(UPDATED) Sarilinan na pinawalang-bisa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kasunduan noong 1989 ng departamento at University of the Philippines (UP), na pumipigil sa mga puwersa ng estado na pumasok at magsagawa ng operasyon sa loob ng mga campus nito nang walang paunang abiso.
Sa isang liham na may petsang Enero 15, na nai-upload sa Twitter ng Office of the Student Regent noong Enero 18, ipinagbigay-alam ni Lorenzana kay UP President Danilo Concepcion ang termination, na sinasabing para sa departamento, “[ang kasunduan ay] hadlang sa pagbibigay ng mabisang seguridad, kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at empleyado ng UP.”
Sinabi ng kalihim na sa “mga kaganapan kamakailan, hindi maikakailang nakilala” na ang ilang mga mag-aaral ng UP ay mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Dagdag pa niya, nang walang binibigay na anumang ebidensya, “alam ng Department of National Defense (DND) na mayroong talagang nagpapatuloy na palihim na recruitment sa loob ng mga UP campus sa buong bansa para sa pagsapi sa CPP-NPA,” at ang kasunduan ay “ginagamit” ng mga nagre-recruit at sumusuporta “bilang isang kalasag” laban sa mga nagpapatupad ng batas.
Ang CPP-NPA ay itinalaga ng Anti-Terrorism Council, na binubuo ng mga pangunahing opisyal ng Gabinete, bilang isang “organisasyong terorista,” ngunit hindi pa opisyal na ipinagbabawal ng Court of Appeals alinsunod sa Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA). (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ang mga panganib ng red-tagging sa ilalim ng Anti-Terrorism Law)
Ang pagiging kasapi sa CPP ay hindi, at hindi naging iligal mula nang pinawalang bisa ni dating pangulong Fidel V. Ramos noong 1992 ang 1957 Anti-Subversion Law.
Ano nga ba ang UP-DND accord at bakit isyu ang pagwawakas nito?
Narito ang limang bagay na kailangan mong malaman sa isyu:
1. Ano ang kasunduan ng UP at DND?
Pinirmahan noong 1989, binabalangkas sa kasunduan ng UP-DND ang mga tuntunin at kundisyon kung saan ang militar at pulisya ay maaaring makapasok at makapag-operate sa loob ng nasasakupan ng alinmang mga kampus ng UP sa buong bansa, ayon sa kopya ng kasunduan na na-upload ng Philippine Collegian noong 2015.
Sa ilalim ng kasunduan, ipinagbabawal ang mga puwersa ng estado na pumasok sa isang campus ng UP nang hindi muna pinapaalam ang alinman sa pangulo ng unibersidad, o chancellor o dekano ng kinauukulang nasasakupang unibersidad o panrehiyong yunit, “maliban sa mga kaso ng hot pursuit at mga katulad na sitwasyon ng emergency” o “ordinaryong transit.”
Malinaw na ipinagbabawal nito ang mga opisyal ng nagpapatupad ng batas na makagambala sa mapayapang kilos ng protesta ng mga nasasakupang UP sa loob ng mga nasasakupan ng unibersidad, at naglalaman ng mahigpit na alituntunin sa paglalabas ng mga search at arrest warrant laban, at pagpigil sa mga mag-aaral, guro, at empleyado nito.
Ang 31-taong kasunduan — nilagdaan noong Hunyo 1989 nina dating UP president Jose Abueva at Ramos, na noon ay Defense chief — ay batay sa naunang kasunduan sa pagitan ng mga pinuno ng mag-aaral na si Sonia Soto, dating pinuno ng League of Filipino Students (LFS), JV Bautista, noon ay pangulo ng College Editors’ Guild of the Philippines, at Manny Ceneta, dating pinuno ng Youth for Nationalism and Democracy, at ang dating Defense Minister Juan Ponce Enrile noong 1982.
Ang mga pinagkasunduan noong 1982 ay ipinahayag sa sulat ni Enrile sa kanila Soto, Bautista, at Ceneta na may petsang Oktubre 1981, na inilathala sa UP Gazette (tingnan sa p. 110).
Sa magkakahiwalay na post sa social media, sinabi ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general Renato Reyes at UP journalism professor Danilo Arao na ang “marahas na pagdukot at pag-aresto” kay Donato Continente, isang staff ng Philippine Collegian, sa loob ng UP Diliman campus noong Hunyo 16, 1989 ang naging daan sa kasunduan ng UP-DND.
Si Continente, kabilang sa mga akusado sa pagpatay kay United States Col. James Rowe ng Joint U.S. Military Advisory Group, ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo noong 1991 ng isang lower court. Pinalaya siya noong 2005 makalipas ang 14 na taong pagkakakulong kasunod ng pagpapababa ng Supreme Court (SC) ng kanyang sentensya noong 2000, na nagpasya na siya ay kasabwat lamang sa pagpatay.
Hanggang sa kanyang paglaya, itinatanggi ni Continente na may kinalaman siya sa pagpatay kay Rowe, na sinabing pinahirapan siya ng mga puwersa ng estado at “pinilit na aminin” ang krimen, batay sa maraming mga ulat na balita.
2. Maaari bang mag isang wakasan ng DND ang kasunduan?
Ang kasunduan noong 1989 ay hindi binabalangkas ang mga tuntunin at kundisyon kung paano ito maaaring o dapat na ipawalang-bisa. Gayunpaman, ilang mga abugado at legal groups ang nagsabing ang kasunduan ay hindi maaaring wakasan ng isang partido lamang.
Sa isang tweet, binanggit ni human rights lawyer Jose Manuel “Chel” Diokno, tagapangulo ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at dekano ng De La Salle University College of Law (DLSU), ang Art. 1308 ng Civil COde of the Philippines, na nagsasaad na ang isang kontrata ay “dapat na magbigkis sa parehong magkakakontrata na partido; ang bisa o pagsunod nito ay hindi maiiwan sa kagustuhan lamang ng isa sa mga ito.”
Sa batas, ang isang kontrata ay ang “pagkakasundo sa pagitan ng dalawang tao kung saan ang isa ay ibinubuklod ang kanyang sarili, na may paggalang sa isa pa, upang magbigay ng isang bagay o serbisyo.”
Sa kanyang sulat, binanggit ni Lorenzana ang isang probisyon sa kasunduan na nagsabing “wala rito ang dapat ipakahulugan bilang isang pagbabawal laban sa pagpapatupad ng mga batas ng bansa,” na aniya, ay nangangahulugang naunawaan ng dalawang partido ang responsibilidad ng mga ahensya na nagpapatupad ng batas sa “pagpapatupad ng mga batas nang walang sagabal” kapag nasa loob ito ng mga pamamaraan na ipinag-uutos ng batas. Kaya’t, sabi ng kalihim, ang kasunduan ay “moot and academic.”
Ngunit sa isang Facebook status, sinabi ng abugadong si Tony La Viña, dating dekano ng Ateneo de Manila University School of Government, na ang kasunduan ay “batay sa academic freedom ng UP, na hindi lamang nasa Charter nito (RA 9500) kundi pati na rin sa 1987 Philippine Constitution.”
Sa DLSU vs. CA, sinabi ng SC na ang Sec. 5 (2), Art. XIV ng Saligang Batas:
“…guaranties (sic) all institutions of higher learning academic freedom. This institutional academic freedom includes the right of the school or college to decide for itself, its aims and objectives, and how best to attain them free from outside coercion or interference save possibly when the overriding public interest calls for some restraint.
(…[ay] ginagarantiya [ang] lahat ng mga institusyon ng higher learning [ng] academic freedom. Ang institutional academic freedom na ito ay may kasamang karapatan ng paaralan o kolehiyo na magpasya para sa sarili, mga layunin at balak nito, at kung paano pinakamahusay na makamit ang mga ito na walang pamimilit o panghihimasok ng taga labas maliban na lang marahil kung ang interes ng publiko ay nananawagan ng hinahon.)”
Pinagmulan: Elibrary.judiciary.gov.ph, GR 127980, Dis. 19, 2007
Sinabi ni La Viña sa Ingles na ang sulat ng DND ay “nabigong ipakita ang anumang labis na interes ng publiko para panghimasukan ang academic freedom ng UP” at “hindi nagpakita ng anumang malinaw at kasalukuyang panganib na maaaring limitahan ang civil liberty ng isang mag-aaral o propesor para malayang makaisip at ipahayag ang kanilang pananaw.”
3. Ano ang maaaring mangyari ngayon matapos na ‘wakasan’ ng DND ang kasunduan?
Kung walang kasunduan, walang pumipigil sa mga puwersa ng estado na magsagawa ng mga operasyon sa loob ng nasasakupang mga campus ng UP sa buong bansa.
Ngunit bago pa man winakasan ng DND [ang kasunduan], ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas ay hindi laging sumunod sa mga tuntunin ng kasunduan. Noong Hunyo ng nakaraang taon, sa isang protesta sa Cebu City laban sa pagpasa ng ATA, inaresto ng pulisya ang pitong mag-aaral at miyembro ng mga progresibong grupo, at isang bystander “sa paligid” ng UP Cebu campus dahil sa umano’y paglabag sa ban sa mga pagtitipon. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK YEARENDER: Ang dalawang mukha ng COVID-19 lockdown sa Pilipinas)
Matapos ang isang pagsisiyasat, hiniling ng UP Cebu administration ang “agarang pagpapalaya ng aming mga mag-aaral at alumni na hindi basta inaresto at ikinulong, kasama ang apat pang iba, dahil sa paggamit ng kanilang karapatan sa mapayapang pagpupulong sa aming campus.” Sa isang pahayag, sinabi nitong ang karapatang konstitusyonal sa mapayapang pagpupulong ay “hindi ipinagbabawal kahit sa ilalim ng kasalukuyang national emergency,” at nanawagan sa mga lokal na opisyal ng pulisya na “itaguyod at igalang” ang UP-DND accord.
Isang local court ang nag-utos na palayain nang walang piyansa ang tinaguriang “Cebu 8” tatlong araw pagkatapos na sila ay arestuhin, kahit na sinampahan pa rin sila ng unlawful assembly, bukod sa iba pa.
Sumangguni ang Commission on Human Rights (CHR), na naglunsad ng sarili nitong pagsisiyasat sa insidente, sa pahayag nito sa UP-DND accord, na sinabi na “nagsisilbing isang safefuard upang matiyak na ang mga paaralan ay mananatiling ligtas na lugar para sa mga intelektwal na talakayan at pagharap sa mga isyu sa lipunan at alalahanin nang walang takot sa ganting-pinsala o pagganti. ”
Sa kanyang sulat noong Enero 15, sinabi ni Lorenzana na ang DND “ay hindi nilayon na maglagay ng militar o pulisya sa loob ng mga kampus ng UP o [nais] nitong supilin ang mga aktibistang grupo, academic freedom at kalayaan sa pagpapahayag.”
Ang dalawang UP constituent universities — ang UP Diliman at ang UP Los Baños — ay may kani-kanyang police force, na wala sa ilalim ng kapangyarihan ng Philippine National Police (PNP). Ang iba, kabilang ang UP Visayas at UP Manila, ay may sariling “security force” o guwardya, sinabi ni Elena Pernia, UP vice president for public affairs, sa VERA Files sa isang panayam sa telepono noong Enero 21.
4. Ano ngayon ang ibig sabihin ng termination?
Sa kanyang tugon sa sulat ng kalihim, sinabi ni Concepcion na ang unilateral abrogation ay “hindi kinakailangan at hindi tama” at “maaaring magresulta sa paglala imbes na pabutihin ang mga ugnayan sa pagitan ng ating mga institusyon.”
Sinabi niya na ang pamayanan ng UP ay “hindi inaayunan ang sedition, armadong paghihimagsik, o paggamit ng karahasan para sa mga pampulitikang layunin,” at idinagdag:
“At the same time, especially given our experience of martial law, we must reject any form or semblance of militarization on our campuses, which will have a chilling effect deleterious to academic freedom.
(At lalong lalo na, dahil sa ating karanasan sa batas militar, dapat naming tanggihan ang anumang anyo o pagkakahalintudad ng militarisasyon sa aming mga kampus, na magkakaroon ng malaking epekto sa pagkasira ng academic freedom.)”
Pinagmulan: University of the Philippines official Facebook page, “Protect academic freedom” — UP President Danilo L. Concepcion responses to DND’s unilateral abrogation of the UP-DND Accord, Enero 19, 2020
Hinimok ni Concepcion si Lorenzana na “muling isaalang-alang at bawiin” ang abrogation. Sa isang talumpati sa kilos ng protesta sa UP Diliman noong Enero 19, sinabi niya na ang 1989 accord ay “nagbibigay ng kalayaan sa ating mga estudyante at mga guro na maging malikhain at mapusok sa pag-iisip at paglikha sapagkat alam nila na walang susupil sa kanilang mga gawain.”
Maraming lantarang nagpahayag ng pag-aalala at pagsalungat sa termination, kasama na si Soto, na pumirma sa kasunduan kung saan nakabase ang UP-DND accord noong 1989, Vice President Leni Robredo, at ilang mga mambabatas.
Sa kanyang pahayag na nai-post sa Facebook, sinabi ni Robredo na ang kasunduan — nilagdaan noong panahon na ang “mga kalupitan na idinulot ng diktadurang Marcos at ang mga armadong ahente sa mga miyembro ng pamayanan ng Unibersidad” ay sariwa pa rin — ay isang “pagsisikap” upang mabawasan ang pagdududa ng publiko na ang “paghahari ng karahasan at terorismo na nagpapatuloy sa panahon ng diktadura ay hindi talaga nawala.”
Sinabi niya na ang ginawa ng DND ngayon ay nagpapadala ng kabaligtaran na mensahe: “Na sa ilalim ng administrasyong ito, ang sinuman, kahit saan, sa anumang oras, ay target.”
Kasunod ng salungat na reaksyon, sinabi ni Lorenzana, sa isang serye ng mga tweet, na ang kasunduan ay naging “lipas na” dahil “nagbago na ang mga panahon at pangyayari.” Pinanindigan niyang ang desisyon na wakasan ang kasunduan ay “nag-ugat sa aming pag-aalala para sa kaligtasan ng kabataan.”
5. Ano ang posisyon ng pangulo sa termination?
Sa isang press briefing noong Enero 19, sinabi ni Palace Spokesperson Harry Roque — isang alumnus at dating UP law professor — na “suportado” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ni Lorenzana na wakasan na ang kasunduan.
Sa maraming mga okasyon, iniugnay ng administrasyong Duterte ang mga miyembro ng pamayanan ng UP sa CPP-NPA.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, ang pangulo mismo ang nag akusa sa panungahing state university ng bansa na “nagre-recruit ng mga komunista,” at nagbanta na tanggalan ito ng pondo matapos na “mapagkamalan” na ang mga mag-aaral nito ang mga taga-Ateneo, na naglunsad ng isang academic strike para iprotesta ang “maling pamamahala” ng gobyerno sa pandemic at iba pang mga krisis.
Noong Enero 2019, ang PNP, na binanggit ang testimonya ng mga umano’y dating rebelde, ay nagsabing ang mga mag-aaral mula sa UP at Polytechnic University of the Philippines ay dinala sa Laguna para sa immersion activities at “pinilit” na sumali sa NPA.
Sa isang pahayag kasunod ng insidente, sinabi ng noo’y UP Diliman chancellor Michael Tan na, habang ang lahat ng mga aktibidad sa labas ng silid-aralan ng mga mag-aaral ay dapat na pinahintulutan ng unibersidad sa interes ng kaligtasan, ang mga mag-aaral ay “kailangang galugarin at pahalagahan ang mundo sa labas ng UP at upang mapaunlad ang kanilang mga kakayahan, maiugnay sa mga realidad sa lipunan.” Ikinuwento rin ni Tan ang mga pagkakataon noong 2018 nang ang mga mag-aaral na gumagawa ng field work sa mga lugar na kanayunan ay “ginugulo” ng mga tauhan ng militar “dahil lamang sa [sila] ay mula sa UP.”
Noong 2018 din, pinangalanan ng Armed Forces of the Philippines ang UP bilang isa sa 18 paaralan sa Metro Manila na na-tag sa umano’y balak nitong “Red October” ouster plot ng mga komunista. Sinabi ng CHR noon na ang “lahatang red-tagging” ng militar ay naglalagay sa mga mag-aaral sa panganib. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Bakit peligroso ang ‘red-tagging’)
UPDATE: Noong Enero 26, sinabi ng abugadong si Severo Brillantes, sa isang post sa Facebook page ng Brillantes Law, na taliwas sa fact sheet na ito, “hindi totoo na kung walang kasunduan, walang pumipigil sa mga puwersa ng estado na magsagawa ng mga operasyon sa loob ng mga UP campus sa buong bansa.”
Narito ang buong post na isinalin sa Filipino:
“FACT-CHECKING VERA Files, PAKI TSEK ANG INYONG FACTS. Hindi totoo na kung walang Kasunduan, walang pipigil sa mga puwersa ng estado na magsagawa ng operasyon sa loob ng mga nasasakupang campus ng UP sa buong bansa. Sa kabaligtaran, hindi rin totoo na hindi sila maaaring mapigilan na makapasok sa alinman sa mga campus ng UP o maiwasan na magbigay ng abiso tungkol sa kanilang presensya sa mga awtoridad ng UP.
Itinakda ng BP 880 (The Public Assembly Act) na ang mga pampublikong pagpupulong ay maaaring gaganapin sa loob ng mga campus ng UP kahit na walang permiso. Samakatuwid ang mga ahensya na nagpapatupad ng batas ay hindi maaaring gumambala sa pagdadaos nito at maaaring pumuwesto lamang sa isang lugar na hindi bababa sa isang daang (100) metro ang layo mula sa lugar ng aktibidad na handang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lahat ng oras.
Hindi lamang kung sinumang pulis halimbawa ang maaaring magsagawa ng isang operasyon sa loob ng nasasakupan ng Unibersidad. Kailangang armado siya ng tamang mga ligal na dokumento, na kung wala ang mga security guard ng UP ay maaaring harangin ang kanyang pagpasok sa loob ng UP (o sabihan siyang umalis kung malaman ang kanyang presensya). Anumang operasyon ng pulisya ay mangangailangan ng isang Pre-Operational Clearance mula sa kanilang mga nakatataas.
Sa paghahatid ng mga Arrest o Search warrant, hindi nila maaaring ayon sa batas ipilit ang kanilang pagpasok sa loob ng mga gusali ng paaralan o enclosure. Kinakailangan nilang ipahayag ang kanilang awtoridad at hangarin. Sa kaso ng pagsasagawa ng searches, kinakailangang gawin nila ito sa harap ng mga naaangkop sa batas na naroroon na maaaring mga awtoridad lamang ng U.P.
Gayunpaman, sinabi ng abugadong si Joel Butuyan, pangulo ng Center for International Law (CenterLaw), sa VERA Files sa isang email noong Enero 31 na ang pahayag na pinag-uusapan ay “nananatiling totoo.”
Sinabi niya sa Ingles na ang BP 880 “ay hindi nagbabawal sa mga pulis na pumasok sa UP, at hindi nila kailangang abisuhan ang UP tungkol sa kanilang presensya. Ang ‘hindi makagambala’ ay hindi katumbas ng [‘]hindi papasok sa mga lugar na sakop UP.[’]”
Sinabi ni Butuyan na “walang pagkakaiba kung ang isang pulis ay pumasok sa UP na may pre-operational clearance. Ang katotohanan ay nananatiling ang isang pulis ay maaari nang pumasok sa UP nang walang paunang koordinasyon sa mga awtoridad ng UP.” Ang pagpapalabas ng mga pre-operational clearance ay “unilateral na mga desisyon ng mga opisyal ng pulisya ngayon, at inilalabas nila ng halos awtomatiko sa kanilang mga operatiba ng pulisya,” dagdag niya.
Sinabi din niya na ang kinakailangan para sa pulisya na “‘ipahayag ang kanilang awtoridad at layunin’ kapag naghahatid sila ng mga warrant ay kinakailangan sa lahat ng kaso,” kahit sa mga paaralan na walang kasunduan na katulad ng UP-DND accord.
“Ito ay hindi magagamit para sabihin na ang pagsasantabi ng DND-UP accord ay walang [halaga]. Malaki ang pagkakaiba nito sapagkat ang mga pulis at operatiba ng militar ay maaari nang pumasok sa mga kampus ng UP nang walang mga espesyal na kundisyon na kinakailangan sa ilalim ng kasunduan,” aniya.
Si Butuyan ay isang trustee ng board ng VERA Files.
Ang abogadong si Romel Bagares, sa isang hiwalay na email sa VERA Files noong Enero 31, ay nagsabi sa Ingles na ang pahayag na, “kung walang kasunduan, walang pipigil sa mga puwersa ng estado na magsagawa ng mga operasyon sa loob ng mga campus ng UP sa buong bansa,” ay “hango są katotohanan, at nagmula sa tunay na karanasan.”
Binanggit niya na pagkatapos na mag-isang tinapos ni Lorenzana ang kasunduan, may ulat na “kaagad” bumisita ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines Joint Task Force National Capital Region sa isang proyekto na urban gardening sa loob ng UP Diliman campus sa Quezon City.
Sinabi ni Bagares na ang pulisya ay “maaaring abisuhan ang mga opisyal ng UP na magpapadala sila ng mga patrol car sa campus araw-araw upang mapangalagaan ang kapayapaan at kaayusan. Ngunit mababago nito magpakailanman ang UP academic landscape.”
“Malinaw na ang mensahe ay para manindak, magpadala ng isang chilling effect sa academic freedom, upang takutin ang UP, na kilala na may mahabang kasaysayan ng kritikal na pakikipag-ugnayan sa publiko, para manahimik,” dagdag niya.
Tala ng editor: Ang VERA Files ay isa sa mga petitioner laban sa Anti-Terrorism Act of 2020 sa Supreme Court
Tala ng editor: Ang artikulong ito ay na-update upang ipakita ang karagdagang impormasyon tungkol sa pulisya at mga puwersang panseguridad sa loob ng mga campus ng UP.
Sources
UP Office of the Student Regent official Twitter account, “ALERT: DND Secretary Delfin Lorenzana sent a letter to UP President Danilo Conception…,” Jan. 18, 2021
Anti-Terrorism Council, CPP/NPA AND ISLAMIC STATE EAST ASIA AND ASSOCIATED GROUPS DESIGNATED AS TERRORIST GROUPS, December 2020
Anti-Terrorism Council, Resolution No. 12, Dec. 9, 2020
Official Gazette, RA 11479, July 3, 2020
Official Gazette, RA 7636, Sept. 22, 1992
Elibrary.judiciary.gov.ph, RA 1700, June 20, 1957
Philippine Collegian, 1989 agreement between UP and DND on military and police operations in the UP system, Oct. 22, 2015
Sonia Sotto Facebook account, “Para sa mga naghahanap ng kopya ng Soto-Enrile Accord na pinagbatayan ng UP-DND Agreement…,” Jan. 19, 2021
UP Office of the Secretary of the University, The University of the Philippines Gazette Vol. XII(4), p. 110-111, 1981
Renato Reyes Facebook account, “Ang unilateral na pagbasura ng DND sa makasaysayang UP-DND Accord…,” Jan. 19, 2021
Danilo Arao official Twitter account, “1989: As a news writer of the Philippine Collegian…,” Jan. 18, 2021
UP Office of the Secretary of the University, The University of the Philippines Gazette Vol. XX(3), p. 80, 1989
Donato Continente case
- United Press International, Suspect charged in slaying of U.S. army officer, June 21, 1989
- AP Archive, Man jailed for US General’s murder released after 14 years, July 21, 2015
- Chan Robles Virtual Law Library, People vs Continente et al., Aug. 29, 2001
- Lawphil.net, G.R. Nos. 100801-02, Aug. 25, 2000
- Philstar.com, Continente free, denies killing Rowe, June 29, 2005
- Manila Times, Accomplice to Rowe killing freed after 14-year jail term, June 29, 2005
- Bulatlat, Suspected U.S. Colonel Assassin Donato Continente: Free at last?, Jan. 16, 2005
National Union of Peoples’ Lawyers, “Pahayag ng UP National Union of Peoples’ Laywers…,” Jan. 19, 2021
UP Law Student Government, UNITY STATEMENT ON THE UNILATERAL TERMINATION OF THE UP-DND AGREEMENT BY DND SECRETARY DELFIN LORENZANA, Jan. 18, 2021
Jose Manuel “Chel” Diokno official Twitter account, “Malinaw sa Art. 1308 ng Civil Code…,” Jan. 19, 2021
Official Gazette, RA 386, June 18, 1949
Tony La Viña Facebook page, “United we stand. Divided is not an option…,” Jan. 19, 2021
Official Gazette, RA 9500, April 19, 2008
Elibrary.judiciary.gov.ph, GR 127980, Dec. 19, 2007
Official Gazette, 1987 Constitution
UP Cebu incident
- Inquirer.net, 7 Cebu students protesting against anti-terrorism bill nabbed, June 5, 2020
- CNN Philippines, Seven arrested during anti-terrorism bill protest in Cebu City, June 5, 2020
- Rappler, U.P. Cebu to probe whether cops violated U.P.-DND accord in arrest of protesters, June 5, 2020
- University of the Philippines Cebu official Facebook page, Initial statement of UP Cebu Chancellor, June 5, 2020
- University of the Philippines Cebu official Facebook page, Official Statement of UP Cebu Administration, June 7, 2020
- CNN Philippines, Court orders release of ‘Cebu 8’ arrested at anti-terrorism bill rally, June 8, 2020
- ABS-CBN News, ‘Cebu 8’ released on orders of court, June 8, 2020
- Inquirer.net, ‘Cebu 8’ in protest vs Anti-Terrorism Bill released from jail, June 8, 2020
- Commission on Human Rights, Statement of CHR Spokesperson, Atty. Jacqueline Ann de Guia, on the arrest of 8 protesters in UP Cebu due to alleged violation of quarantine rules, June 10, 2020
University of the Philippines official Facebook page, “Protect academic freedom” — UP President Danilo L. Concepcion responses to DND’s unilateral abrogation of the UP-DND Accord, Jan. 19, 2020
Philippine Collegian, “Panoorin ang pahayg ni UP Pres. Danilo Concepcion…,” Jan. 19, 2021
CLTV 36 News Facebook page, SONIA SOTO’s OFFICIAL STATEMENT ON THE TERMINATION OF UP-DND ACCORD, Jan. 19, 2021
VP Leni Robredo official Facebook page, “Statement of Vice President Leni Robredo on the termination of the 1989 UP-DND Accord…,” Jan. 19, 2021
Senate.gov.ph, Proposed Senate Resolution 616, Jan. 19, 2021
Sarah Elago Twitter account, “#DefendAcademicFreedom FILED: HR expressing the sense of the House of Representatives to uphold the UP-DND Accord and the academic freedom of institutions of higher learning…,” Jan. 20, 2021
Delfin Lorenzana official Twitter account, “The agreement has become obsolete…,” Jan. 19, 2021
Delfin Lorenzana official Twitter account, “The abrogation of the UP-DND agreement is a decision rooted in our concern for the safety of our youth…,” Jan. 19, 2021
Presidential Communications Operations Office, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque, Jan. 19, 2021
Ateneo students strike
- RTVMalacanang, Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19 11/17/2020, Nov. 17, 2020
- ABS-CBN News, Defund UP? Duterte ‘somehow confused’ state university with Ateneo, after call for #AcademicStrike, Nov. 18, 2020
- GMA News Online, Duterte ‘somehow confused’ proponents of academic strike -Roque, Nov. 18, 2020
- Philippine News Agency, PRRD message on strike should be for Ateneo students: Roque, Nov. 18, 2020
- Philstar.com, Government response to typhoons, pandemic leaves students up in protest, Nov. 23, 2020
- Manila Bulletin, Ateneo students demand actions from gov’t over response to pandemic, typhoons, Nov. 23, 2020
- Rappler, Ateneo Student Strike Manifesto, n.d.
Inquirer.net, UP, PUP students being forced to join NPA, says ex-rebels, Jan. 14, 2019
CNN Philippines, Surrendered rebels claim UP, PUP students threatened into joining NPA, Jan. 14, 2019
BusinessWorld, Police says students of UP, PUP ‘immerse’ in communist camps, Jan. 14, 2019
UP Diliman Office of the Chancellor, Statement on Allegations of UP Students Being Forced to Join the NPA, Jan. 15, 2019
Commission on Human Rights, ON THE LIST OF UNIVERSITIES ALLEGEDLY LINKED TO “RED OCTOBER”, Oct. 4, 2018
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)