Sa isang live video na na-upload noong Hulyo 10, sinabi ng vlogger at social media personality na si Sass Rogando Sasot ang maling pahayag na sinolo ng Angat Buhay NGO, na itinatag ni dating vice president Leni Robredo, ang kredito sa relief efforts kasunod ng landslide sa Ifugao.
Sinabi ni Sasot na ginawa ito ng NGO nang mabigo itong kilalanin ang mga nagtatrabahong yunit ng militar at local government units. Ang vlogger, isang masugid na tagasuporta ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ay nag-react sa isang post sa social media ng Angat Buhay na naglalaman ng mga larawan ng mga pagsisikap nito sa Ifugao, at mga tagasuporta na pumupuri sa gawain ng NGO.
PAHAYAG
“Pwede naman magtayo ng NGO, pero ‘wag naman po tayo makipagsapawan sa gobyerno kasi meron naman tayong gobyernong gumagalaw. ‘Wag po nating palabasin na ang gobyerno po ay hindi gumagalaw at kayo lang, dahil hindi po totoo ‘yan. Pwedeng tumulong, pero ‘wag po tayong mag-angat ng bangko dahil hindi lang naman kayo ang kumikilos.”
Pinagmulan: For the Motherland – Sass Rogando Sasot Facebook page, Angat Buhay DSWD Issue, Hulyo 10, 2022
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa pahayag ni Sasot, kinilala ng Angat Buhay sa isang post noong Hulyo 9 sa Facebook at Twitter ang ilang grupo na nakiisa sa kanilang relief efforts tulad ng 54th Infantry Magilas Battalion ng Army na nakabase sa Ifugao, na nagbigay ng logistical support.
Binanggit din ng NGO ang isa sa mga lokal na katuwang nito, ang Isabela-Quirino Development Council, na namigay ng food packs at lutong pagkain para sa mga apektadong pamilya, at nagpasalamat sa iba pang mga grupo na tumugon sa panawagan ng tulong ng gobyerno ng Ifugao. Sinulat ng Angat Buhay:
“We thank our partners in the area for responding to Banaue’s call for help (Nagpapasalamat kami sa aming mga partner sa lugar sa pagtugon sa panawagan ng Banaue ng tulong). Ito ang diwa at sentro ng Angat Buhay: bolunterismo ng mga mamamayan, tulungan at bayanihan para matiyak na ligtas ang ating mga kapwa.”
Sa parehong video, pinuna ni Sasot ang news organization na Inquirer dahil sa isang post sa social media noong Hulyo 10 kung saan isinama ang mga litrato ng food packs mula sa Department of Social Work and Development (DSWD) sa ulat nito tungkol sa disaster response ng Angat Buhay. Sabi ni Sasot:
“Ito namang Inquirer, bakit naman ‘yung Angat Buhay ‘yung pinasalamatan ninyo doon sa caption eh malinaw naman na ‘yung mga boxes na naka-feature sa inyo ay DSWD. So Inquirer, ano ba ito? Ito ba’y isang halimbawa ng fake news, Inquirer? Kasi ang linaw-linaw doon sa picture ninyo, DSWD, pero ang nilagay ninyo, Angat Buhay Foundation.”
Ang mga litrato ay kuha mula sa social media pages ng Angat Buhay.
Kalaunan ay in-update ng Inquirer ang istorya nito sa paglilinaw mula kay Social Welfare Secretary Erwin Tulfo na ang local government unit sa Ifugao ay naglagay ng food packs mula sa iba’t ibang mga donor sa isang bodega bago nakunan ng mga litrato.
Umabot na sa 118,000 views at 13,000 reactions ang Facebook video ni Sasot simula noong July 21.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
For the Motherland – Sass Rogando Sasot Facebook page, “Angat Buhay DSWD Issue” live video, July 10, 2022
Angat Buhay Facebook page, Angat Buhay is currently monitoring events, July 9, 2022
Angat Buhay Twitter account, Angat Buhay is currently monitoring events, July 9, 2022
INQUIRER.net Facebook page, Angat Buhay news report, July 10, 2022
Erwin Tufo Facebook page, PAGLILINAW, July 10, 2022
USAPANG BALITA TV, JUST IN: TULFO RUMESBAK SA ANGAT BUHAY/ ROBREDO SUPLAK KAY MANNY CASTANEDA/ SASS SASOT /TRIXIE CRUZ, July 11, 2022
Palibhasa PINOY TV, SEC ERWIN TULFO NIYARI ang INQUIRER, DSWD ang AYUDA sa ANGAT-BUHAY NAGPASALAMAT/SASS SASOT may BANAT, July 10, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)