Isang post sa opisyal na Facebook page ni Sen. Cynthia Villar ang nagsabing hindi na tumataas ang presyo ng bigas sa bansa mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law (RTL) noong 2019. Hindi ito totoo.
PAHAYAG
Noong Hulyo 31, nag-post ang Facebook page ni Villar ng 31-segundong photo reel ng mga mag-aaral ng Agricultural and Biosystems Engineering na nagtapos ng kanilang internship sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization. Ito ay may caption na:
“Simula [na]ng maipasa ang Rice Tarrification (sic) Law, batas na akda ng ating Senadora Cynthia A. Villar, naging mechanized na ang rice farming sa bansa. Ang hindi pagmamano mano ng tanim at ani ay naging mas mabilis ang produksyon at mas madami ang output ng ating rice farmers. At dahil sa batas na ito, hindi na tumaas ang presyo ng bigas sa bansa. Kaya’t patuloy ang pamimigay ng agricultural machineries pati na ang training ng pag gamit nito.”
Pinagmulan: Sen. Cynthia A. Villar official Facebook Page, Simula ng maipasa… (archived), Hulyo 31, 2023
ANG KATOTOHANAN
Simula nang ipatupad ang RTL noong Marso 2019, tumaas talaga ang presyo ng lokal na bigas. Halimbawa, ang umiiral na presyo ng regular-milled rice noong Marso 2019 ay nasa P39. Habang bumaba ito sa P35 noong Disyembre ng parehong taon, tumaas ito sa P38 sa ikalawang kalahati ng 2020 hanggang sa katapusan ng 2022, ayon sa Price Monitoring database ng Department of Agriculture (DA). Pagsapit ng Agosto ngayong taon, umabot na sa P40.50 kada kilo ang karaniwang presyo ng regular-milled rice.
Ang presyo ng isa pang uri ng bigas, tulad ng well-milled rice, ay nasa P40 pesos kada kilo noong 2019. Ipinakita ng Price Monitoring database ng DA na umabot sa P44 ang umiiral na presyo nito sa huling bahagi ng 2020 at noong Hulyo 2021. Ang average na presyo nito, pagsapit ng Agosto 2023, ay umabot na sa P45 kada kilo, ayon sa parehong database.
Nakita sa Pilipinas ang pagtaas sa antas ng rice farming mechanization, na umakyat sa 2.68 horsepower kada ektarya (hp/ha) noong 2022, mula sa 2.31 hp/ha noong 2013, ayon sa ulat ng PHilMech.
Gayunpaman, sinabi ni PHilMech Director Dionisio Alvindia na ang P30-bilyong halaga ng farm machinery na itinakda para sa pamamahagi sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program ng RTL ay sapat para sa 14% lamang ng kabuuang 2.7 milyong ektarya ng rice farmlands sa bansa.
Nakatakdang tumakbo ang programa hanggang 2024.
“Kung tatanungin mo ako, na 14% ng interbensyon na ibinahagi sa mga magsasaka, hindi iyon magkakaroon ng malaking epekto. Para dito, sa aking makatotohanang opinyon, gusto kong ma-extend ang RCEF para ang mga magsasaka na hindi pa nakakatanggap ng makinarya ay mabibigyan ng sarili nila sa hinaharap,” ani Alvindia sa magkahalong Ingles at Filipino sa isang press conference noong Mayo.
BACKSTORY
Si Villar ang sponsor at isa sa mga co-author ng RTL, na nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte bilang batas noong Pebrero 14, 2019.
Inalis ng RTL ang cap sa imported na bigas sa bansa at sa halip ay nagpataw ng buwis o taripa. Ang gobyerno ay nagpataw ng 35% na taripa sa lahat ng aangkatin na bigas mula sa mga bansang ASEAN at 40% sa mga hindi-ASEAN na imported na bigas, kung nasa loob ng 350,000 metric tons ng minimum access volume.
Ang mga nakolektang taripa sa imported na bigas ay mapupunta sa RCEF upang suportahan ang produksyon ng bigas ng mga lokal na magsasaka, sa pamamagitan man ng pautang, extension services, pagbili ng mga kagamitan sa pagsasaka at pagpapaunlad ng binhi.
Sinabi ni Villar, tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture and Food sa 17th Congress, sa kanyang sponsorship speech ng RTL na habang ang taripa ay naglalayong tugunan ang mga isyung may kinalaman sa presyo ng bigas sa bansa, ito ay “maaaring makaapekto sa kinikita ng mga Pilipinong magsasaka.”
Dahil dito, ang mga magsasaka ng tuyong palay ay nawalan ng humigit-kumulang P12,800 kada ektarya, ayon sa isang pag-aaral noong 2019 sa epekto ng RTL sa kita ng mga magsasaka na inilathala ng Philippine Rice Research Institute ng DA. Nangangahulugan na, ang mga rice farmer ay nawalan ng P3.24 kada kilo sa bentahan ng tuyong palay.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Department of Agriculture, Price Monitoring Database, accessed Aug. 2, 2023
PHilMech, PH mechanization level increases to 2.679hp/ha—PHilMech, June 16, 2023
Department of Agriculture, Rice Competitiveness Enhancement Fund, accessed Aug. 13, 2023
Senate of the Philippines, Senate Bill No. 1998 – Legislative History, Sept. 11, 2018
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 11203, Feb. 14, 2019
PhilRice, Rice Tariffication Law FAQs, September 2019
Department of Finance, Rice tariffication law plows in P46.6-B to farm sector over 2019-2021 period, May 20, 2022
Inquirer.net, PH rice farm mechanization remains slow, June 19, 2023
Business World, Farm equipment maker bats for RCEF extension, says goals unmet, May 24, 2023
PHilMech, #PHILMECHat45 | Press Conference and On-air/On-line Broadcast, May 24, 2023
Senate of the Philippines, Sponsorship Speech of Senator Cynthia Villar, Sept. 17, 2018
PhilRice, How to Make Farmers Winners Under the Rice Tariffication Regime, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)