Dalawang walang basehan na mga survey ng mga kandidato pagka-senador ang kumakalat sa Facebook bago ang eleksyon ng Mayo 2019.
PAHAYAG
Noong Enero 6, ang Atty. Glenn Chong Supporters, isang pahina ng Facebook na sumusuporta sa pagtakbo pagka-senador ni dating Biliran Representative Glenn Chong, ay nag-post ng ranggo ng mga kandidatong senador na pinamagatang “LATEST NATIONAL SOCIAL SURVEY THRU FACEBOOK AS JANUARY 2, 2019, AS 8:00 P.M. 2019 SENATORIAL CANDIDATES.”
May caption itong: “Pakikalat at iulat natin. Huwag basta maniwala sa may kinikilingang mga survey. CTTO ”
Pinagmulan: Facebook.com, Atty. Glenn Chong Supporters, Enero 6, 2019
Pagkalipas ng dalawang araw, ang Silent No More PH ay nag-post ng isa pang survey na may parehong pamagat, ngunit may ibang petsa at ranggo ng ilang mga kandidato. Tinawag itong “biro” ng pahinang anti-Duterte:
“Mahal kong mga Kababayang Pilipino, JOKE OF THE DAY! HAHAHAHAHAHAHA! #Joke # NgaNga # AlamNaThis #SilentNoMorePH, “sabi nito.
Pinagmulan: Facebook.com, Silent No More PH, Enero 8, 2019
ANG KATOTOHANAN
Walang batayan ang parehong mga survey.
Kulang ang mga ito sa mga pamantayan na itinuturing ng mga mananaliksik sa buong mundo na “kailangang kailangan” sa paglalathala ng mga resulta ng propesyonal na survey.
Ang mga pamantayan na ito ay makikita sa isang patnubay na magkakasamang binuo ng mga internasyonal na organisasyon ng mananaliksik na World Association for Public Opinion Research (WAPOR) at ng World Association for Social, Opinion and Market Research (ESOMAR).
Ang gabay ng ESOMAR-WAPOR ay nagtatampok ng pangunahing impormasyon na kailangan madali makuha sa mga nilathalang survey para sa transparency, bukod sa iba pa:
1. organisasyon na nagsagawa ng survey at ang sponsor
2. ang mga sumagot ng survey, ang kanilang mga demograpiko at saklaw ng heyograpikal/lugar, tulad ng bansa, lalawigan, lungsod, at kung ang ilang mga pangkat ay hindi kasama sa disenyo
3. sukat ng sampol o ang bilang ng mga nakumpletong panayam sa mga natuklasan
4. Mga petsa ng fieldwork
5. sampling method na ginamit
6. pamamaraan kung paano isinagawa ang survey, tulad ng harapan o panayam sa telepono
7. kung ang “weighting,” o ang proseso ng pag-aayos ng datos mula sa survey upang masiguro na ang sample ay mas tiyak na sumasalamin sa mga katangian ng populasyon, ay ginamit
8. porsyento ng mga sumasagot sa survey na nagbibigay ng “hindi alam” na mga sagot
9. ang may-katuturang mga katanungan na tinanong sa survey
“Napakahalaga ng mga kinakailangan sa pagsisiwalat dahil habang ang mga survey ng opinyon ay dumami ang bilang at klase, ang mga gumagawa ng desisyon, mga mamamahayag at ang publiko ay kailangang makilala ang pagkakaiba ng mga propesyonal at hindi propesyonal na mga survey,” sabi ng patnubay.
Sa interbyu sa telepono ng VERA Files, kinumpirma ni Direktor Leo Laroza ng Social Weather Stations (SWS) Communications and Information Technology na ang kawalan ng mga kinakailangang pagsisiwalat sa mga survey ay isang babala. Ang SWS ay isang miyembro ng WAPOR.
Para sa mga survey na kinomisyon ng ilang mga grupo, idiniin ni Laroza ang kahalagahan ng pagkilala kung sino ang mga sponsor ng survey.
Kapansin-pansin na ang dalawang walang pruwebang mga survey na nai-post sa Facebook ay nag ranggo din ang mga kandidato gamit ang mga porsyentong bilang na walang kaukulang halaga, kaya’t imposibleng matukoy kung gaano karaming mga tao ang na survey.
Ang mga survey ay nai-post sa social media ilang araw matapos ibalita ng
ilang news organizations ang resulta ng isang senatorial survey na di umano ay
ginawa ng SWS noong DIsyembre.
Ang mga resulta ng hindi suportadong mga survey na ibinahagi ngAtty. Glenn Chong Supporters at Silent No More PH ay ibang iba sa SWS survey.
Si Ilocos Governor Imee Marcos, na umano’y nanguna sa parehong survey, ay nasa ikalabing-isa sa SWS survey.
Ang mga reeleksiyonistang sina Cynthia Villar at Grace Poe na una at pangalawa sa SWS survey, ay nasa ika-7 at ika-21 sa parehong hindi sinusuportadong mga survey, ayon sa pagkakasunod.
Si Chong, na ang ranggo ay tumaas mula ika-10 hanggang ika-2 sa mga viral na survey, ay ni hindi pumasok sa nangungunang 15 sa SWS survey.
Sina Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go at dating hepe ng pulisya at customs na si Ronald “Bato” Dela Rosa, na kabilang sa mga nangunguna sa parehong walang basehang survey, ay nasa ika-15 at ika-16 sa SWS survey.
Hindi bababa sa 21 pahina ng Facebook ang nagbahagi ng unang survey, na maaaring umabot sa 1.9 milyong tao. Karamihan sa mga pahinang ito ay nagdadala ng mga pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte, samantalang ang ilan ay sumuporta umano sa ilang mga kandidato, kabilang sina Go, Dela Rosa at dating spokesperson Harry Roque.
Ang ikalawang survey ay maaaring umabot sa higit sa 880,000 netizens.
“Ang maling pag uulat ng mga survey ay pangkaraniwan sa panahong nalalapit sa isang halalan,” sabi ni Laroza.
Mga pinagkunan ng impormasyon:
American Association for Public Opinion Research, Weighting
Esomar.org, What we do
Inquirer.net, Villar, Poe lead latest SWS Senate race survey, Jan. 2, 2019
Manila Bulletin, Villar tops SWS survey on Senate race, Jan. 2, 2019
Philstar.com, Cynthia Villar, Grace Poe still lead senatorial survey–SWS, Jan. 2, 2019
Social Weather Stations, About SWS
World Association for Public Opinion Research, ESOMAR/WAPOR Guide to Opinion Polls
World Association for Public Opinion Research, WAPOR Code of Ethics