Sa isang pagtalakay sa paggamit ng asin sa produksyon ng niyog, sinabi ni Sen. Cynthia Villar na kasing laki ng industriya ng bigas ang industriya ng niyog sa bansa. Ito ay hindi totoo.
PAHAYAG
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, tiningnan ni Villar kung paano naapektuhan ng Act on Salt Iodization Nationwide o Republic Act (RA) No. 8172 ang produksyon ng mga produktong pang-agrikultura.
Sinabi ni Villar, ang chair ng komite, na dahil ang batas ay nag-aatas sa mga lokal na farm ng asin na gumawa lamang ng iodized salt, ang industriya ng asin ay lumilikha na lamang ng 42,000 metriko tonelada (MT) taun-taon mula sa 240,000 MT noong 1970. Sa pagdinig, sinabi ng mambabatas na ang panukala ay nag-aatas na ang lahat ng asin ay food-grade o iodized, ngunit hindi isinaalang-alang ang katotohanan na hindi lahat ng mga magsasaka ng asin ay may sapat na kagamitan upang matugunan ang naturang pangangailangan.
Binanggit din ni Villar na naging “deterrent” ang RA 8172 sa pag-unlad ng iba pang industriya ng agrikultura, kabilang ang niyog na gumagamit ng natural na sea salt bilang pataba.
Sinabi niya:
“Bakit nila [government agencies] pinara ‘yung [non-iodized] salt production para [sana] magkaroon kayo ng fertilizer for coconut? Remember, ang laking industry ng coconut sa Philippines, kasing laki sila ng rice. So ‘pag dineprive mo sila ng fertilizer, you are killing also the coconut industry.”
(“Bakit nila [mga ahensya ng gobyerno] pinara ‘yung [non-iodized] salt production para [sana] magkaroon kayo ng fertilizer para sa niyog? Tandaan, ang laking industriya ng niyog sa Philippines, kasing laki sila ng bigas. Kaya ‘pag dineprive mo sila ng fertilizer, papatayin mo rin ang industriya ng niyog.”)
Pinagmulan: Senate of the Philippines Official Youtube Channel, Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, Enero 18, 2023, panoorin mula 48:39 hanggang 49:11
KATOTOHANAN
Ang industriya ng niyog ay hindi kasing laki ng industriya ng bigas sa dami at halaga ng produksyon. Noong 2021, nag-produce ang bansa ng 19.96 million MT ng palay na nagkakahalaga ng P332.77 bilyon sa kasalukuyang presyo. Sa parehong taon, ang produksyon ng niyog ay nasa 14.72 milyong MT, na nagkakahalaga ng P123.67 bilyon sa kasalukuyang mga presyo, ayon sa 2022 Selected Statistics on Agriculture and Fisheries ng Philippine Statistics Authority.
Kinakalkula ng PSA ang halaga ng produksyon ng pananim sa kasalukuyang mga presyo sa pamamagitan ng pag multiply ng dami ng produksyon sa average na farmgate na presyo nito sa reference year.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 8172, Dec. 20, 1995
Senate of the Philippines Official Youtube Channel, Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform (January 18, 2023), Jan. 18, 2023
Philippine Statistics Authority, 2022 Selected Statistics on Agriculture and Fisheries, Aug. 30, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)