na pinamumunuan ni Andrea Domingo.”
Noong Agosto 24, ang pahina ng Facebook nito ay nag-post ng isang link sa website nito, hatid ang pekeng ulat, “WATCH: Hontiveros, nanawagan ng EDSA 3 para patalsikin si Pangulong Duterte.”
Kasama sa pahina ang isang 19-minutong video sa Youtube na nag-edit ng dalawang minutong video na pahayag ni Hontiveros, ang transcript nito ay nasa pahina ng Senate Facebook, na may 17-minutong clip ng senador, kasabay na naglalakad sina Senador Franklin Drilon at Francis Pangilinan.
Ang pekeng video ay ikinalat noon pang Pebrero 26, isang araw pagkatapos ng anibersaryo ng 1986 EDSA revolt na nagpabagsak sa diktadurang Marcos, sa pamamagitan ng isang pahina sa Facebook na tinawag na “Duterte Ang Pagbabago.”
Ang post ng GFORD noong Agosto 24 ay lumabas nang si Hontiveros ay laman ng balita dahil sa kanyang pag-ako ng pangangalaga sa mga saksi sa kaso ni Kian Loyd Delos Santos.
Ang pagpatay kay Delos Santos, isang 17-taong-gulang na estudyante, ng mga pulis ng Caloocan City sa isang operasyon kontra droga antinarcotics noong Agosto 16 ay nagpasiklab ng matinding galit sa bansa. (Tignan Outrage at Kian’s wake: Lawmakers, rights activists denounce Duterte’s war on drugs)
Nang hingan ng komento sa kanyang umanong koneksyon sa GFORD, sinabi ni Piñol, “Sa trabaho ko ngayon, sa palagay mo ba ay may oras pa ako para magkalat ng pekeng balita?”
“Noong panahon ng kampanya, maraming mga boluntaryong grupo ang lumikha ng mga social media site upang makatulong na itaguyod ang kandidatura ni Pangulong Duterte. Ang GFORD ay maaaring isa sa mga ito, ngunit hindi ako nagkaroon ng tuwirang partisipasyon sa paglikha nito, “sabi niya.
Itinanggi rin ni Domingo ang kanyang paglahok sa GFORD, ngunit sinabi niyang siya ay nananatiling chair ng Friends of Rodrigo Duterte (FORD), isang kaugnay na nonprofit organization, na sinabi niyang may mga miyembrong overseas Filipino workers (OFW).
“Lumaki ang organisasyon at sa kasalukuyan lumalaki pa rin kami habang pinagsasama-sama ang aming mga miyembro. Maaaring ang isang direktor ay hinihikayat ang pagbuo ng isang pandaigdigang samahan, “sabi niya.
Ipinapakita ng Analytics mula sa online tool na CrowdTangle na ang pahina ng GFORD na naghahatid ng pekeng balita tungkol kay Hontiveros ay maaaring umabot sa mga 268,000 tao.
Ang isang mabilisang paghahanap sa Google gamit ang pamagat na pekeng Hontiveros video ay nagbubunga ng maraming iba pang mga web page na nagbahagi ng parehong video. Kasama sa mga web page na ito ang:
- Trending Topics Philippines
- Daily Filipino (ilang artikulo ay tinatakan na pekeng balita ng Fakeblok)
- Netizens Ph (tinatakan ng CBCP na site ng pekeng balita)
- Duterte News Today
- Pinoy News Online
- Standards Daily News
- Du30 Today
Ang Daily Filipino ay naglalagay ng mga artikulo na kinilalang pekeng balita ng Fakeblok, isang browser plugin na ginawa ng National Union of Journalists of the Philippines at Center for Media Freedom and Responsibility.
Samantala, ang Netizens Ph ay kinilala ng ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na isang pekeng site ng balita.
How the fake Hontiveros video spreads through FB interactions
Ang trapik sa mga site na ito, kabilang ang FORD, ay pinatitindi ng mga pahina ng Facebook na may pinagsamang 3.85 milyon followers, ayon sa mga sukatan ng Facebook at CrowdTangle.
Nang ang pekeng balita ay unang ibinahagi noong Pebrero sa pamamagitan ng pahina ng Facebook na “Duterte Ang Pagbabago,” ang post ay nakakuha ng isang katamtamang 619 na “pakikipag-ugnayan,” ang bilang kung ilang beses na nagustuhan, ibinahagi o natanggap na mga komento.
Ang mga pakikipag-ugnayan sa social media ay tumaas noong Hunyo at Agosto, nang ang pekeng video ay muling lumutang, dala ng mga pahina ng Facebook na mukhang mga site ng balita, o nakatuon sa mga tagasuporta ni Duterte o mga grupong maka-Marcos.
Hindi lamang GFORD ang muling gumamit ng pekeng video noong Agosto. Higit pang mga pakikipag-ugnayan sa social media sa parehong buwan ang naka-link sa pahina ng website na Daily Filipino, na may trapik na nagmumula sa mga sumusunod na pahina ng Facebook, na nagbahagi ng pekeng balita:
- President Duterte Worldwide Supporters
- SNP – Social News Philippines
- Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos
- Marcos Warriors
- Imong Kagaral
- President Duterte 2016
- Paasa
Ang Facebook pages na ito ay may pinagsamang higit sa 1.4 milyong followers.
Ang Daily Filipino, bagaman nagpapahiwatig na isang site ng balita, ay walang ibinibigay na impormasyon tungkol sa mga taong nasa likod nito, at tila sa pangkalahatan ay kumukuha lang ng mga viral o trending na nilalaman mula sa ibang lugar.
“Ang isang website ng balita ay dapat may pananagutan sa kung ano ang nakalagay sa pahina nito, at nagsisimula ito sa pagtukoy sa mga tao sa likod nito, pati na rin kung paano sila maaaring makipag-ugnay upang maaari silang hilingan ng paliwanag sa mga mali na nai-post sa kanilang mga site, bukod sa iba pa,” puna ng CMFR.
Ang mga site na hindi nagagampanan ang anumang pamantayan sa pamamahayag, dagdag ng CMFR, “ay hindi dapat kilalanin bilang pinagkukunan ng balita.”