Sa seremonya ng oath-taking ng mga bagong miyembro ng Partido Demokratiko ng Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) noong Okt. 16, inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang oposisyon na Liberal Party (LP) sa pagbibigay sa mga Ayala, isang kilalang pamilya ng mga negosyante sa bansa, ng water distribution contract. Hindi totoo ang kanyang pahayag.
PAHAYAG
Sinabi ni Duterte na sinusuportahan ng kanyang partido ang mga mahihirap at middle-class na Pilipino, ngunit bukas pa rin ito sa mga “napaliwanagan na mayayaman.”
Sinabi niya na ang PDP-Laban ay hindi katulad ng ibang mga partido na tumatanggap ng pondo mula sa mga “oligarch,” idinagdag niya:
“Katong mga dato, mga Liberal niadto, mga… You know, the big — kamo nahibaw mo’g kinsa — they were funded by the oligarchs. So tan-awa og unsa’y nahitabo. Ang tubig gihatag sa Ayala…”
(Yung mga mayayaman, Liberal, nagpunta doon, mga… Alam mo, malaki — alam mo kung sino sila — pinondohan sila ng mga oligarch. Tingnan mo naman kung ano ang nangyari. Ibinigay nila ang tubig sa Ayala…)
Sinabi pa ng pangulo:
“Mao na abusado kaayo ang ABS-CBN. Wala’y bayad-bayad og taxes unya mao pa’y isog. And they continue really to utilize and ‘yung ano… ‘yung mga partido hantod karon. Mao lang ni siya gihapon.”
(Kaya naman abusado ang ABS-CBN. Hindi sila nagbabayad ng buwis, sila pa ang agresibo. At patuloy pa rin nilang ginagamit at yung ano… mga partido pulitikal kahit hanggang ngayon. Ganun pa rin.)
Pinagmulan: RTVMalacanang, PDP-Laban Oath-Taking of New Members and Proclamation of Local Candidates (Speech) 10/16/2021, Okt. 16, 2021, panoorin mula 10:33 hanggang 11:19 (transcript)
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa sinabi ni Duterte, pumasok ang gobyerno sa isang kasunduan sa konsesyon sa Manila Water na pinamumunuan ng Ayala noong 1997 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos, miyembro ng naghaharing partido noon na LAKAS-National Union of Christian Democrats-United Muslim Democrats ng Pilipinas (Lakas-NUCD-UMDP).
Noong 1996, nilagdaan ni Ramos ang Executive Order No. 311, na hinihikayat ang pribadong sektor na lumahok sa pamamahala sa lahat o bahagi ng mga pasilidad ng pamamahagi ng tubig ng Manila Water Sewerage system (MWSS), na walang kakayahan na tugunan ang krisis sa tubig sa Metro Manila.
Makalipas ang isang taon, ang gobyerno, sa pamamagitan ng MWSS, ay nagbigay ng eksklusibong mga kontrata sa pamamahagi ng tubig sa Manila Water at Maynilad (noong panahong bahagyang pag-aari ng Benpres Holdings Corp., ang dating pangalan ng Lopez Holdings Corp.), para serbisyohan ang mga residente sa Metro Manila, Rizal, at Cavite.
Noong 2009, pinalawig ng MWSS, sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, isang kaalyado sa pulitika ni Duterte, ang 25-taong kasunduan sa konsesyon sa mga kumpanya sa loob ng isa pang 15 taon, mula 2022 hanggang 2037. Gayunpaman, iniutos ni Duterte ang pagkansela ng extension ng kontrata dahil sa umano’y “mabigat” na probisyon noong 2019.
Ngunit kalaunan ay pinagtibay ng MWSS noong Abril at Mayo 2021 ang mga extension ng kontrata ng parehong kumpanya hanggang 2037 matapos suriin at “alisin” ng panel na pinamumunuan ng gobyerno ang “mabigat” na mga probisyon, tulad ng pagpapabalikat sa mga consumer ng corporate income taxes.
Sa parehong kaganapan noong Okt. 16, maling iginiit ng pangulo na ang media network na ABS-CBN, na kabilang sa mga subsidiary na kumpanya ng Lopez Holdings, ay hindi nagbabayad ng buwis nito. Ang mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay paulit-ulit na nilinaw na walang pagkukulang sa pagbabayad ng buwis ang network sa mga pagdinig ng kongreso sa aplikasyon nito sa pag-renew ng prangkisa sa 2020. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte makes false claim on ABS-CBN’s tax ‘violation’)
Noong Hulyo ng nakaraang taon, sinabi ni BIR Assistant Commissioner Manuel Mapoy sa House Committee on Legislative Franchise na nagbayad ang media giant ng hindi bababa sa P15 bilyon na buwis mula 2016 hanggang 2019. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ano ang susunod para sa ABS-CBN matapos mawala ang prangkisa?)
Hindi pa sumasagot ang BIR sa tanong ng VERA Files Fact Check kung may tax deficiencies ang ABS-CBN para sa fiscal year 2020.
Tala ng Editor: Ang pahinang ito ay ini-update upang itama ang pangalan ng naghaharing partido. Ang naunang bersyon ng artikulong ‘to ay ginamit ang maling pangalan na “Partido Demokratiko ng Pilipinas – Lakas ng Bayan” sa halip na “Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan.”
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
RTVMalacanang, PDP-Laban Oath-Taking of New Members and Proclamation of Local Candidates (Speech) 10/16/2021, Oct. 16, 2021 (transcript)
Manila Water, Our Story, Accessed Oct. 20, 2021
Manila Water Sewerage System, Our History, Accessed Oct. 20, 2021
Malacañan Museum, Fidel V. Ramos, Accessed Oct. 20, 2021
Official Gazette, Executive Order No. 311, s. 1996
Manila Water, Press Statement on the Award Recently Issued by an Arbitral Tribunal in favor of Manila Water as Administered by the Permanent Court of Arbitration, Dec. 4, 2019
Manila Water, Concession Agreement, 1997
Maynilad, Concession Agreement, 1997
Philippine Stock Exchange, Company Information of Lopez Holdings Corporation, Accessed Oct. 20, 2021
Maynilad, Our Company, Accessed Oct. 20, 2021
Manila Water, Manila Water Term Extension Agreement with Annexes, Oct. 23, 2009
GMA News Online, Duterte’s order led MWSS to cancel Maynilad, Manila Water contract extension —DOJ chief, Dec. 11, 12019
Rappler.com, MWSS cancels Manila Water, Maynilad concession agreement extension, Dec. 11, 2019
Inquirer.net, MWSS revokes extension of Maynilad, Manila Water concession deals, Dec. 11, 2019
Manila Water Sewerage System, NEW CONCESSION AGREEMENT BENEFICIAL TO ALL, April 6, 2021
Manila Water Sewerage System, NEW CONCESSION AGREEMENT WITH MAYNILAD PUTS WATER SECURITY PROJECTS ON TRACK, May 19, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)