Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Raffy Alunan na hindi siya ‘tagasuporta’ ni Duterte, nangangailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Hindi sang-ayon si dating Interior secretary Rafael Alunan III na tinatawag siyang “tagasuporta” ni dating pangulong Rodrigo Duterte, partikular bilang isang taong naniniwala na ang huli ay “walang magagawang mali.”

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Bagama’t suportado ni Alunan ang pagtakbo bilang pangulo ni Duterte noong 2016 elections, binanggit niya ang kabiguan ng administrasyong Duterte na tugunan ang mga isyu sa pamamahala.

Sa isang Facebook post noong Mayo 2022, ilang araw bago matapos ang anim na taong termino ni Duterte, isinulat ni Alunan na napalampas ng dating pangulo ang pag-alis ng korapsyon, pagtatapyas ng taba sa gobyerno, at pag-reporma sa mga sistema ng eleksyon at criminal justice.

By VERA Files

Nov 11, 2023

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Habang nagbabalik-tanaw sa diskarte ng administrasyong Duterte sa pagharap sa mga agresibong hakbang ng China sa pinagtatalunang West Philippine Sea, hindi umayon si dating Interior secretary Rafael “Raffy” Alunan III sa pagtukoy bilang “tagasuporta” ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Partikular siyang tumugon sa pagkakalarawan bilang isang taong nag-aakalang “walang magagawang mali” si Duterte.

Ito ay nangangailangan ng konteksto.

PAHAYAG

Sa isang panayam noong Nobyembre 2 kasama ang mamamahayag na si Christian Esguerra sa kanyang Facts First podcast, tinanong si Alunan tungkol sa kanyang mga pananaw sa “friendly” na relasyon ng administrasyong Duterte sa China na, aniya, ay humantong sa pagbubukas ng bansa sa maraming aktibidad ng mga Tsino, kabilang ang ang kontrobersyal na offshore gaming operations.

Sumagot si Alunan:

“As far as I’m concerned, I’m an ordinary citizen and I can see exactly what the mistakes were during the Duterte administration, whether it was meant or not meant, the consequences were this.”

(“Sa ganang akin, ako ay isang ordinaryong mamamayan at nakikita ko kung ano ang mga pagkakamali noong administrasyong Duterte, sinadya man o hindi, ito ang mga kinahinatnan.”)

 

Pinagmulan: Christian Esguerra Official YouTube Channel, Alunan: “We’re in a dangerous period,” Nobyembre 2, 2023, panoorin mula 15:55 hanggang 16:08

Hiniling ni Esguerra kay Alunan, na inilarawan ang dating opisyal ng gobyerno bilang isang taong “sumuporta” kay Duterte, upang ipaliwanag ang kanyang punto. Sumagot ang dating interior secretary:

“I don’t like that assumption… supported… because I’ve been attacked by so many people here. ‘Oh, Alunan adored this guy, that he could do no wrong.’ I don’t like that assumption that I was his supporter in that sense. In that sense, okay? I supported the policy of protecting the national interest, okay. And then that protection included keeping our allies.”

(“Hindi ko gusto ang pagpapalagay na iyon… supporter… dahil inatake ako ng napakaraming tao dito. ‘Oh, Alunan sinasamba ang taong ito, na hindi siya nagkakamali.’ Hindi ko gusto ang pagpapalagay na ako kay kanyang taga-suporta kung ganyan. Sa ganoong kahulugan, okay? Sinuportahan ko ang patakaran ng pagprotekta sa pambansang interes, okay. At saka ang proteksyong iyon ay kasama ang pagpapanatili sa ating mga kaalyado.”)

 

Pinagmulan: panoorin mula 18:07 hanggang 18:36

ANG KATOTOHANAN

Habang nagdeklara si Alunan ng suporta para sa presidential bid ni Duterte noong 2016 elections, binanggit niya ang kabiguan ng administrasyong Duterte na tugunan ang ilang isyu sa pamamahala. Sa isang Facebook post noong Mayo 2022, ilang araw bago matapos ang anim na taong termino ni Duterte, isinulat ni Alunan na napalampas ng dating pangulo ang pag-alis ng korapsyon, pagtatapyas ng taba ng gobyerno, at pagreporma sa mga sistema ng eleksiyon at criminal justice.

Inilarawan din niya ang foreign policy ni Duterte bilang isang “hit,” at ipinaliwanag na ang “lahat ay kaibigan, walang kaaway” ng nakaraang administrasyon ay ang tamang saloobin na naaayon sa Konstitusyon.

FACT CHECK: NANGANGAILANGAN NG KONTEKSTO ang pahayag ni Alunan ni hindi siya ‘supporter’ ni Duterte Bagaman sinuportahan ni Alunan ang kandidatura ni Duterte sa pagkapangulo noong 2016 elections, nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa mga isyu sa pamamahala na hindi natugunan ng administrasyong Duterte. Kabilang dito ang pagsugpo sa korapsyon, rightsizing ng gobyerno, at pag-reporma sa sistema ng botohan at katarungan.

Inendorso ni Duterte si Alunan nang tumakbo siya para sa Senado noong 2016 at 2019 elections.

Bago ang kanyang panunungkulan bilang Interior secretary sa ilalim ng administrasyong Ramos, si Alunan ay nagsilbi bilang Tourism secretary ni dating pangulong Corazon Aquino.

(Basahin ang Duterte’s cinematic solution to South China Sea conflict at VERA FILES FACT SHEET: Where Senate bets stand on top five concerns of the Filipino voter)

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Rafael Alunan III Facebook Account, I was interviewed by a foreign journalist yesterday…, April 28, 2016

Rafael Alunan III Facebook Account, Are we doing the right things…, Oct. 1, 2016

Rafael Alunan III Facebook Account, One year ago today…, Oct. 16, 2016

ABS-CBN News, Ex-DILG chief Alunan completes Duterte’s Senate lineup, Feb. 23, 2019

GMA News Online, Ex-DILG chief completes Duterte’s Senate slate, Feb. 23, 2019

Inquirer.net, Ex-DILG chief Alunan is 12th pick for Duterte’s Senate slate, Feb. 24, 2019

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.