Sa pagbibigay-katwiran sa conversion ng mga bukirin para maging residential at lugar ng mga pabrika, sinabi ni Sen. Cynthia Villar na ang Israel ay walang mga lupang pang agrikultura at isang net exporter ng gulay sa Middle East. Mali ang parehong pahayag ng senadora.
PAHAYAG
Sa Senado inquiry noong Set. 1 tungkol sa estado ng dairy industry, sinabi ni Villar, ang namumuno sa Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, na:
“Sa Israel, wala silang lupa, disyerto sila…kaya ihina-hang nila ‘yung kanilang mga plant sa air (ere)…Wala silang tubig, kasi ang tubig lang nila nanggagaling sa ocean, salty (karagatan, maalat), dini-desalinate nila…[Y]et they are net exporter (sic) of vegetable in the Middle East (Gayunpaman sila ay net exporter ng gulay sa Middle East).”
Idinagdag niya:
“[I]to ‘yung sinasabi natin na hindi kailangan ng lupa, hindi kailangan ng tubig. Kailangan natin ay technology to be successful in farming (teknolohiya upang maging matagumpay sa pagsasaka).”
Pinagmulan: Senate of the Philippines official Youtube account, Committee on Agriculture, Food and Agrarian, Set.1, 2020, panoorin mula 9:24 hanggang 10:07
Sa kadahilanang ito, sinabi ni Villar na ang mga kumakalaban sa pag-convert ng mga bukirin para sa pagtatayo ng mga bahay at pabrika ay “mali.”
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa mga pahayag ng senadora, mayroon, sa katunayan, mga plantasyon, pananim sa bukid, kagubatan at kahuyan sa Israel — hindi lamang disyerto — tulad ng ipinakita sa 2013 land use map nito.
Noong 2016, ang bansa ay nagrehistro ng 5,320 square kilometers ng mga lupaing pang-agrikultura, na binubuo ng halos 24.58 porsyento ng kabuuang lupain nito na 21,640 square kilometers, ayon sa pinakabagong magagamit na mga record ng World Bank.
Ang mga lupang pang-agrikultura ay tumutukoy sa bahagi ng lupain na “mabubungkal, sa ilalim ng permanenteng mga pananim, at sa ilalim ng permanenteng pastulan,” batay sa pakahulugan ng Food and Agriculture Organization ng United Nations. Kabilang dito ang lupa sa ilalim ng pansamantalang mga pananim, pansamantalang mga parang para sa paggapas o pastulan, lupa sa ilalim ng mga market at kitchen garden, at mga bukirin na hindi nalinang ng hindi hihigit sa limang taon.
Inilathala ng Israel Central Bureau of Statistics ang isang detalyadong mapa ng mga lugar ng pang-agrikulturang pananim sa mga likas na rehiyon ng bansa sa parehong taon.
Ang Israel ay hindi rin isang net exporter ng mga gulay sa Middle East, batay sa pinakabagong magagamit na datos mula sa World Integrated Trade Solution (WITS), ang online repository ng impormasyon sa kalakalan at mga taripa ng World Bank.
Pinagsasama ng WITS database sa isang rehiyon ang mga bansa sa Middle East at North Africa, at tinatala ang bilang batay lamang sa naiulat na datos para sa bawat taon simula 1995.
Noong 2018, ang export na gulay ng Israel sa Middle East at North Africa region ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang na US$3.35 milyon habang ang mga na-import na gulay ay humigit-kumulang US$17.42 milyon.
Ang isang bansa o teritoryo ay tinuturing na net exporter kapag ang halaga ng export nito ay mas malaki kaysa sa halaga ng import nito, ayon sa Cambridge dictionary.
Lumalabas na ang Israel ay may negatibong balanse, o trade deficit, sa kalakalan ng gulay sa Middle East at North Africa region ng humigit-kumulang na US$14.07 milyon.
Ang Israel ay naging net exporter sa rehiyon sa loob lamang ng 10 hindi sunud-sunod na taon: mula 1996 hanggang 1998; 2000; at mula 2008 hanggang 2013.
Ang trade deficit ay nangyayari kapag ang halaga ng export ng isang bansa ay mas mababa kaysa sa halaga ng mga import nito, ayon sa primer ng National Economic and Development Authority (NEDA) tungkol sa imports. Gayunpaman, ang epekto nito ay “laging may pasubali sa likas na ekonomiya ng [isang bansa],” dagdag ng primer.
Sa ika-19 na edisyon ng kanilang librong “Economics,” sinabi ng mga modernong ekonomista na sina Paul Samuelson at William Norhaus na ang mga trade deficit ay “hindi kinakailangang nakakasama” at mas mabuting ipinahiwatig ng iba pang mga kadahilanan tulad ng balanse sa pagitan ng domestic investment at domestic saving.
Humiling ang VERA Files ng mga na-update na record mula sa Israel Embassy sa Maynila ngunit hindi pa nakatatanggap ng tugon ang opisina.
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines Official Youtube Account, Committee on Agriculture, Food and Agrarian, Aug. 31, 2020
Israel Central Bureau of Statistics, Israel in Figures Selected Data From the Statistical Abstract of Israel 2019, 2020
Israel Central Bureau of Statistics, 2013 Land Use Map, Accessed Sept. 10, 2020
World Bank, 2016 Agricultural land (sq. km) – Israel, Accessed Sept. 15, 2020
World Bank, 2016 Agricultural Land (% of land area) – Israel, Accessed Sept. 4, 2020
World Bank, 2016 Land Area (sq. km) – Israel, Accessed Sept. 4, 2020
World Bank, Glossary | DataBank, n.d.
United Nations, ARABLE AND PERMANENT CROPLAND AREA, June 15, 2017
World Integrated Trade Solution, Country Profile: Data Availability, n.d.
Israel Central Bureau of Statistics, 2016 Agricultural Crop Areas, by Natural Region, Jan.1, 2017
World Integrated Trade Solution, Israel Vegetable Exports By Region 2018, Accessed Sept. 4, 2020
World Integrated Trade Solution, Israel Vegetable Imports By Region 2018, Accessed Sept. 4, 2020
Cambridge Dictionary, Net Exporter, Accessed Sept. 10, 2020
World Integrated Trade Solution, Israel Vegetable Exports and Imports By Country and Region 2018, Accessed Sept. 4, 2020
National Economic Development Authority, Understanding Imports, Accessed Sept. 10, 2020
McGraw-Hill, Economics 19th Edition, page 546
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)