(NAI-UPDATE) Muling pinalutang ni dating senador Juan Ponce Enrile ang hindi napatunayang istorya na ang yumaong lider ng oposisyon na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. ang “nag-organisa” ng Communist Party of the Philippines (CPP); ang armadong hukbo nito, ang New People’s Army (NPA); at, Moro National Liberation Front (MNLF).
PAHAYAG
Sa isang post noong Hunyo 16 sa kanyang verified Facebook (FB) account, ikinuwento ni Enrile ang mga kaganapan na humantong sa deklarasyon ng martial law noong 1972, pati na ang umpisa ng pag-aalsa ng mga komunista sa bansa. Sinabi sa bahagi ng sanaysay:
“The CPP-NPA and the MNLF were organized by three young men: Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr., Nur Misuari and Jose Maria Sison. These three were former students in the University of the Philippines. They were allegedly supported by a country in East Asia that wanted to keep the Philippines busy.”
(Ang CPP-NPA at MNLF ay binuo ng tatlong binata: sina Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr., Nur Misuari at Jose Maria Sison. Ang tatlong ito ay dating mga estudyante sa University of the Philippines. Sinuportahan umano sila ng isang bansa sa East Asia na nais na maging abala ang Pilipinas.)
Pinagmulan: Juan Ponce Enrile Official Facebook, 1972 Martial Law, Hunyo 16, 2021
Makalipas ang apat na araw, ang parehong sanaysay ay nilathala bilang isang komentaryo sa ilalim ng byline ni Enrile sa The Daily Tribune, isang pambansang broadsheet.
Noong 2018, gumawa ng parehong pahayag si Enrile, na nagsilbing defense secretary ng yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr., sa isang pakikipag-uusap sa kapangalan na anak ng napatalsik na pangulo, si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Sinabi ni Enrile na mayroong “pormal na kasunduan” sa pagitan ng CPP-NPA at ng Liberal Party, kung saan naging bahagi si Aquino, laban sa gobyerno.
ANG KATOTOHANAN
Wala ang pangalan ni Aquino sa “maikling review ng kasaysayan” ng CPP na inilathala noong ika-20 anibersaryo nito noong 1988. Hindi rin nabanggit ang senador sa artikulong isinulat ni Sison para sa ika-50 anibersaryo ng communist party noong 2018.
Sina Sison at Bernabe “Kumander Dante” Buscayno lamang ang nakalistang nagtatag ng CPP-NPA sa isang tracker ng mga militanteng organisasyon sa buong mundo na pinamamahalaan ng Center for International Security and Cooperation ng Stanford University.
Sa parehong Stanford tracker, hindi nabanggit si Aquino bilang co-founder o organizer ng MNLF, na itinatag noong 1972 sa Malaysia upang ipaglaban ang kalayaan ng mga Moro sa katimugang bahagi ng Pilipinas.
Sa kabila ng paulit-ulit na pahayag ni Enrile na “binuo” ni Aquino ang CPP-NPA kasama si Sison, walang opisyal na rekord na naipakita para patunayan ito.
Sinabi ni Sison, ang founding chairperson ng CCP, sa isang pakikipanayam noong Marso 2016 na si Aquino “ay hindi maaaring maging isang komunista o tagapagtatag ng [CPP]” sapagkat siya, bukod sa iba pa, ay “kilala bilang isang asset ng CIA (Central Intelligence Agency) mula noong siya ay naging war correspondent sa Korea.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Sabi ni Duterte dapat magsama na ang ‘Yellow’ at ‘Reds’; wala itong kabuluhan)
Itinanggi ni Aquino, sa isang panayam sa telebisyon habang nasa bilangguan noong Marso 1978, ang pagiging ahente ng CIA. Gayunman, inamin niya na minsan ay nakipagpapalitan siya ng impormasyon sa ahensya at minsang nagsagawa ng isang lihim na misyon sa Indonesia sa isang “rebelyon na suportado ng CIA” doon noong 1958, tulad ng iniulat ng New York Times. Binigyang-katwiran ito ni Aquino bilang bahagi ng kanyang tungkulin bilang dating opisyal ng gobyerno.
Habang inamin ni Sison na si Aquino ay “hindi kilalang kagalit ng NPA,” sinabi niya na walang “pormal na alyansa” sa pagitan nila.
Isang katulad na istoryang hindi rin napatunayan na kinausap ni Aquino ang gobyerno ng Malaysia upang humingi ng suporta para sa CPP-NPA ang kumalat noong 2018. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Istorya ng pamilya Aquino binaluktot at sinulat muli sa online post)
Noong Enero 2021, ang Armed Forces of the Philippines ay nagkalat ng walang basehang mga pahayag na nag-uugnay kay Aquino sa mga komunista. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: AFP pinatindi ang hindi totoo, walang batayang mga pahayag tungkol sa pagkamatay ni Ninoy Aquino, ugnayan sa CPP)
Ang post ni Enrile ay nakakuha ng hindi bababa sa 5,700 “like” at “heart” na mga reaksyon at nai-share ng 3,400 beses noong Hulyo 8, at patuloy na pinalakas ng mga gumagamit ng platform. Samantala ang kanyang komentaryo ay ibinahagi ng Daily Tribune sa FB page nito na may potensyal na makaabot sa may 163,000 followers.
UPDATE: Sa isang FB post noong Hulyo 11, sumagot si Enrile sa fact check na ito at pinanindigan ang kanyang pahayag, na binanggit ang kanyang access sa “classified sensitive ‘secret documents'” at mga personal na account. Basahin ang kanyang tugon dito.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Official Gazette of the Philippines, A History of the Philippine Political Protest
Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 1081, s. 1972, Sept. 23, 1972
Official Gazette of the Philippines, Declaration of Martial Law
Enrile’s two inaccurate claims
- Juan Ponce Enrile Official Facebook, 1972 Martial Law, June 16, 2021
- Senate of the Philippines, 15th Congress: Biography of Sen. President Juan Ponce Enrile
- The Daily Tribune, 1972 Martial Law, June 19, 2021 (archived)
On Aquino ‘co-organizing’ CPP-NPA, MNLF
- Jose Maria Sison blog, Joma Sison Interview on Martial Law and the Plaza Miranda Bombing, March 31, 2016
- Jose Maria Sison 1 YouTube, Joma Sison Interview on Martial Law and the Plaza Miranda Bombing, March 29, 2016 (archived)
- The New York Times, Jailed Foe of Marcos Allowed to Speak on Television, March 11, 1978
- GMA News Online, ‘I would rather die on my feet with honor’: A Ninoy Aquino timeline, 1968-1983, Aug. 21, 2013
- Philippine Tatler, Journalist Teddy Benigno Writes About Ninoy Aquino’s Life, Patriotism, and Sacrifice for the Philippines, April 15, 2020
- Liwanag, A. (1988) Brief Review of the History of the Communist Party of the Philippines: On the Occasion of the 20th Anniversary of its Reestablishment. Retrieved on July 1, 2021 (archived)
- Jose Maria Sison blog, On Ninoy Aquino’s relationship with the CPP-NPA, July 24, 2010 (archived here and here)
- Stanford University: Center for International Security and Cooperation, Mapping Militant Organizations: Communist Party of the Philippines–New People’s Army, Aug. 24, 2015 (archived)
- Philippine Center for Investigative Journalism, Bernabe ‘Kumander Dante’ Buscayno, Feb. 2, 2006 (archived)
- Stanford University: Center for International Security and Cooperation, Mapping Militant Organizations: Moro National Liberation Front,, May 2019 (archived)
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)