Isang special nonworking holiday ang Peb. 25, dahil ito ang ika-32 anibersaryo ng EDSA I o People Power Revolution, na tumapos sa paghahari ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Kabilang sa mga pinaka-pinagbubunying idolo ay si dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr., isang kritiko ng administrasyon na ang pataksil na pagkakapatay noong 1983 ay nagbunsod sa EDSA I at iba pang mga protesta laban sa rehimeng Marcos.
Ngayon, sinabi ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na ang kanyang tiyuhin ay isang pambansang bayani. Nagtanong ang isang mambabasa ng VERA Files Fact Check kung ito ay totoo o “fake news.”
Aming inalam. Ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay sumusuporta sa naging pahayag.
PAHAYAG
Sa isang pagdinig sa Senado noong Enero 30, sinabi ni Bam Aquino:
“Si (Communications Undersecretary Lorraine Badoy) ay palaging tinutuligsa ako sa pagiging cosplayer ng aking tiyuhin, noh. Wala sa akin iyon, sa totoo lang, dahil ang aking tiyuhin ay pambansang bayani kaya mabuti nga na idolo ko siya.”
Pinagmulan: Pagdinig ng Senado sa fake news, Enero 30, 2018, panoorin mula 40:58 hanggang 41:08
FACT
Ang Pilipinas ay walang opisyal na pambansang bayani, ayon sa NHCP, ang awtoridad na nakatalaga na, bukod sa iba pa, “magpahayag ng mga makasaysayan, makabuluhang mga lugar, mga istruktura, mga kaganapan at mga tauhan sa kasaysayan” at “pagpasyahan ang mga kontrobersya sa kasaysayan o mga isyu.”
Sa isang pakikipanayam, sinabi ng research, publication and heraldry division ng NHCP:
“Ang opisyal na posisyon ng NHCP ay ang mga bayani ay hindi isinasabatas, sila ay hinihirang sa pamamagitan ng pampublikong pagkilala. Ang papel ng NHCP ay hindi upang pilitin ang mga tao na manatili sa isang partikular na posisyon pagdating sa mga bayani at makasaysayang tauhan, kung hindi upang ipakita sa mga tao ang lahat ng mga katotohanan tungkol sa bayani – ang positibo, ang negatibo, ang mabuti o ang masama – at hayaan ang mga tao na suriin para sa kanilang sarili ang pagiging karapat-dapat ng isang tao bilang isang bayani.”
Si Aquino ay itinuturing na isang pambansang bayani dahil naging inspirasyon siya ng marami pang iba bilang “isang taong tumayo laban sa isang malupit na diktadurya,” dagdag ng NHCP.
“Kung titingnan natin ‘yung naging epekto niya sa bansa, maraming nagmartsa sa EDSA dahil kay Ninoy. At dahil diyan si Ninoy, kung susumahin ang lahat, ay maaaring ituring na isang pambansang bayani.”
Para sa mga makasaysayang tauhan para maging pambansang bayani, kailangan nilang maabot ang isang punto kung saan tinatanggap ng publiko ang ideya, at ang kanilang mga gawain sa kanilang naging buhay ay may epekto sa pambansang antas, sinabi ng NHCP.
Si Aquino ay binaril sa ulo noong Agosto 21, 1983, sa tarmac ng dating Manila International Airport, paglaon ay pinangalanang Ninoy Aquino International Airport, sa kanyang pagdating mula sa Estados Unidos kung saan siya ay nanirahan bilang distiyero sa mga huling taon ng rehimeng Marcos.
Ang Agosto 21 ay idineklarang special nonworking holiday noong Peb. 25, 2004, upang gunitain ang kanyang kamatayan.
BACKSTORY
Ang NHCP ay hindi sangayon sa ideya ng “isang ranggo ng mga bayani,” na nangangahulugang walang bayani na itinuturing na mas mataas sa iba.
Noong 1995, ang dating Pangulong Fidel Ramos ay lumikha sa ilalim ng Executive Order 75 ng isang national heroes committee, na ang NHCP ay secretariat, na nagtatalaga sa pag-aaral ng pagpapahayag ng mga pambansang bayani.
Sumusunod sa isang hanay ng pamantayan, iminungkahi nito ang siyam: Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar, Sultan Dipatuan Kudarat, Juan Luna, Melchora Aquino at Gabriela Silang.
Walang karagdagang aksyon na ginawa, binanggit ng National Commission for Culture and the Arts sa website nito, na nagsasabi na ang dahilan ay maaari itong pagsimulan ng mga kahilingan sa pagpapahayag at mga debate sa mga kontrobersya na nakapalibot sa mga bayani.
Habang ang publiko ay nagpapasiya kung sino ang isang bayani, sinabi ng NHCP ang desisyon nito ay dapat “ayon sa materyal na mga kontribusyon na ginawa nila patungo sa pagbuo ng bansa.”
Si Marcos, na inilibing sa Libingan ng mga Bayani noong Nobyembre 2016, ay itinuturing na isang bayani ng marami dahil sa kanyang rekord noong giyera.
Ngunit ang NHCP, na naglathala ng isang pag-aaral sa pagsalungat sa libing, ay nagsabi na ang rekord sa militar ni Marcos ay “puno ng mga mito, mga magkakasalungat na impormasyon, at kasinungalingan.” (Tingnan ang VERA FILES YEARENDER: Despite Marcos burial at LNMB, facts about his fake heroism remain)
“May napakaraming katibayan na hindi maaaring maging isang bayani si Marcos,” sinabi ng NHCP sa panayam.
Sources:
Proclamation No. 269, July 17, 2017
NHCP, Why Ferdinand E. Marcos should not be buried at the Libingan ng mga Bayani, July 12, 2016
National Commission of Culture and the Arts, Selection And Proclamation Of National Heroes And Laws Honoring Filipino Historical Figures, May 18, 2015
Interview with Research, Publication and Heraldry Division of the National Historical Commission of the Philippines, Feb. 14, 2018
Official Gazette, Republic Act no. 9256
Official Gazette, Executive Order no. 75, March 29, 1993