Dalawampu’t pitong araw matapos ihain ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec), isang grupo ng mga civic leader ang humiling sa poll body na kanselahin ito dahil sa paggawa ng “material false representation” sa kanyang “umano’y pagiging karapat-dapat na tumakbo” para sa pagkapangulo sa 2022 na halalan.
Sinabi ng mga petitioner, na binubuo ng mga political detainee at human rights at medical groups na tumutol sa diktadurang Marcos, na si Marcos Jr. ay hindi maaaring tumakbo para sa kahit na anong puwesto sa gobyerno matapos na mahatulan dahil sa hindi papa-file ng income tax returns mula 1982 hanging 1985.
Noong 1995, hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court si Marcos Jr. ng tatlong taong pagkakakulong at multang P30,000 dahil sa paglabag “beyond reasonable doubt” sa Sections 45 at 50 ng National Internal Revenue Code (NIRC).
Ngunit nang maghain si Marcos Jr. ng kanyang COC, idineklara niya sa ilalim ng panunumpa na hindi siya “napag-alamang may pananagutan para sa anumang pagkakasala, na nagdadala ng karagdagang parusa na habangbuhay na diskuwalipikasyon sa pagkakaroon ng posisyon sa gobyerno.”
Binanggit din sa petisyon na noong 1997, pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang hatol kay Marcos Jr. sa ilalim ng Section 45 ng Tax Code dahil sa hindi pagsusumite ng kanyang mga income tax return noong siya ay bise gobernador ng Ilocos Norte, ang balwarte ng mga Marcos.
Para sa mga kadahilanang ito, ang mga petitioner — Fr. Christian B. Buenafe, Fides M. Lim, Ma. Edeliza P. Hernandez, Celia Lagman Sevilla, Roland C. Vibal, at Josephine Lascano — ay nangatuwiran na dapat kanselahin ng Comelec ang COC ni Marcos Jr. dahil ipinagkaila niya na hindi siya karapat-dapat na tumakbo para sa pampublikong tungkulin bunga ng naging hatol sa kanya noong 1995 at 1997. ( Tingnan ang Final decision to bar Bongbong Marcos in 2022 nat’l elections due to tax evasion is on SC — Carpio)
Idinagdag nila na sa ilalim ng probisyon ng Tax Code, si Marcos Jr. ay dapat na tuluyang madiskuwalipika sa pagtakbo at paghawak ng anumang pampublikong tungkulin, dahil sa mga naging hatol sa kanya na may kinalaman sa buwis.
Paulit-ulit na ibinasura ng kampo ng dating senador ang petisyon bilang “propaganda lamang.” Binaluktot din nito ang pahayag ni Comelec spokesperson James Jimenez at pinalabas na sinabi niyang “walang basehan” ang petisyon para kanselahin ang COC ni Marcos Jr. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Marcos camp distorts Comelec spox’s statement on ‘disqualification’ petition)
Nanganak ang isyu ng maraming mga katanungan sa mga legal na probisyon tungkol sa mga nais kumandidato pero may mga kriminal na rekord. Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:
1. Maaari bang kumandidato para mga posisyon sa gobyerno ang mga taong may mga criminal record?
Ang mga taong may mga kriminal na rekord ay maaari pa ring tumakbo para sa posisyon sa gobyerno hangga’t hindi pa sila “nasesentensiyahan ng huling hatol para sa subversion, insurrection, rebelyon o para sa anumang pagkakasala kung saan siya ay nasentensiyahan ng parusang higit sa 18 buwan o para sa isang crime na may kinalaman sa moral turpitude,” o “nabigyan ng plenary pardon o amnesty,” batay sa probisyon para sa disqualifications sa ilalim ng Section 12 ng Omnibus Election Code.
Sa kabilang banda, ang 1997 Tax Code ay permanenteng nagbabawal sa mga pampublikong opisyal o empleyado na makilahok sa anumang halalan kung sila ay nakagawa ng mga krimen na may kaugnayan sa buwis. Ang Section 253(c) ng Tax Code ay nagsasaad na bukod sa pagpapataw ng pinakamataas na parusa, ang mga nagkasala:
“…shall be dismissed from the public service and perpetually disqualified from holding any public office, to vote and to participate in any election (ay tatanggalin sa serbisyo publiko at tuluyang madiskuwalipika sa paghawak ng anumang pampublikong katungkulan, bumoto at lumahok sa anumang halalan).”
Pinagmulan: Bureau of Internal Revenue, National Internal Revenue Code (Sec. 253c), Na-access noong Nob. 9, 2021
2. Paano binibigyan kahulugan ng Korte Suprema ang mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude?
Noong 1993, ang Korte Suprema (SC) ay nagpasiya na “ang moral turpitude ay hindi bahagi ng bawat kriminal na gawain.” Gayunpaman, sinabi nito na “ang moral turpitude ay isang hindi malinaw at hindi tiyak na kataga, ang kahulugan nito ay dapat ipaubaya sa proseso ng judicial inclusion o exclusion na naabot ng mga kaso.”
Noong 1959, ginamit ng SC ang kahulugan ng moral turpitude sa Black’s Law Dictionary na nagsasabing:
“[Moral turpitude is] an act of baseness, vileness, or depravity in the private duties which a man owes his fellow men, or to society in general, contrary to the accepted and customary rule of right and duty between man and woman, or conduct contrary to justice, honesty, modesty, or good morals.”
([Ang moral na turpitude ay] isang gawaing masama, karumaldumal, o kabuktutan sa mga pribadong tungkulin na utang ng isang tao sa kanyang kapwa, o sa lipunan sa pangkalahatan, na salungat sa tinatanggap at nakagawiang tuntunin ng karapatan at tungkulin sa pagitan ng lalaki at babae, o pag-uugaling salungat sa katarungan, katapatan, pagkamababang-loob, o mabuting asal.)
Pinagmulan: Chan Robles Virtual Law Library, Supreme Court of the Philippines (Tak Ng vs. Republic of the Philippines), Dis. 23, 1959; The Lawphil Project, G.R. L-13017, Dis. 23, 1959
Noong 2009, ang SC, sa hatol sa isang kaso kung ang mga natitirang tagapagmana ng yumaong Marcos Sr., kabilang si Marcos Jr., ay kuwalipikado bilang mga tagapagpatupad ng kagustuhan ng napatalsik na lider, pinaniwalaan ng mga mahistrado na ang pagkabigo ng nakababatang Marcos na magsampa mga income tax return mula 1982 hanggang 1985 ay “hindi isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude.”
Ngunit sa parehong kaso, sinabi ng mataas na hukuman na ang mga krimen na may elemento ng pandaraya, tulad ng paglustay, pagnanakaw, at panloloko, ay itinuturing na mga gawaing may kinalaman sa moral turpitude.
Noon pang 1920, ikinategorya ng SC ang mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude:
3. Mayroon bang mga kaso kung saan pinagtibay ng SC ang diskwalipikasyon ng mga kandidato para sa mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude?
Isang cursory search sa isyu ang nagpakita na sa nakalipas na 20 taon, ang Korte Suprema ay pinagtibay ang diskwalipikasyon ng isang kandidato dahil sa isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude.
Noong 2001, hiniling ni Pablo Villaber, na noon ay nais makakuha ng puwesto sa House of Representatives bilang kinatawan ng Davao del Sur, sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang mga utos ng Comelec na tanggalan siya ng karapatan bilang kandidato at kanselahin ang kanyang COC, na nagsasabing ang poll body ay nakagawa ng “grave abuse of discretion. ”
Sa pag-disqualify kay Villaber, binanggit ng Comelec ang hatol ng Manila Regional Trial Court, na napatunayang siyang nagkasala sa pag-isyu ng tseke na P100,000 na tumalbog.
Hinatulan ng trial court si Villaber ng isang taong pagkakakulong dahil sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22, o ang anti-bouncing check law. Ngunit nangatuwiran si Villaber sa SC na ang kanyang conviction ay hindi pa final at executory, na binanggit na habang pinagtibay ng Court of Appeals ang hatol ng trial court, ang desisyon ay hindi ibinalik sa trial court para sa promulgation. Kahit na mangyari iyon, sinabi niya na hindi sangkot ang moral turpitude sa kaso.
Ngunit pinagtibay ng SC ang desisyon ng Comelec na i-disqualify si Villlaber at, sa paggawa nito, binigyang-diin na ang pagtanggal ng sentensiya ng pagkakakulong para sa naturang pagkakasala ay hindi nangangahulugan na ang krimen ay hindi na kinasasangkutan ng moral turpitude.
Sa isang sumunod na kaso, binaligtad ng mataas na hukuman ang diskwalipikasyon ng isang kandidato sa kabila ng desisyon ng korte na napatunayang nagkasala siya sa isang krimen.
Noong 2009, binaliktad ng Korte Suprema ang utos ng Comelec na i-disqualify si Edgar Teves, na tumakbo at natalo bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Negros Oriental noong 2007 midterm elections.
Diniskwalipika ng Comelec si Teves dahil sa hatol ng Sandiganbayan na napatunayang lumabag siya sa Anti-Graft and Corruption Act at Local Government Code, isang krimen na pinaniniwalaan ng poll body na may kinalaman sa moral turpitude.
Noong 2004, kinasuhan ng Sandiganbayan si Teves dahil sa pagkakaroon ng pinansyal na interes sa isang sabungan na pag-aari at pinamahalaan niya mula noong siya ay alkalde ng Valencia, isang munisipalidad sa Negros Oriental.
Ipinasiya ng SC noong 2009 na hindi lahat ng krimen ay may kinalaman sa moral turpitude, tulad ng pagkakaroon ng interes sa pananalapi sa isang sabungan, kahit na ipinagbabawal ng mga batas ng Pilipinas ang mga ganitong gawain.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
ABS-CBN News, Comelec urged to cancel Marcos Jr.’s presidential bid over tax evasion conviction, Nov. 2, 2021
Inquirer.net, Petition to cancel COC of Bongbong Marcos filed before Comelec, Nov. 2, 2021
CNN Philippines, Petition vs. Bongbong Marcos’ presidential bid filed before Comelec, Nov. 2, 2021
Comelec Petitioners, Fr. Buenafe Et Al v. Marcos Jr. PTN For Cancellation of COC, Nov. 2, 2021
Court of Appeals, People v. Marcos Jr. CA G.R. CR No. 18569, Oct. 31, 1997
Official Gazette of the Philippines, Omnibus Election Code of the Philippines (Sec. 12), Dec. 3, 1985
ABS-CBN News, Marcos Jr.’s camp says disqualification petition a ‘predictable nuisance’, Nov. 3, 2021
CNN Philippines, Marcos camp calls petition to cancel his candidacy a ‘nuisance’ plea, Nov. 3, 2021
Inquirer.net, ‘Propaganda’: Marcos camp dismisses ‘predictable nuisance’ disqualification case, Nov. 3, 2021
Maaari bang kumandidato para mga posisyon sa gobyerno ang mga taong may mga criminal record?
- Bureau of Internal Revenue (BIR), National Internal Revenue Code of 1997, Accessed Nov. 9, 2021
- Bureau of Internal Revenue, National Internal Revenue Code (Sec. 253c), Accessed Nov. 9, 2021
- Official Gazette of the Philippines, Omnibus Election Code of the Philippines (Sec. 12), Dec. 3, 1985
- Official Gazette of the Philippines, The 1987 Constitution: Article VII, Sec. 19, Feb. 2, 1987
Paano binibigyan kahulugan ng Korte Suprema ang mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude?
- The LAWPHiL Project, Supreme Court of the Philippines (G.R. No. 97239), May 12, 1993
- Chan Robles Virtual Law Library, Supreme Court of the Philippines (Tak Ng vs. Republic of the Philippines), Dec. 23, 1959
- The LAWPhiL Project, G.R. No. L-13017, Dec. 23, 1959
- Supreme Court of the Philippines E-library, REPUBLIC OF THE PHILIPPINES, PETITIONER, VS. FERDINAND R. MARCOS II AND IMELDA R. MARCOS, RESPONDENTS, Aug. 4, 2009
- Supreme Court of the Philippines E-library, EDGAR Y. TEVES, PETITIONER, VS. THE COMMISSION ON ELECTIONS AND HERMINIO G. TEVES, RESPONDENTS, April 28, 2009
Mayroon bang mga kaso kung saan pinagtibay ng SC ang diskwalipikasyon ng mga kandidato para sa mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude?
- Supreme Court of the Philippines E-library, PABLO C. VILLABER, PETITIONER, VS. COMMISSION ON ELECTIONS AND REP. DOUGLAS R. CAGAS, RESPONDENTS, Nov. 15, 2001
- Supreme Court of the Philippines E-library, EDGAR Y. TEVES, PETITIONER, VS. THE COMMISSION ON ELECTIONS AND HERMINIO G. TEVES, RESPONDENTS, April 28, 2009
- Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 3019, Aug. 17, 1960
- Official Gazette of the Philippines, The Local Government Code of the Philippines: Book I, Oct. 10, 1991
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)