Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Unawain ang mga petisyon laban sa mga kandidato sa 2022 eleksyon

Hindi pa nagsisimula ang opisyal na campaign period, ngunit nahaharap na sa apat na petisyon si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Commission on Elections (Comelec) para pigilan siyang tumakbo sa May 2022 elections.

By VERA Files

Nov 28, 2021

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Hindi pa nagsisimula ang opisyal na campaign period, ngunit nahaharap na sa apat na petisyon si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Commission on Elections (Comelec) para pigilan siyang tumakbo sa May 2022 elections.

Dalawa sa mga petisyon na ito ang humihiling sa Comelec na kanselahin ang kanyang mga papeles sa kandidatura. May isa pang gustong ideklara siyang nuisance candidate. Ang ikaapat na petisyon na humihiling sa kanyang diskwalipikasyon ay inihain ng isang grupo ng mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng 14 na taong martial rule ng ama ni Marcos Jr., ang yumaong diktador na si Ferdinand, na binanggit ang isang kaso noong 1995 kung saan ang nakababatang Marcos ay nahatulan dahil sa hindi paghain ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985.

Sa isang press briefing noong Nob. 18, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na kailangan pa ring magpasya ng komisyon kung pagsasamahin ang mga magkakatulad na petisyon.

Sinabi ni Jimenez na wala pa siyang nakitang napakaraming petisyon laban sa isang kandidato mula noong 2016 presidential elections nang tumakbo si Sen. Grace Poe-Llamanzares, isang foundling, para sa pinakamataas na pampublikong opisina ng bansa. Tatlong petisyon ang hinarap niya (pinagsama-sama sa isa) para sa diskwalipikasyon at isa pa para sa pagkansela ng kanyang certificate of candidacy (COC), na kumukuwestiyon sa kanyang nasyonalidad at paninirahan sa Pilipinas.

Bukod kay Marcos Jr., nahaharap din sa disqualification case si senatorial aspirant Raffy Tulfo. Isang Julieta Pearson ang nagsabi na si Tulfo ay nabigong ilagay sa kanyang COC na siya ang legal na asawa ng broadcaster.

Dahil sa iba’t ibang petisyon na ito, alamin natin kung paano naiiba ang pagkansela ng kandidatura sa disqualification sa mga halalan. Ano ang mga pamamaraan sa pagdedesisyon ng mga isyung ito? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:

1. Ano ang pagkakaiba ng isang petisyon para sa diskwalipikasyon at isang cancellation?

Ang dalawang uri ng petisyon na ito, kung magtagumpay, ay magbabawal sa isang kandidato sa pampublikong opisina o magpapawalang-bisa sa lahat ng boto para sa kanya. Ang sinumang rehistradong botante o partidong pampulitika, organisasyon, o koalisyon ay maaaring maghain ng alinmang uri ng petisyon, bagama’t magkaiba ang mga ito ng katangian, batayan, resulta, at itinakdang panahon para sa paghahain.

Ang isang petisyon para sa diskwalipikasyon ay nagsasabing ang isang naghahangad na mahalal ay hindi dapat ituring na isang kandidato o iproklama bilang nanalo dahil sa isang election offense o hatol sa isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude sa alinman sa mga batayan sa ilalim ng Section 12 at 68 ng 1985 Omnibus Election Code, o ang naamyendahang Batas Pambansa Blg. 881.

Ang petisyon ay dapat ihain anumang araw pagkatapos ng deadline sa paghahain ng COCs, ngunit hindi lalampas sa petsa ng proklamasyon ng mga nanalo. Sa kaso ng kapalit na kandidato, ito ay dapat gawin limang araw mula sa petsa ng paghaharap ng COC. Maaari ring magsimula ang Comelec ng disqualification case laban sa isang kandidato, ayon kay Jimenez.

Ang petisyon para sa pagkansela, sa kabilang banda, ay naglalayong pilitin ang Comelec na kanselahin o tanggihan ang COC ng isang aspirant sa “eksklusibong” dahilan na false material representation, o maling impormasyon na nakasaad sa dokumento.

Kailangang maihain ang petisyon sa loob ng limang araw mula sa deadline ng pagsusumite ng mga COC, ngunit hindi lalampas sa 25 araw mula sa petsa ng paghahain ng form sa Comelec. Katulad ng isang kaso ng disqualification, ang mga petitioner ay may limang araw upang simulan ang isang reklamo laban sa isang kapalit na kandidato mula sa petsa ng paghahain ng COC.

Maaari ding kanselahin ng Comelec ang COC ng isang aspirant na idineklarang nuisance candidate, na inilarawan sa Section 69 ng Omnibus Election Code bilang isang taong walang bonafide o tunay na intensyon na tumakbo, na naglalagay sa proseso ng halalan sa “pangungutya o kasiraan,” o paghahasik ng kalituhan sa pamamagitan ng pagkakatulad ng mga pangalan sa ibang kandidato.

2. Anong mga pamamaraan ang pinagdadaanan ng mga petisyon na ito?

Ayon kay Jimenez, apat na hakbang ang sinusunod ng Comelec para resolbahin ang dalawang uri ng petisyon. Magsisimula ang proseso kapag na-raffle ang petisyon sa alinman sa dalawang dibisyon ng Comelec.

Nakasaad sa Section 72 ng Omnibus Election Code na ang petisyon para i-disqualify ang isang kandidato ay dapat resolbahin ng Comelec o alinmang korte pitong araw bago ang halalan. Itinakda ng Section 78 ng Code na ang petisyon sa pagkansela ay dapat matapos nang hindi lalampas sa 15 araw bago ang araw ng halalan.

Kapag pinagbigyan ng isang Comelec division ang petisyon, may karapatan ang kandidato na maghain ng motion for reconsideration o apela sa commission en banc. Sakaling panindigan ng Comelec en banc ang desisyon ng dibisyon, maaaring dalhin ng aspirant ang isyu sa Supreme Court (SC) sa pamamagitan ng paghahain ng petition for certiorari sa loob ng 30 araw pagkatapos ng promulgation.

Sa kaso ni Poe-Llamanzares noong 2016, pinagbigyan ng SC ang kanyang mga petisyon para mapawalang-bisa ang dalawang desisyon ng Comelec en banc na kanselahin ang kanyang COC at i-disqualify siya sa pagtakbo bilang pangulo.

3. Ano ang epekto ng ipinagkaloob na petisyon?

Ito ay depende sa uri ng petisyon at kung kailan ito naresolba ng Comelec o ng SC.

Maaaring palitan ang mga kandidatong nadiskwalipika bago ang araw ng halalan, ngunit tanging isang kapartido lamang hanggang tanghali ng araw ng halalan. Ngunit sinabi ni Jimenez na hindi maaaring palitan ang isang aspirant na ang COC ay kinansela o tinanggihan ng Comelec na palitan.

Kung ang isang disqualification o cancellation petition ay nakabinbin pa sa araw ng halalan, ang petitioner ay maaaring maghain ng motion batay sa matibay na ebidensya sa Comelec para suspindihin ang proklamasyon ng kandidato. Dapat magdesisyon ang komisyon sa petisyon para sa diskwalipikasyon kahit na naiproklama na ang aspirant.

Ang isang petisyon na idisqualify na ipinagkaloob pagkatapos ng araw ng halalan ay humahadlang sa proklamasyon ng isang nanalong kandidato. Ang mga boto para sa isang aspirant na nakansela ang COC ay ituturing na bale-wala.

Ano na ang nangyayari sa mga petisyon laban kay Marcos Jr.?

Nananatiling nakabinbin ang apat na petisyon laban kay Marcos Jr.

Ang unang petisyon na inihain noong Okt. 12 ni presidential aspirant Danilo Lihaylihay para ideklara ang dating senador na isang nuisance candidate at kanselahin ang kanyang COC ay na-raffle sa Comelec Second Division. Sa isang press briefing noong Nob. 26, sinabi ni Jimenez na nagkaroon ng pre-conference sina Lihaylihay at Marcos Jr. noong Nob. 18.

Sa petisyon na kanselahin ang COC ni Marcos Jr. dahil sa hindi pagsisiwalat ng kanyang conviction sa 1995 tax evasion case na inihain ng grupo ng mga civic leaders sa pangunguna ni Fr. Christian Buenafe ng Task Force Detainees of the Philippines at Fides Lim ng Kapatid noong Nob. 2, nagtakda ang Comelec Second Division ng pre-conference meeting noong Nob. 26.

Si Marcos Jr. ay nagsumite noong Nob. 19 ng kanyang verified answer sa cancellation petition, na humihiling sa poll body na bigyang-pansin ang judicial notice na nakapaglingkod na siya sa iba’t ibang elective positions gaya ng senador at kinatawan mula noong 1995 convictions.

Nalampasan ni Marcos Jr. ang orihinal na deadline para sa pagsusumite ng kanyang tugon sa petisyon. Ibinunyag ni Theodore Te, abogado ng grupo nina Buenafe at Lim, noong Nob. 18 na nabigo ang presidential aspirant na magsumite sa tamang oras ng sagot sa kanilang petisyon at, sa halip, humiling ng extension ng deadline hanggang Nob. 22. Pinaalalahanan ng dating tagapagsalita ng SC ang Comelec laban sa pagwawalang-bahala sa sarili nitong mga alituntunin, na binanggit na malinaw na ipinaalam ng poll body kay Marcos Jr. na isumite ang kanyang sagot “sa loob ng hindi maipagpapatuloy na panahon” ng limang araw mula sa pagtanggap ng summons na natapos noong Nob. 16.

Batay sa Comelec Resolution No. 9523, ang kabiguan ng isang partido (Marcos Jr.) na maghain ng verified answer “sa loob ng reglementary period ay magbabawal sa respondent na magsumite ng controverting evidence o mag file ng kanyang memorandum.” Sa kabila ng paalala ni Te, pinagbigyan ng ikalawang dibisyon ang kahilingan ng kandidato.

Narito ang mga update sa dalawa pang petisyon:

  • Ang petisyon na inihain noong Nob. 9 ni presidential aspirant Tiburcio Villamor Marcos para kanselahin ang COC ni Marcos Jr. dahil sa pagiging impostor, na nagsasabing namatay na ang tunay na Marcos Jr. noong 1975, ay na-raffle sa Comelec Second Division ngunit hindi pa itinakda para sa isang pre-conference.
  • Ipapa-raffle ang petisyon na inihain noong Nob. 17 nina dating Bayan Muna representative Satur Ocampo, Bonifacio Ilagan at iba pang biktima ng martial law para idiskwalipika si Marcos Jr. dahil sa kanyang tax evasion conviction, na pinagtibay ng Court of Appeals, ay ira-raffle sa Nob. 29 at hindi pa nakaiskedyul para sa isang pre-conference.

Si Marcos Jr., sa pamamagitan ng kanyang chief of staff na si Vic Rodriguez, ay paulit-ulit na iginiit na ang Comelec ay “walang hurisdiksyon na suriin, amyendahan, baguhin o pawalang-bisa ang mga desisyon ng [CA].”

Noong 1995, pinagtibay ng CA ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court, na hinatulan si Marcos Jr. ng tax evasion dahil sa hindi pag-file ng kanyang income tax returns mula 1982-1985. (Tingnan ang Final decision to bar Bongbong Marcos in 2022 nat’l elections due to tax evasion is on SC — Carpio)

“[Ang mga petisyon ay] istorbo at bahagi ng cheap na pampulitikang gimik mula sa parehong grupo ng mga tao na ayaw na umusad ang bansa at makaahon sa pandemic,” sabi ni Rodriguez sa English.


Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.


Mga Pinagmulan

Commission on Elections, Press Briefing with Spokesperson James Jimenez, Nov. 18, 2021

Commission on Elections, Press Briefing with Spokesperson James Jimenez, Nov. 26, 2021

Commission on Elections, Press Briefing with Spokesperson James Jimenez, Nov. 25, 2021

Official Gazette, The Fall of the Dictatorship, Accessed Nov. 18, 2021

Inquirer.net, Petitioner wants Comelec to cancel COC of senatorial aspirant Raffy Tulfo, Nov. 18, 2021

Rappler, Raffy Tulfo’s ‘wife’ asks Comelec to junk his 2022 senatorial bid, Nov. 18, 2021

CNN Philippines, Senatorial aspirant Raffy Tulfo faces COC cancellation petition, Nov. 19, 2021

Official Gazette, Batas Pambansa Blg. 881

Supreme Court, [ G.R. No. 221697], March 8, 2016

Commission Elections, Resolution No. 9523, Sept. 25, 2012

Commission on Elections, COMELEC Rules of Procedure – Part VII, Accessed Nov. 24, 2021

Merriam-Webster Dictionary, Definition of bona fide, Accessed Nov. 24, 2021

Kapatid, [petition against Marcos Jr.], Nov. 3, 2021

Rappler.com, Marcos’ answer to Comelec suit: I already served in elective posts, Nov. 22, 2021

Politiko, Marcos asks Comelec to dismiss disqualification petition |, Nov. 23, 2021

GMA News Online, Marcos Jr. denies material representation, asks Comelec to dismiss petition vs. COC, Nov. 20, 2021

Lawyer Theodore Te official Twitter account, “Update

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.