Nalantad sa Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform sa isang pagdinig noong Enero 18 ang matagal nang problemang bumabalot sa lokal na industriya ng asin na naging sagabal sa paglago, produksyon at pagbabago nito.
Sinabi ni Sen. Cynthia Villar, ang chair ng komite, na ang Republic Act No. 8172, na kilala bilang Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN), ay naging “balakid” sa pag-unlad ng industriya na gumawa ng 300,000 metric tons (MT) ng asin noong 1994, isang taon bago naging batas ang ASIN.
Sa ngayon, ang supply ng asin sa domestic market ay umaasa sa mga import, na humantong sa mga panawagan mula sa mga lokal na player para buhayin ng gobyerno ang industriya. Kailangan anila ito para matugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga kabahayang Pilipino at ang karagdagang taunang pangangailangan para sa 300,000 MT ng asin bilang pataba ng niyog sa ilalim ng 2021 Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act.
Bakit kinailangan ang ASIN Law? Paano ito nakatulong sa kalusugan ng publiko? Ano ang naging epekto ng ASIN sa industriya ng asin?
Narito ang apat na bagay na dapat mong malaman:
1. Bakit ipinasa ng bansa ang ASIN law?
Hinangad ni dating pangulong Fidel V. Ramos na labanan ang kakulangan sa iodine sa bansa sa pamamagitan ng pagsasabatas ng RA 8172 noong Disyembre 1995. Dalawang taon bago nito, ipinakita sa isang survey na 12.6% ng mga batang Pilipino na may edad 6 hanggang 12 taong gulang ay dumanas ng kakulangan sa iodine.
Ang sapat na iodine nutrition ay mahalaga para sa wastong paglaki ng mga bata at ito ay isang “pinaka-kritikal” na micronutrient para sa mga buntis para sa malusog na development ng fetus sa mga unang yugto ng pagbubuntis.
Upang matugunan ang problema, ipinag-utos ng gobyerno ang pagsama ng iodized salt sa diyeta ng mga Pilipino. Inatasan ng RA 8172 ang lahat ng mga food-grade manufacturer na i-iodize ang asin na kanilang ginagawa, ipinamamahagi o ikinakalakal. Inutusan din nito ang mga restaurant, food outlet at tindahan na tanging iodized salt lamang ang gawing available sa kanilang mga establisemento. Ang batas ay nagpapataw ng administrative fines na P1,000 hanggang P100,000 sa mga lalabag.
Hanggang Abril 28, 2022, iniulat ng United States National Institutes of Health na ito ang “pinakamalawak na ginagamit” na stratehiya upang matugunan ang kakulangan sa iodine sa mundo.
2. Ano ang naging epekto ng ASIN sa kalusugan ng publiko?
Natanggal ng bansa ang iodine deficiency sa mga piling grupo ng populasyon, batay sa mga nakaraang national nutrition survey (NNS).
Sinusubaybayan ng NNS ang nutritional status ng publiko at ipinapaalam sa gobyerno ang mga patakaran sa pagpuksa sa gutom, malnutrisyon ng mga bata at pagpapabuti ng kalusugan ng mga ina. Ang Department of Science and Technology, sa pamamagitan ng Food and Nutrition Research Institute nito, ay nagsasagawa ng pag-aaral tuwing limang taon mula noong 1978.
Ang mga antas ng iodine ng mga batang nasa paaralan (6 hanggang 12 taong gulang) ay sapat na ngayon, ayon sa huling apat na NNS, ang pinakahuling nito ay nailathala noong Disyembre 2020. Gayunpaman, ang mga buntis at kababaihang nasa edad na maaaring manganak ay dumaranas pa rin ng banayad na kakulangan sa iodine sa nakalipas na dekada, batay sa 2013 at 2018 NNS.
May pangangailangan sa regular na pagtatasa ng supply at paggamit ng iodized salt upang makamit ang pangmatagalan na pagpuksa ng iodine deficiency, ayon sa isang pag-aaral noong 2003. Sinabi nito:
“Ang karanasan sa paglipas ng mga taon sa Thailand, Guatemala, Colombia, Germany, at mga bansa mula sa dating USSR ay naglalarawan na ang iodine nutrition status ng mga populasyon ay maaaring mabilis na lumala kapag ang asin ay hindi na iodized pagkatapos ng isang panahon ng sapat na iodine nutrition.”
Pinagmulan: Sage Journals, Iodine Deficiency: Consequences and Progress towards Elimination, Oktubre 2003
3. Anu-ano ang mga problemang dinaranas ng lokal na industriya ng asin?
Bumaba ang produksyon ng asin sa Pilipinas sa paglipas ng mga taon, na may mga ulat na nagpapakita na ang bansa ay nag-aangkat ng 93% ng supply ng asin nito sa kabila ng 36,000 kilometrong baybayin nito kung saan maaaring makuha ang tubig-alat.
Para makasabay sa lumalaking pangangailangan ng populasyon ng asin, kailangang palawakin ang kasalukuyang 2,000 ektarya ng salt farm sa Pangasinan at Mindoro ng isa pang 18,000 ektarya, sabi ni Gerard Khonghun, presidente ng Philippine Association of Salt Industry Networks (PhilASIN) sa isang panayam noong Enero 25 sa radyo ng RMN DZXL.
Kung hindi mareresolba ang pagsandal sa inangkat na asin, ang bansa ay mag-aangkat ng 1.3 milyong tonelada ng asin pagdating ng 2030 na nagkakahalaga ng P6 bilyon, babala ni Khonghun sa isang pagdinig sa kongreso noong Oktubre 2022 sa isang panukalang batas para amyendahan ang ASIN.
Ang mga salt farmer ang nagdadala ng malaking bahagi ng hindi matiyak na mga pattern ng panahon na dulot ng climate change. Ang pasulput-sulpot na mga pattern ng pag-ulan at mahabang dry spells ay nakakaapekto sa ani ng asin dahil ang produksyon ay lubos na umaasa sa temperatura, halumigmig, sikat ng araw at iba pang mga salik na umaasa sa panahon, batay sa isang pag-aaral ng 52 salt farms sa Occidental Mindoro noong 2022.
Ang pag-aaral ay nagpakita rin ng kakulangan ng suporta ng gobyerno upang bumuo ng post-harvest technology, tiyakin ang kalidad ng asin at dagdagan ang kapital ng mga salt farmer. Ang mga problemang ito ay humadlang sa paglago ng industriya at “pinilit ang mga magsasaka na manatili sa kanilang lumang tradisyonal na pamamaraan ng pagsasaka ng asin.”
Ang pinakamasama, ang mga salt farmer ay naipit sa mga siklo ng utang dahil sa mababang kapital, na pumipilit sa kanila na pababain o isara ang mga operasyon nang buo, idinagdag ng pag-aaral.
Ang pangangailangang na i-iodize ang lahat ng lokal na gawang asin ay isang problema rin sa naghihirap na industriya ng niyog, na gumagamit ng non-iodized salt bilang pataba lalo na sa mga bukirin ng niyog na malayo sa baybayin. Ang paggamit ng rock salt o karaniwang table salt bilang pataba ng puno ng niyog ay kilalang nagpapataas ng timbang at ani ng niyog sa bawat puno.
Binanggit nina Villar at Sen. Nancy Binay, sa isang pagdinig sa Senado noong Enero 18, na hanggang sa kasalukuyan, walang iisang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa at tumutulong sa pagpapaunlad ng industriya ng asin.
4. Kailangan bang amyendahan ang ASIN ?
Nilinaw ni Khonghun na ang mga problema sa industriya ng asin ay hindi maaaring maiugnay sa iisang dahilan, tulad ng mga kinakailangan na iodization sa ilalim ng RA 8172 na, aniya, ay nagsisilbing “isang mabuting layunin” para sa kalusugan ng publiko.
“Sa industriya, iniisip natin na kulang ang suporta para sa ating mga lokal na salt farmer habang sinusuportahan nila ang salt iodization law. Kailangan lamang magdagdag ng developmental law para mapahusay natin ang suporta para sa lokal na industriya ng asin,” sinabi niya gamit ang lengguwaheng Filipino.
Sa halip na ganap na pawalang-bisa ang batas, isinusulong ng mga stakeholder ng industriya ng asin ang pagsasama-sama ng non-iodized at iodized salt production upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Filipino household, food manufacturers at crop producers.
Nagmumungkahi ang mga mambabatas na amyendahan ang ASIN, na naghain ng ilang panukalang batas sa House of Representatives at Senado mula noong 2017.
Ang House Bill No. 4939, na inihain noong Peb. 1, 2017, ay nagmumungkahi na payagan ng gobyerno ang mga food manufacturer na gumamit ng sea salt upang palakasin ang pakikipagkompetisyon ng mga lokal na magsasaka.
Iminungkahi rin ni Sen. Joel Villanueva ang panukalang sumusuporta sa mga lokal na food-grade at non-food grade salt farmer at artisanal salt producer at pagbibigay ng mas mahusay na teknikal na tulong para sa iodization ng asin.
Iminumungkahi nito ang paglikha ng P500-million Salt Industry Development Fund upang suportahan ang mga programa sa ilalim ng panukalang batas, kabilang ang pagbili ng mga salt iodization machine at tulong pinansyal para sa mga small-to-medium salt producers at manufacturers.
Noong 2022, naghain si Villar ng panukalang batas na mag-aamyenda sa Philippine Fisheries Code of 1998 para hikayatin ang pagsasaka ng asin sa mga fish pond. Itinutulak din nito ang paglikha ng Philippine Salt Industry Development Council upang mag debelop at magpatupad ng mga patakaran at programa para sa sektor.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 8172, Dec. 20, 1995
Senate of the Philippines Official Youtube Channel, Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform (January 18, 2023), Jan. 18, 2023
Business World Online, Salt industry output seen held back by reclamation, import competition, Aug. 30, 2022
Bloomberg, Sugar and Salt Shortage Worsens Philippines Food Supply Woes, Sept. 7, 2022
GMA News Online, Philippines to import salt amid supply problems —DA exec, Sept. 7, 2022
Business Mirror, PHL’s salt imports rise 10% in H1–PSA data, Sept. 12, 2022
Bureau of Treasury, Coconut Farmers and Industry Trust Fund, Feb. 26, 2021
Official Gazette of the Philippines, Coconut Farmers and Industry Trust Fund, Feb. 26, 2021
Why did the country pass ASIN Law?
- Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 8172, Dec. 20, 1995
- National Center for Biotechnology Information, Effect of iodine status and other nutritional factors on psychomotor and cognitive performance of Filipino schoolchildren, 2007
- Karger, Iodine Deficiency in Children, 2014
- National Center for Biotechnology Information, Iodine Deficiency in Pregnancy: The Effect on Neurodevelopment in the Child, Feb 18, 2011
- National Center for Biotechnology Information, Monitoring and effects of iodine deficiency in pregnancy: still an unsolved problem?, Jan. 16, 2013
- Food and Agriculture Organization, Department of Health – Revised Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 8172, March 3, 2004
How has it affected public health?
- Elmer Press Journal of Endocrinology and Metabolism, Iodine Deficiency Disorder Among Filipino School Children, Pregnant and Lactating Women and the Elderly 20 Years After the Act for Salt Iodization Nationwide Law, June 2017
- Food and Nutrition Research Institute (DOST), Expanded National Nutrition Survey (2018), December 2020
- National Center for Biotechnology Information, Iodine Status in Filipino Women of Childbearing Age, September 2018
- Food and Nutrition Research Institute (DOST), 8th National Nutrition Survey Anthropometric Survey (2013), July 2015
- Food and Nutrition Research Institute (DOST), The National Nutrition Survey, Accessed Jan. 25, 2023
- Sage Journals, Iodine Deficiency: Consequences and Progress toward Elimination, October 2003
What are the salt industry’s problems?
- Inquirer.net, ‘Shameful’ for archipelagic PH to import salt, says Villanueva, Aug. 27, 2022
- Department of Agriculture, NGAs to work double time to enhance salt production, Aug. 28, 2022
- CNN Philippines, ₱100M to boost salt production — BFAR, Aug. 30, 2022
- RMN DZXL, STRAIGHT TO THE POINT – 01/25/2023 – 8:00 A.M – 9:30 A.M, Jan. 25, 2023
- CNN Philippines, 96% of PH salt might be imported by 2030, group warns, Oct. 25, 2022
- Inquirer.net, 96% of salt will be imported to PH by 2030 if industry not revived, producers warn, Oct. 25, 2022
- Malaya, PH to rely on imported salt if self-sufficiency not hit by 2030, Oct. 26, 2022
- Cognizance Journal, CONSTRAINTS AND CHALLENGES OF SALT FARMING IN OCCIDENTAL MINDORO, PHILIPPINES, June 2022
- GMA News Online, Senators question 1995 law requiring all locally-produced salt to be iodized, Jan. 18, 2023
- Business World Online, Iodized salt law blamed for decline in PHL output, Jan. 18. 2023
- Manila Bulletin, Senators seek development, revitalization of ‘diminishing’ PH salt industry, Jan. 18, 2023
- Business Mirror, PCA urges farmers to use salt as coconut fertilizer, Nov. 3, 2014
- Food and Agriculture Organization, Use of salt (sodium chloride) as fertilizer for coconut [1988], 1988
- Philippine Coconut Authority, Common Salt Fertilization on Coconuts, Accessed Jan. 26, 2023
What is being done?
- RMN DZXL, STRAIGHT TO THE POINT – 01/25/2023 – 8:00 A.M – 9:30 A.M, Jan. 25, 2023
- House of Representatives, House Bill No. 4939, Feb. 1, 2017
- Senate of the Philippines, De Lima calls for review of ASIN Law implementation, May 20, 2018
- Senate of the Philippines, Senate Bill No. 1450, Nov. 3, 2022
- Senate of the Philippines, Senate Bill No. 1334, Sept. 20, 2022
- Senate of the Philippines, Senate Bill No. 1685, Jan. 17, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)