Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Robredo mali ang datos tungkol sa kahirapan at political dynasty

Ang powerpoint presentation ni Mendoza ay hindi sumusuporta sa pahayag ni Robredo.

By VERA Files

Apr 25, 2018

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

(UPDATED) Ilang mga mambabasa ang humiling sa VERA Files Fact Check sa suriin ang isang pahayag ni Vice President Leni Robredo sa kanhang talumpati noong Abril 6 sa London School of Economics (LSE).

PAHAYAG

Sa kopya ng talumpati ni Robredo na na-upload sa website ng Office of the Vice President nakasulat ang sumusunod:

“Batay sa kanyang (ni Ateneo School of Government Dean Ronald Mendoza) pananaliksik at sa testimonya kamakailan sa isang pagdinig sa Senado, ang sampung lalawigan na may pinakamataas na bahagi ng dinastiya noong eleksyon ng 2016 ay patuloy na namumuno sa Top 20 Poorest Provinces mula pa noong 2004. Ang mga ito ay Maguindanao, Sulu , at Lanao del Sur mula sa ARMM; Batangas at Rizal mula sa rehiyon ng CALABARZON; Pampanga, Bulacan, at Nueva Ecija mula sa Rehiyon III; at Pangasinan at Ilocos Norte mula sa Rehiyon I.”

Pinagmulan: Opisina ng website ng Bise Presidente, Transcript ng talumpati ni Leni Robredo, London School of Economics and Political Science, Abril 6, 2018

FACT

Ang powerpoint presentation ni Mendoza bilang resource person sa committee hearing on anti-political dynasty bills ng Senado noong Pebrero 15, na ipinasa sa media ng opisina ni Sen. Francis Pangilinan, pinuno ng committee on electoral reforms and people’s participation, ay hindi sumusuporta sa pahayag ni Robredo.

Ang isang screengrab ng kanyang slide na pinamagatang “Poorest Provinces are Rich… in Fat Dynasties” ay nagpapakita ng listahan ng 15 pinakamahihirap na lalawigan sa bansa at mga detalye tungkol sa kani-kanilang mga political dynasty.

Ang listahan ay hindi tumutugma sa mga lalawigan na binanggit sa kopya ng talumpati ni Robredo.

Ang pinakamahihirap na probinsya sa pagtatanghal ni Mendoza ay ang Lanao del Sur, Maguindanao, Northern Samar, Saranggani, Sulu, Bukidnon, Siquijor, Zamboanga del Norte, Sultan Kudarat, Agusan del Sur, Western Samar, Eastern Samar, Masbate, Negros Oriental at Lanao del Norte.

Ang working paper na “Dynasties Thrive under Decentralization in the Philippines” noong Enero 2017 na isinulat nina Mendoza at Miann S. Banaag ay naglalaman ng halos parehong pahayag sa kopya ng talumpati ni Robredo, maliban sa bahagi tungkol sa mga lalawigan na may dinastiya na patuloy na nangunguna sa mga pinakamahihirap:

“Sampung lalawigan na may pinakamataas na bahagi ng dinastiya noong eleksyon ng 2016 ay patuloy na namumuno sa top 20 mula pa noong 2004. Ang mga ito ay Maguindanao, Sulu at Lanao del Sur mula sa ARMM; Batangas at Rizal mula sa rehiyon ng CALABARZON; Pampanga, Bulacan at Nueva Ecija mula sa Rehiyon III; at Pangasinan at Ilocos Norte mula sa Rehiyon I.”

Pinagmulan: Ateneo School of Government Working Paper, Dynasties Thrive under Decentralization in the Philippines

Sa kanyang pagtatanghal sa Senado, nagpakita ng isang link si Mendoza sa website na “Building a Inclusive Democracy,” na naglalaman ng impormasyon tungkol sa proporsyon ng mga inihalal na opisyal na inookupahan ng mga dynastiya sa bawat lalawigan.

Ang mga detalye dito ay hindi rin tumutugma sa mga lalawigan na binanggit sa kopya ng talumpati ng Robredo.

Pito lamang ang nasa Top 10: Maguindanao, 64 porsiyento na bahagi ng dinastiya, una; Batangas, 62 porsyento, pangalawa; Sulu, 62 porsiyento, pangatlo; Ilocos Norte, 61 porsiyento, pang-apat; Lanao del Sur, 59 porsiyento, pang-anim; Pampanga, 61 percent, pang-lima, Bulacan, 59 percent, pang-pito.

Pangasinan, 55 porsiyento bahagi ng dynasty, at Nueva Ecija, 53 porsiyento, pang-labing tatlo at pang-labing walo.

Ang Rizal, 50 porsiyento ng bahagi ng dinastiya, ay wala sa Top 20 na mga lalawigan at pang-dalawampu’t talo.

UPDATE: Ang Office of the Vice President, sa isang sulat kay LSE associate professor James Putzel, ay humingi ng paumanhin sa kaguluhan.

“Nakalulungkot na may di-sinasadyang maling pakahulugan sa listahan na ipinakita sa pag-aaral (ni Mendoza), na naisama sa talumpati,” sinabi ng sulat.

“Binanggit sa pag-aaral ang parehong sampung mga lalawigan na bahagi ng Top 20 Most Dynastic Philippine Provinces mula 2004 hanggang 2016, hindi sa pagiging bahagi ng Top 20 Poorest Provinces,” dagdag pa nito.

Sinabi din ng sulat na ang tanggapan ay “pinasimulan ang kinakailangang pagkilos ng pagwawasto para maiwasan ang mga katulad na pangyayari sa hinaharap.”

Pinagmulan ng impormasyon:

Office of the Vice President, Overcoming Poverty in the Philippines and the Role of Politics in Economic Development, Transcript of speech by Leni Robredo, London School of Economics and Political Science, April 6, 2018

Senate of the Philippines, Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, Hearing on Anti-Political Dynasty Act, February 15, 2018

Mendoza, R & Banaag MS 2017, “Dynasties Thrive under Decentralization in the Philippines Ronald U. Mendoza,” Ateneo School of Government Working Paper 17-003

Building an Inclusive Democracy website

 

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

 

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.