Sinabi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at hindi bababa sa apat na Facebook (FB) pages na ang University of the Philippines – College of Engineering (UP CoE) ay may isang sangay ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Hindi ito totoo.
PAHAYAG
Noong Peb. 20, naglathala ang opisyal na FB page ng NTF-ELCAC ng isang mahabang post na nag-red tag kay UP CoE alumnus Chad Booc, isang volunteer titser sa isang paaralan ng Lumad, bilang “underground recruiter at operator” para sa CPP, New People’s Army (NPA), at National Democratic Front (NDF).
Kabilang sa mahabang listahan ng mga pahayag, sinulat ng anti-communist task force:
“Booc has consistently been an underground recruiter and operator for the [CPP-NPA-NDF] even during his student days in UP Diliman, where he was part of the CPP Party Branch unit in College of Engineering.”
(Si Booc ay tuloy-tuloy na naging underground recruiter at operator para sa [CPP-NPA-NDF] kahit noong estudyante siya sa UP Diliman, kung saan bahagi siya ng CPP Party Branch unit sa College of Engineering.)
Pinagmulan: National Task Force to End Local Communist Armed Conflict official Facebook page, “READ: Chad Booc?…,” Peb. 20, 2021
Kinilala ng NTF-ELCAC ang pahayag sa Sentrong Alyansa ng Mamamayan para sa Sambayanan, na inilarawan nito bilang isang pangkat ng mga “dating kadre ng CPP-NPA-NDF.” Sinabi ng task force na ang pahayag ay ginawa umano noong Peb. 17, ngunit ang kopya nito ay hindi matagpuan sa FB page ng grupo.
Ang eksaktong parehong pahayag ay nasa FB page rin na Ka Eric Almendras, pati na rin sa isang page na may pangalang Philippine Army’s 59th Infantry Battalion sa magkakahiwalay na post noong Peb. 18. Ang huli ay walang verified badge ngunit regular na nagpo-post ng mga update na may kaugnayan sa militar.
Samantala, muling ini-upload ng mga FB page na Team Philippines at Valencia City Police Station ang post ng NTF-ELCAC noong Peb. 20 at 24, ayon sa pagkakasunod-sunod.
ANG KATOTOHANAN
Hindi totoo ang pahayag. Ang kolehiyo, sa pamamagitan ng Management Committee nito, ay nagpalabas ng isang pahayag noong Marso 17 na pinasisinungalingan ang mga paratang at hinamon ang mga nagbibintang na patunayan ang kanilang akusasyon.
Sinabi nito:
“As with the maxim of law, the burden of proof always lies with the accuser. In this case, the obligation of providing sufficient evidence on whether there is a CPP Party Branch unit in the UP College of Engineering lies with the NTF-ELCAC, not with the UP College of Engineering.”
(Tulad ng kasabihan sa batas, ang burden of proof ay laging nakasalalay sa nag-aakusa. Sa kasong ito, ang obligasyong magbigay ng sapat na ebidensya kung mayroong CPP Party Branch unit sa UP College of Engineering ay nakasalalay sa NTF-ELCAC, hindi sa UP College of Engineering.)
Pinagmulan: UPD College of Engineering official Facebook page, “Statement of the UP CoE Management Committee on NTF-ELCAC Facebook post,” Marso 17, 2021
Idinagdag ng Management Committee ng CoE na ang mga taong nagsasabi ng “hindi totoo at walang batayan na paratang” ay dapat managot.
“We challenge those who accuse to bring forth the evidence of their claim. In the case that they cannot provide such, they should face the full force of the law.”
(Hinahamon namin ang mga nag-aakusa na maglabas ng katibayan ng kanilang pahayag. Kung wala silang kayang maibigay, dapat harapin nila ang matinding parusa ng batas.)
Pinagmulan: UPD College of Engineering official Facebook page, “Statement of the UP CoE Management Committee on NTF-ELCAC Facebook post,” Marso 17, 2021
Samantala, sinabi ng UP Engineering Student Council (ESC) na ang pahayag ng NTF-ELCAC na may sangay ng CPP sa kolehiyo ay “walang pasubaling hindi totoo.”
Sa 39 mga organisasyon ng engineering na opisyal na kinikilala o humihingi nang pagkilala mula sa UP CoE sa kasalukuyang semestre, “wala … ang opisyal na itinalaga, pinangalanan bilang sanggunian, o direktang kaanib sa Communist Party of the Philippines,” sinabi ng pahayag ng UP ESC noong Peb. 25.
Ang post ng NTF-ELCAC ay lumitaw limang araw matapos isinagawa ng Philippine National Police (PNP) Central Visayas Office (PRO-7) noong Peb. 15 ang sinasabing operasyon para sagipin ang 19 na mga menor de edad na Lumad, isang hakbang na binatikos ng mga human rights group, mga progresibong organisasyon, at ng Cebu chapter ng National Union of People’s Lawyers.
Makalipas ang tatlong araw, kinasuhan ng PNP PRO-7 si Booc at ang isa pang guro, dalawang matandang Lumad, at tatlong estudyanteng Lumad na nasa sapat na gulang ng kidnapping with illegal detention, human trafficking, at child exploitation.
Sa ngayon, ang post ng NTF-ELCAC na may maling pahayag ay nakakuha ng 2,800 reactions, 490 comments, at 1,500 shares. Maaaring nakarating ito sa 1.98 milyong tao, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle.
Kabilang sa tatlong nangungunang trapiko generators ay mga pro-militar na FB page na Support AFP, Philippine Army Spearhead Troopers, at Hugot Sundalo, na nakakuha ng kabuuang 964 FB interactions.
Noong Mayo ng nakaraang taon, ang NTF-ELCAC ay nag red tag din ng Union of Journalists of the Philippines, isang organisasyon ng mag-aaral na nakabase sa UP College of Mass Communication.
Ang red-tagging ay kasanayan sa pag-label ng mga grupo at indibidwal na pagiging subersibo, terorista at komunista, lalo na ang itinuring ng militar bilang isang “banta sa estado.” (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ang mga panganib ng red-tagging sa ilalim ng Anti-Terrorism Law; VERA FILES FACT SHEET: Bakit peligroso ang ‘red-tagging’)
Mga Pinagmulan
National Task Force to End Local Communist Armed Conflict official Facebook page, READ: Chad Booc?…, Feb. 20, 2021
Ka Eric Almendras Facebook page, Chad Booc? He is no hero volunteer…, Feb. 17, 2021
Philippine Army 59th Infantry Battalion official Facebook page, Chad Booc? He is no hero volunteer…, Feb. 18, 2021
Team Philippines Facebook page, WHO IS CHAD BOOC?, Feb. 20, 2021
Valencia City Police Station, Read: Chad Booc?, Feb. 24, 2021
UP College of Engineering, Statement of the UP CoE Management Committee on NTF-ELCAC social media post, March 17, 2021
UP Engineering Student Council, Official Response of the UP Engineering Student Council, Feb. 26, 2021
Philippine National Police official Facebook page, POLICE RESCUE 19 LUMAD MINORS UNDERGOING CHILD WARRIOR TRAINING IN CEBU, Feb. 15, 2021
Rappler.com, Rights groups slam police raid on Cebu City Lumad school, Feb. 15, 2021
Manila Bulletin, Groups slam arrest of lumad elders, others in police ‘rescue’ in Cebu, Feb. 15, 2021
National Union of Peoples’ Lawyers – Cebu Chapter official Facebook page, FOR IMMEDIATE RELEASE…, Feb. 16, 2021
Philippine National Police official Facebook page, CHARGES FILED VS KIDNAPPERS OF 19 RESCUED LUMAD CHILDREN, Feb. 18, 2021
UP College of Mass Communication official Facebook page, NTF ELCAC, Parlade endangering UP CMC students with red baiting of org, May 13, 2020
National Task Force to End Local Communist Armed Conflict official Facebook page, REDS freeride of ABS-CBN issue…, May 12, 2020
UP Diliman University Student Council official Facebook page, #DefendPressFreedom: Official Statement of the UP Diliman University Student Council on the NTF-ELCAC’s Recent Red-tagging of Various Organizations, May 13, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)