Hindi tama ang rekomendasyon ni Health Secretary Francisco Duque III na uminom ng maraming tubig at panatilihing basa ng lalamunan bilang proteksyon laban sa new coronavirus.
PAHAYAG
Sa press conference noong Enero 30 sa tri-weekly update ng Department of Health (DOH) sa 2019-nCoV, pinayuhan ni Duque ang publiko na gumawa ng mga hakbang bilang proteksiyon, tulad ng tamang paglilinis ng kamay at pagsunod sa cough etiquette.
Sinabi niya pagkatapos:
“I strongly recommend as your doctor, that you have to drink a lot of water. Make sure that your throat is moist so that the virus doesn’t attach to it and eventually get sore (Inirerekomenda ko bilang inyong doktor, na kailangan ninyong uminom ng maraming tubig. Siguraduhing basa-basa ang inyong lalamunan para hindi kumapit ang virus dito at sa huli ay sumakit).”
Pinagmulan: Department of Health (Philippines) Facebook, HAPPENING NOW: Press Briefing on the novel coronavirus (2019-nCoV), Jan. 30, 2020, panoorin mula 16:03 hanggang 16:43
ANG KATOTOHANAN
“Ang pag-inom ng tubig ay hindi mapipigilan ang coronavirus infection,” sinabi ng World Health Organization (WHO) sa isang email sa VERA Files. Gayunpaman, ang pagiging hydrated ay mahalaga sa pangkalahatang kalusugan, idagdag nito.
Sinabi ng Ministry of Health ng Singapore, na na-tag din sa isang katulad na maling impormasyon, na “ang pagpapanatiling basa ng lalamunan ng isang tao ay hindi kayang pigilin ang trangkaso,” iniulat ng Straits Times.
Si Dr. Edrie Alcanzare, isang public health specialist, ay sinipi sa ulat ng Flipscience.ph na nagsasabing walang “katibayan na ang isang tuyong lalamunan ay lalong madaling kapitan ng coronaviruses, lalo na ang 2019-nCoV.”
Habang ang namamagang lalamunan ay isang sintomas na nauugnay sa 2019-nCoV, sinabi ng WHO sa isang Q&A; report na “ang mga laboratory test ay kinakailangang kumpirmahin kung ang isang tao ay may 2019-nCoV.”
“Ang mga taong may 2019-nCoV infection, trangkaso, o sipon ay karaniwang nagkakaroon ng respiratory symptoms tulad ng lagnat, ubo at matinding sipon. Kahit na maraming mga sintomas ay magkapareho, ang mga ito ay dala ng iba’t ibang mga virus,” idinagdag ng WHO.
Nakuha ng coronavirus ang pangalan nito dahil sa hitsura ng mga spike o mga korona — “corona” sa Latin — sa ibabaw ng virus. (See VERA FILES FACT SHEET: Novel coronavirus: Anim na bagay na dapat mong malaman) Ang mga spike, na tinatawag na glycoproteins, ang ginagamit ng virus sa pagkapit sa host cell nito, ayon sa isang fact sheet ng Morgridge Institute for Research.
Sinabi ni Peter Lin, isang family physician na nakabase sa Canada, sa CBC News na ang 2019-nCoV ay may mga spike na katulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) coronavirus, na nakadidikit sa mga cell sa baga at umuulit upang ikalat ang maraming virus sa loob ng katawan.
Naglabas ang WHO noong Enero 28 ng mga clinical interim guideline para sa mga pasyente na may acute severe respiratory infection na pinaghihinalaang mayroong 2019-nCoV.
Ang human to human transmission ng 2019-nCoV ay “higit sa lahat” nangyayari sa pamamagitan ng respiratory droplets, na “nakukuha kapag ang isang infected na tao ay umuubo o bumabahin,” ayon sa United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
“Hindi pa malinaw,” gayunpaman, kung ang isang tao ay maaaring mahawahan sa pamamagitan ng paghawak ng bagay na mayroong virus at pagkatapos ay hawakan ang kanilang bibig, ilong, o mata, idinagdag ng CDC. Sinabi ng WHO, sa Q&A; nito tungkol sa coronaviruses, na wala pa ring konklusyon kung gaano katagal ang buhay ng virus sa ibabaw [ng mga bagay], bagaman maaari itong tumagal ng ilang oras.
Kasunod ng pahayag ng pinuno ng Civil Affairs Bureau ng Shanghai na ang 2019-nCoV ay maaaring kumalat sa pamamagitan aerosol transmission — mga droplet na dala ng hangin kapag ang tao ay bumahin o umubo – nilinaw ng WHO na “kailangan pa nitong makita ang datos at unawain kung paano sinuri ang transmission.”
Ang iba pang mga kwentong pinasinungalingan ng WHO ay matatagpuan dito.
Parehong ang CDC at WHO ay naglista ng mga sumusunod hakbang para maiwasan ang panganib ng transmission:
- Madalas na wastong paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol-based sanitizer kung walang sabon at tubig;
- Pag-iwas sa malapit na pakikipag-ugnay sa mga may sakit, lalo na sa mga may respiratory infection;
- Pagsunod sa cough etiquette (dumistansya, takpan ang bibig kapag umuubo at bumabahin, tamang pagtapon ng tisyu o damit, hugasan ang mga kamay);
- Iwasan ang paghawak sa mga mata, ilong, bibig; at
- Maayos na paghahanda ng pagkain.
Ang 2019-nCoV disease ay pinangalanan ngayon na Corona Virus Disease o COVID-19. Ang pangalan ay hindi tumutukoy sa anumang lokasyon ng heograpiya, hayop, o indibidwal upang “pigilan ang paggamit ng iba pang mga pangalan na maaaring hindi tumpak o nakasisirang-puri,” na nagbibigay ng isang “karaniwang format na magagamit para sa anumang coronavirus outbreak sa pagdating ng pahaon,” sabi ng WHO.
Noong Peb. 13, ang kabuuang nakumpirma na mga kaso ng COVID-19 sa buong mundo ay lumobo na sa 60,335, na may 1,369 na pagkamatay at 6,074 mga pasyente na gumaling, batay sa monitoring database ng Johns Hopkins.
Mga Pinagmulan
Department of Health (Philippines) Facebook, HAPPENING NOW: Press Briefing on the novel coronavirus (2019-nCoV), Jan. 30, 2020
ABS-CBN News, Coronaviruses on Made-in-China goods, door knobs? DOH chief distinguishes fact from fiction, Jan. 31, 2020
Personal Communication with World Health Organization Philippines, Feb. 7, 2020
The Straits Times, ‘MOH advice’ on how not to catch influenza is a hoax, Jan. 7, 2020
Flipscience.ph, Does A Moist Throat Protect You From A Coronavirus?, Jan. 31, 2020
World Health Organization, Q&A; on coronaviruses, Feb. 2, 2020
Morgridge Institute for Research, Coronavirus Fact Sheet
CBC News Official Youtube, Get the facts on coronavirus, Feb. 1, 2020
World Health Organization, Severe Acute Respiratory Syndrome
World Health Organization, Clinical management of severe acute respiratory infection when novel coronavirus (2019-nCoV) infection is suspected, Jan. 28, 2020
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, 2019 Novel Coronavirus: How it Spreads
China Daily, Shanghai officials reveal novel coronavirus transmission modes, Feb. 8, 2020
U.S. Centers for Disease Control and Prevention, 2019 Novel Coronavirus: Prevention & Treatment
World Health Organization, Novel Coronavirus (2019-nCoV) advice for the public: Basic protective measures against the new coronavirus
Johns Hopkins Center for System Science and Engineering, Coronavirus 2019-nCoV Global Cases database
World Health Organization Official Twitter, We now have a name for the #2019nCoV disease: COVID-19, Feb. 11, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)