Habang nagkukumahog ang gobyernong Duterte upang tugunan ang mabilis na pagkalat ng novel coronavirus o 2019-nCoV, inihayag ng Department of Health (DOH) noong Peb. 5 ang ikatlong kumpirmadong pasyente sa bansa: isang 60 na taong gulang na turista mula sa Wuhan City, China, ang sentro ng pagsiklab ng virus.
Inihayag na isang public health emergency of international concern ng World Health Organization (WHO), ang bagong natuklasan na 2019-nCoV ay nakaapekto na sa higit 40,000 sa buong mundo at pumatay ng 910 sa pinakahuling tala noong Peb. 10, lahat sa China, bukod sa dalawa: isa sa Hong Kong at isa pa sa Pilipinas.
Ang takot ng publiko sa pagkalat ng nCoV ay pinalalala ng maling impormasyon na kumakalat sa social media. Bago ang pag-anunsyo ng unang positibong kaso sa bansa noong Enero 31, halimbawa, isang ulat tungkol sa isang limang taong gulang na batang lalaki sa Cebu na nag positibo sa “coronavirus” ay pinakahulugan ng marami na siya ay tinamaan ng bagong virus.
Maraming mga post na nagsasabi ng kung anu-ano tungkol sa pinagmulan at mga paraan ng pagkalat ng virus ang umiikot din online. Sa loob ng unang linggo ng outbreak, ang mga parmasya sa ilang mga lungsod ay naubusan ng mga surgical mask at protective respirator.
Ano nga ba talaga ang bagong coronavirus? Narito ang anim na bagay na kailangan mong malaman:
Ano ang coronavirus?
Ang Coronavirus (CoV) ay “isang malaking pamilya ng mga virus na matatagpuan sa mga tao at hayop,” ayon sa isang WHO explainer. Ang pangalan nito ay nagmula sa hitsura ng mga spike o mga korona — “corona” sa Latin — sa ibabaw ng virus.
Taliwas sa pag-aakala ng marami, ang “coronavirus” ay hindi lamang o agad na tumutukoy sa virus na kumalat kamakailan sa iba’t ibang mga bansa.
Sa ngayon, pitong mga strain sa pamilya ng coronavirus ang nakakaapekto sa mga tao:
- apat na mga human coronavirus (Betacoronaviruses HCoV-OC43 at HCoV-HKU1, at Alphacoronaviruses HCoV-229E at HCoV-NL63) ay napagalaman na nagiging sanhi ng mga kaso ng karaniwang sipon at ilang mga impeksyon sa respiratory tract;
- ang Severe Acute Respiratory Syndrome coronavirus (SARS-CoV), na unang natagpuan sa isang pasyente sa Ha Noi, Vietnam noong Mayo 2003, na kalaunan ay kumalat sa China at iba pang mga kalapit na bansa;
- ang Middle East Respiratory Syndrome coronavirus (MERS-CoV), na unang nakita sa Saudi Arabia noong Setyembre 2012 at kalaunan ay nakita sa 26 iba pang mga bansa; sa panghuli,
- ang 2019-nCoV.
“[Ang Coronavirus] ay sanhi ng halos 10 hanggang 30 porsyento ng mga impeksyon upper respiratory tract sa mga nasa hustong gulang at maaaring nahawaan na tayo ng virus na ito noong mga nakaraang buwan nang hindi natin alam,” sabi ni Celia Carlos, direktor ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM ), ang infectious disease specialty center ng DOH, sa isang press conference noong Peb. 3.
Ano ang novel coronavirus o 2019-nCoV?
“Ang novel coronavirus (nCoV) ay isang bagong strain ng coronavirus na hindi pa natukoy sa mga tao,” paliwanag ng WHO sa isang novel coronavirus Q&A; page.
Ang bagong coronavirus, na tinawag na ngayon na 2019-nCoV, ay natuklasan nitong lamang Enero 7. Kinilala ito ng mga awtoridad ng China matapos tignan ang 44 na mga pasyente sa Wuhan City, lalawigan ng Hubei sa China na lahat ay nagpakita ng mga palatandaan ng pulmonya na hindi malaman ang pinagmulan mula Dis. 31, 2019 hanggang Enero 3, ayon sa unang situation report ng WHO tungkol sa pagsiklab [ng virus].
Ang virus ay nagdala ng sakit sa higit sa 40,100 katao sa mainland China at 368 sa 27 iba pang mga bansa sa tala noong Peb. 10, ayon sa isang monitoring database ng Johns Hopkins. Mayroong 908 nang namatay, lahat sa China, 871 sa Hubei lamang. Dalawang namatay ang naitala sa labas ng mainland, isang turistang Tsino na taga Wuhan sa Pilipinas at isang residente ng Hong Kong na dumalaw sa Wuhan kamakailan.
Noong Peb. 9, ang bilang ng namatay sa 2019-nCoV — 910 sa ngayon — ay nalampasan ang namatay sa SARS noong 2003, na nakapagtala ng 774 na pagkamatay.
Paano ito kumalat?
Ang coronavirus ay “zoonotic, ibig sabihin, naililipat sa pagitan ng mga hayop at tao,” sabi ng WHO. Maraming detalyadong imbestigasyon ang nagpapakita na ang SARS-CoV ay nailipat mula sa civet cats sa mga tao sa China noong 2002 at MERS-CoV mula sa dromedary camels sa mga tao noong 2012 sa Saudi Arabia, idinagdag ng WHO.
Ang bagong virus ay maaari ring mailipat sa mga tao.
“Ang 2019-nCoV ay nagkapagdudulot ng respiratory disease at maaaring mailipat ng tao sa isa pang tao, karaniwang pagkatapos ng malapit na pakikipag-ugnay sa isang nahawahang pasyente, halimbawa, sa isang sambahayan, lugar ng trabaho, o health care center,” sabi ng WHO sa Q&A; nito.
“Ang infection ay nakukuha sa pamamagitan ng respiratory droplets – kapag ang isang nahawaang tao ay umuubo o bumahin. Iyon ang dahilan kung bakit pinapayuhan na ang mga taong may respiratory infection na magtakip ng kanilang bibig,” sabi ni Carlos ng RITM.
Ano ang mga karaniwang sintomas ng pagkakaroon ng 2019-nCoV?
Makikita ang coronavirus sa malawak na hanay ng mga sakit mula sa “asymptomatic infection (walang sintomas), sa mga simpleng ubo at sipon, lagnat at pagtatae, sa pulmonya, sa matinding respiratory failure, at, sa katunayan, hanggang sa kamatayan.”
Ngunit ang pangunahing mga palatandaan ay lagnat at ubo, na nakita sa 83 porsyento at 82 porsyento, ayon sa pagkakabanggit, ng kumpirmadong mga kaso ng 2019-nCoV, idinagdag ng pinuno ng RITM.
Paano mo maiiwasan na tamaan ng virus?
Matapos ihayag noong Enero 31 ang unang positibong kaso ng 2019-nCoV sa bansa, humangos ang mga tao sa mga tindahan ng medical supply upang bumili ng mga face mask bilang proteksiyon. May pansamantalang kakulangan ng mga mask sa ilang mga lungsod mula noon, kabilang na sa Metro Manila.
Sinabi ng WHO na ang paggamit ng mga mask ay nakakatulong sa pagpigil ng pagkalat ng ilang mga respiratory disease ngunit patuloy na ipinapaalala na ang paggamit nito ay hindi sapat upang maiwasan na mahawa.
Muling inulit ni Carlos ang payo ng DOH kung paano protektahan ang sarili. Sinabi niya na “linisin ang ating mga kamay; iwasang hawakan ang ating mga mata, ilong o bibig nang marumi ang mga kamay o hindi nahugasang kamay; iwasan ang malapit na pakikipag-ugnay sa sinumang may mga sintomas na tulad ng trangkaso o sipon; at iwasan ang hindi protektadong pakikipag-ugnay sa mga hayop na buhay, mabangis, o pambukid.”
Tungkol sa paggamit ng mga mask, sinabi ni Carlos na hindi niya pa inirerekomenda ito sa mga taong walang sakit, at hindi mga health worker.
“Sa ngayon, wala pang community transmission ng novel coronavirus sa Pilipinas. Kami ay nasa containment stage, na nangangahulugang sinusubukan nating pigilan ang virus sa pagkalat sa komunidad sa pamamagitan ng pagkilala sa [mga tao] na posibleng nahawahan,” aniya.
“Ireserba natin ang ating mga mask sa mga nangangailangan ng mga ito,” dagdag ni Carlos.
Ang pagkakaroon ba ng virus ay nakamamatay?
Noong Peb. 2, inihayag ng Pilipinas ang unang kamatayan kaugnay ng 2019-nCoV sa labas ng mainland China. Sinabi ng isang pahayag ng DOH na ang 44-taong-gulang na pasyente mula sa Wuhan ay nagkaroon ng “matinding pneumonia dahil sa viral at bacterial infections (S. pneumoniae at Influenza B),” sa paglipas ng kanyang pagpasok sa ospital.
Sa kabilang banda, ang kanyang kasama — isang 38-taong-gulang na babaeng turista mula sa Wuhan, ang unang pasyente na positibo sa 2019-nCoV sa Pilipinas — ay dalawang beses na nag negatibo test at nakaalis na sa ospital.
Ayon sa datos na inilahad ni Carlos sa media briefing, ang virus fatality rate — ang rate ng pagkamatay ng mga taong nahawaan kung ihahambing sa iba pang mga nakakahawang sakit — ay medyo mababa.
“Kung ihahambing natin ang case fatality rates … ito ay mga 2 porsyento kumpara sa 99 porsyento ng mga kaso ng mga rabies kung saan alam nating halos lahat ng mga tao ay namatay sa rabies oras na mahawaan; kumpara sa MERS na 34 porsyento; at Ebola na 39.8 o malapit sa 40 porsyento,” aniya.
Ang karagdagang impormasyon tungkol sa mga coronavirus ay matatagpuan sa isang WHO Q&A; dito na inilathala kamakailan lamang. Pinasinungalingan din ng WHO ang maraming mga gawa-gawang kwento tungkol sa mga sanhi at gamot sa coronavirus, na matatagpuan dito.
Mga Pinagmulan
Johns Hopkins Center for System Science and Engineering, Coronavirus 2019-nCoV Global Cases database
World Health Organization, Q&A; on coronaviruses, Feb. 2, 2020
European Centre for Disease Prevention and Control, Factsheet for health professionals on Coronaviruses, Jan. 30, 2020
World Health Organization, Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS)
World Health Organization, Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV)
World Health Organization, Novel coronavirus 2019-nCoV Situation Report-1, Jan. 21, 2020
World Health Organization, Coronavirus
RTVMalacanang YouTube channel, “Press Briefing – Laging Handa 2/3/2020,” Feb. 3, 2020
Reuters, “‘Enemy of mankind’: Coronavirus deaths top SARS as China returns to work,” Feb. 9, 2020
CBS News, “Coronavirus updates: Global death toll surpasses 2003 SARS epidemic,” Feb. 9, 2020
The New York Times, “Deaths in China Surpass Toll From SARS,” Feb. 9, 2020
Inquirer.net, BREAKING: First nCoV patient in PH has recovered, now discharged from hospital, Feb. 10, 2020
GMA News Online, Philippines’ 1st confirmed nCoV case discharged from hospital, Feb. 10, 2020
CNN Philippines, First coronavirus patient in PH recovers, discharged from hospital – DOH, Feb. 10, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)