Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ng Press Secretary na ang inflation ay ‘hindi dahil sa anumang mga lokal na kadahilanan’ NAKALILIGAW

WHAT WAS CLAIMED

Ang inflation ay “hindi dahil sa anumang mga lokal na kadahilanan; ito ay talagang dahil sa halaga ng palitan ng peso sa dolyar.”

OUR VERDICT

Nakaliligaw:

Sa isang email sa VERA Files Fact Check, sinabi ni Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, na habang ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng pagkain at ang pagbaba ng piso, na dulot ng pagtaas ng interes sa United States, ay talagang mga kagyat na kadahilanan ng inflation, ang gobyerno ay may “direktang kontrol sa mga kadahilanan tulad ng excise at value added tax na ipinapataw nito sa mga kalakal at serbisyong ginamit o, tulad ng gasolina, na ginagamit upang makagawa ng iba pang mga produkto at serbisyo.”

By VERA Files

Oct 4, 2022

5-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ang dahilan ng pagtaas ng inflation sa bansa ay ang peso-dollar exchange rate na bumagsak sa pinakamababang halaga, at “hindi dahil sa anumang lokal na kadahilanan.”

Ito ay nakaliligaw.

PAHAYAG

Sa isang media briefing noong Setyembre 27, tinanong si Cruz-Angeles kung ano ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos at ng kanyang mga economic manager sa patuloy na paghina ng halaga ng piso.

Sumagot siya:

“Ang presidente ay palaging nakikipag-ugnayan sa economic team at mahigpit nilang sinusubaybayan ito. Tulad ng alam ninyo naman, ang inflation rate ay hindi dahil sa anumang lokal na kadahilanan; ito ay talagang tungkol sa halaga ng palitan ng peso sa dolyar.”

 

Pinagmulan: RTVMalacañang, Press Briefing of Press Secretary Trixie Cruz-Angeles 9/27/2022, Setyembre 27, 2022, panoorin mula 6:32 hanggang 6:53

ANG KATOTOHANAN

Sa isang email sa VERA Files Fact Check, sinabi ni Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, na habang ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng pagkain at ang pagbaba ng piso, na dulot ng pagtaas ng interest rates sa United States, ay talagang agarang mga kadahilanan ng inflation, ang gobyerno ay may “direktang kontrol sa mga kadahilanan tulad ng excise at value added taxes na ipinapataw nito sa mga kalakal at serbisyong ginamit o, tulad ng gasolina, na ginagamit upang makagawa ng iba pang mga produkto at serbisyo.”

“Ang ganap na pagsisi sa mga pandaigdigang kondisyon ay maaaring para ilihis lamang ang atensyon mula sa pagkukulang ng gobyerno at upang bigyang-katwiran ang hindi pagkilos nito,” sinabi ni Africa.

Ang pamahalaan ay nagpapataw ng mga excise tax sa mga lokal na produkto tulad ng alak, tabako, petrolyo, at sweetened beverages sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, na nagpapataas ng kanilang mga presyo. (Basahin ang SONA 2020 Promise Tracker: Economy)

Sang-ayon sa pananaw ni Africa si Filomeno Sta. Ana III, coordinator ng Action for Economic Reforms, na nagsabing habang ang mga panlabas na kadahilanan tulad ng pagtaas ng presyo ng langis at supply shocks na may kaugnayan sa pandemya ay nagtutulak para tumaas ang mga presyo, “ang mga domestic na kadahilanan ay gumagana rin, pangunahin dahil sa mali o ligaw na patakaran.”

Bilang halimbawa, binanggit ni Sta. Ana na noong panahon ng pandemya, tumaas ang mga gastos sa transportasyon dahil sa “kawalan ng kakayahan ng gobyerno na magbigay ng sapat at abot-kayang pampublikong transportasyon.”

Ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay nagpapakita na ang headline inflation rate ng bansa ay nasa 6.3% noong Agosto 2022. Ang headline inflation ay “nagsusukat ng mga pagbabago sa cost of living batay sa mga paggalaw sa mga presyo ng partikular na basket ng mga pangunahing bilihin.”

Inilalarawan ng International Monetary Fund ang isang inflationary environment bilang isang sitwasyon kung saan “ang hindi pantay-pantay na pagtaas ng mga presyo ay nakababawas sa kakayahang bumili ng ilang mga mamimili.”

Tinatantiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang average na inflation na 5.4% ngayong taon, na higit sa target range ng gobyerno na 2% hanggang 4%.

Ayon sa Bankers Association of the Philippines, nagsara ang halaga ng piso sa P59 kada U.S. dollar noong Oktubre 4.

Ang average na halaga ng piso sa dolyar noong Setyembre ay P57.43. Mula taong 2021 hanggang sa kasalukuyan, bumaba ng P8 ang halaga ng piso, na nagsara sa P51 noong Disyembre 31, 2021.

Iniulat ni Dennis Mapa, PSA national statistician at civil registrar general, noong Setyembre 6 na ang pinakamalaking nag-aambag sa inflation ay ang pagkain at non-alcoholic na inumin; pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang fuel; at transportasyon.

Nang tanungin sa isang forum tungkol sa epekto ng mataas na halaga ng dolyar sa inflation, ipinaliwanag ni Mapa na dahil ang inaangkat na gasolina ay binibili gamit ang U.S. dollars, “may epekto [ito] sa presyo ng pump price” sa domestic market.

(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: Ang nasa likod ng pagtaas ng presyo ng langis at excise tax)

“Nakita natin ‘pag tumaas ‘yung presyo ng gasolina, medyo may spike talaga pagkaraan ng dalawang buwan … medyo nakikita na namin na tumataas na rin ‘yung ibang items na partikular na naapektuhan ng transport,” sinabi niya, na nagdagdag na ang technical team ay kailangang pag-aralan ang kaugnayan ng mga kadahilanang ito.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

RTVMalacañang, Press Briefing of Press Secretary Trixie Cruz-Angeles 9/27/2022, Setyembre 27, 2022

Philippine Statistics Authority, Press Conference on the August 2022 Inflation Report, Setyembre 6, 2022

Philippine Statistics Authority, Headline Inflation (Conceptual Definition), Na-access noong Oktubre 3, 2022

International Monetary Fund, Inflation: Prices on the Rise, Na-access noong Oktubre 3, 2022

Philippine Statistics Authority, Summary Inflation Report Consumer Price Index (2018=100): August 2022, Setyembre 6, 2022

Bangko Sentral ng Pilipinas, Bangko Sentral ng Pilipinas Price Stability, Na-access noong Oktubre 3, 2022

Bangko Sentral ng Pilipinas, KEEPING THE INFLATION TARGET UNCHANGED FOR 2022-2024, Enero 2022

Bangko Sentral ng Pilipinas, Daily Peso per US Dollar, Na-access noong Oktubre 3, 2022

Bureau of Internal Revenue, Excise Tax, Na-access noong Oktubre 3, 2022

Action for Economic Reforms, Personal communication (email), Setyembre 28, 2022

IBON Foundation, Personal communication (email), Setyembre 28, 2022

Bangko Sentral ng Pilipinas, Bangko Sentral ng Pilipinas Statistics – Exchange Rate, Oktubre 4, 2022

Bankers Association of the Philippines, Bankers Association of the Philippines, Na-access noong Oktubre 4, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.