Ikinalat ni dating education undersecretary at kandidato para senador noong 2019 Antonio “Butch” Valdes ang maling impormasyon na “inamin sa wakas” ng United States (US) Centers for Disease Prevention and Control (CDC) at World Health Organization (WHO) na ang bilang ng namatay sa US dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay mas mababa kaysa sa orihinal na naiulat.
Ang pahayag, na unang kumalat sa ibang bansa, ay kasama sa isang post sa Facebook (FB) ni Valdes na tumatawag ng pansin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinasabing “kapabayaan at likas na katiwalian” ni Health Secretary Francisco Duque III.
PAHAYAG
Noong Agosto 31, naglathala si Valdes ng isang FB status update na nagsasabi sa pangulo na siya ay “niloko” ni Duque na “ganap na umasa” sa mga pahayag ng CDC sa kanyang paggawa ng desisyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Para suportahan ito, sinabi ni Valdes:
“The CDC-WHO has finally admitted that the number of deaths in the US is only 9000, and not 160000 as previously reported (Inamin ng CDC-WHO sa wakas na ang bilang ng mga namatay sa US ay 9000 lamang, at hindi 160000 tulad ng unang naiulat).”
Pinagmulan: Butch Valdes official Facebook account, “Mr President , you have been duped by Sec Duque re the COVID-19 virus…,” Agosto 31, 2020
Idinagdag ni Valdes na si Duque ay “tumanggi na isaalang-alang ang iba pang mga alternatibong mapagkukunan” o magsagawa ng kanyang sariling pagsasaliksik upang mapatunayan ang ipinanukalang mga pamamaraan ng paggamot sa COVID-19.
ANG KATOTOHANAN
Wala alinman sa CDC o WHO ang gumawa ng sinasabing pagpapalit sa bilang ng namatay sa COVID-19 sa U.S.
Ang pahayag na mayroon lamang 9,000 namatay sa COVID-19 sa United States at hindi 160,000 ay isang maling interpretasyon ng datos CDC sa COVID-19.
Ang ilang mga post sa FB, mga tweet, at isang artikulo ng far-right news website na The Gateway Pundit — na pawang nagpalipat lipat noon pang Agosto 29 sa US – ang nagbigay ng maling kahulugan sa bilang na ito, na sinabing “tahimik na na-update” ang CDC ng datos nito upang ipakita na anim na porsyento lamang o mga 9,000 sa higit na 153,000 naitalang namatay sa COVID-19 sa US hanggang Agosto 29 ang talagang namatay mula sa sakit.
Ang maling pahayag, na lalong pinalakas ni US President Donald Trump sa isang retweet na tinanggal na ngayon, ay nagsabi na ang natitirang 94 porsyento ay mayroong “iba pang mga malubhang karamdaman” at may katandaan na — ipinahihiwatig na ang pagkamatay ay hindi dapat maiugnay lamang sa viral sakit.
Kinumpirma ni Jeff Lancashire, acting associate director for communications ng National Center for Health Statistics (NCHS) ng CDC, sa isang email sa PolitiFact ng Poynter Institute na 94 porsyento ng mga death certificate, sa katunayan, ay nagbanggit ng iba pang mga kondisyong medikal — o mga comorbidity — kasabay ng COVID-19.
Gayunpaman, nilinaw niya na 92 porsyento ng pagkamatay ay mayroon pa ring COVID-19 bilang kanilang “pinagbabatayang dahilan ng pagkamatay,” na tinukoy ni Lancashire bilang “ang kundisyon na nagsimula sa sunud-sunod na mga pangyayari na sa huli ay humantong sa pagkamatay ng tao.”
Bilang karagdagan, sinabi ni Bob Anderson, pinuno ng Mortality Statistics ng NCHS, sa isang pakikipanayam sa Agence France-Presse (AFP) na sa kabila ng mga comorbidity, ang pagkamatay ng isang tao na, halimbawa, ay nagkaroon ng pulmonya sanhi ng COVID-19, ay mabibilang ng isang beses lamang at naitala bilang isang kamatayan dahil sa COVID-19.
Idinagdag ni Anderson na ang anim na porsyento ng pagkamatay na mayroong COVID-19 bilang nag-iisang sanhi ng pagkamatay ay maaaring mga kaso ng mga death certificate na naglalaman ng hindi sapat na detalye sa iba pang mga kundisyon na maaaring nagdala ng COVID-19 ng isang indibidwal.
Sinabi niya sa AFP na “bihira” na ang isang tao ay namatay sa COVID-19 lamang.
Para sa WHO, pinaninindigan ng organisasyon na ang mga taong higit sa 60 taong gulang at mayroong mga pre-existing medical condition na nakakaapekto sa kanilang immune system ay mas nanganganib na makaranas ng isang “mas malubhang” kaso ng COVID-19.
Hanggang Setyembre 14, naitala ng U.S. ang halos 6.5 milyong mga kaso ng COVID-19 na may higit sa 193,700 na pagkamatay, ayon sa CDC COVID Data Tracker.
Ang post ni Valdes ay lumabas habang ang gobyerno ng Pilipinas ay patuloy na nahaharap sa mga pagbabatikos kaugnay ng tugon nito sa pandemic, kasama ang pinakahuling kontrobersya tungkol sa P15 bilyong kaso ng katiwalian, na muling bumuhay sa panawagan na magbitiw si Duque bilang health secretary.
Mga Pinagmulan
News5Everywhere Youtube channel, APLIKANTE SA SENADO – BUTCH VALDES, Feb. 28, 2019
GMA Public Affairs Youtube channel, Investigative Documentaries: Nagtulak kay Butch Valdes para tumakbong senador, alamin, Feb. 22, 2019
Butch Valdes official Facebook account, “Mr President , you have been duped by Sec Duque re the COVID-19 virus…,” Aug. 31, 2020
Lexico.com, Comorbidity, July 14, 2019
Centers for Disease Prevention and Control, Provisional Death Counts for Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), Sept. 9, 2020
President Trump Fans Facebook page, “This week the CDC quietly updated…,” Aug. 29, 2020
Matt Nelson for District 4 California State Assembly Facebook page, “CDC COVID UPDATE…,” Aug. 29, 2020
Jenna Ellis official Twitter account, “SHOCK REPORT: This Week CDC Quietly Updated…,” Aug. 29, 2020
The Gateway Pundit, SHOCK REPORT: This Week CDC Quietly Updated COVID-19 Numbers – Only 9,210 Americans Died From COVID-19 Alone – Rest Had Different Other Serious Illnesses, Aug. 29, 2020
President Donald Trump official Twitter account, “RT @littllemel: “This week the CDC quietly updated the Covid number…,” Aug. 30, 2020
PolitiFact, No, the CDC did not ‘quietly adjust’ US coronavirus deaths, Aug. 31, 2020
Agence France-Presse, Trump retweets false claim that CDC cut Covid-19 death toll by 94 percent, Sept. 1, 2020
World Health Organization, COVID-19: vulnerable and high risk groups, May 13, 2020
Centers for Disease Prevention and Control, United States COVID-19 Cases and Deaths by State, Sept. 14, 2020
Inquirer.net, P15 billion went to PhilHealth ‘syndicate’ – whistleblower, Aug. 5, 2020
CNN Philippines, Whistleblower claims ₱15 billion stolen by PhilHealth execs in fraud schemes, Aug. 4, 2020
Philstar.com, Whistleblower accuses PhilHealth execs of stealing P15 billion through fraud schemes, Aug. 4, 2020
Senate of the Philippines official Youtube channel, Senate Session No. 5, Sept. 1, 2020
Senate of the Philippines, Senate Resolution No. 362, April 16, 2020
Twitter Search, “#DuqueResign” and “Philhealth,” n.d.
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)