Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ano ang tuob o steam inhalation therapy?

Nagalit ang mga netizens at mga eksperto sa kalusugan kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia dahil sa pagpapahiya niya sa mga doktor na pumuna sa isang lokal na memorandum na humihikayat sa mga panlalawigang opisyal at empleyado na gawin ang "tuob" o steam inhalation bilang paraan ng panlaban sa coronavirus disease (COVID-19).

By VERA Files

Jul 2, 2020

8-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Nagalit ang mga netizens at mga eksperto sa kalusugan kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia dahil sa pagpapahiya niya sa mga doktor na pumuna sa isang lokal na memorandum na humihikayat sa mga panlalawigang opisyal at empleyado na gawin ang “tuob” o steam inhalation bilang paraan ng panlaban sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa Memorandum No. 36-2020, na nilagdaan noong Hunyo 18 ni Provincial Administrator Noli Vincent Valencia, ang mga pinuno ng departamento at mga empleyado ay “inutusan” na mag tuob ng dalawang beses sa isang araw, sa pagitan ng 8 hanggang 9 ng umaga at 4 at 5 ng hapon, sa kanilang mga istasyon ng trabaho.

Kaugnay ito ng Executive Order No. 17 o gabay sa general community quarantine na inilabas ng Cebu governor noong Mayo, na kinabibilangan ng tuob bilang bahagi ng isang “regimen sa kalusugan” upang mapalakas ang immune system sa paglaban sa COVID-19.

Sinabi ni Garcia, na kinastigo ang mga doktor ng hindi bababa sa isang oras sa kanyang Hunyo 23 online presser, na ang COVID-19 virus “ay hindi mabubuhay sa higit sa 27 degree Celsius.” Idinagdag niya na kapag ang lumanghap ng mainit na singaw at nakarating ito sa respiratory tract, “matutunaw nito ang taba na pumapalibot sa virus, kaya mapapatay ito.”

Upang magmukhang kanapani-paniwala ang kanyang “wellness” na direktiba, pinanood ni Garcia ang isang video testimonial ni Interior Secretary Eduardo Año, na nagsabing ginawa niya ang tuob nang mag positibo siya COVID noong huling bahagi ng Marso at umigi ang pakiramdam niya. Ganoon din ang ginawa ni Education Secretary Leonor Briones, aniya.

Ano ang tuob o steam inhalation? Ito ba ay nagpapagaling o pinipigilan ang COVID-19?

Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:

1. Ano ang steam inhalation therapy?

Sa steam therapy, binabalot ng tuwalya o anumang makapal na tela ang ulo ng tao na may isang palanggana o palayok ng kumukulong tubig na may asin o halo ng mga halamang gamot sa ilalim para pagpawisan habang nilalanghap ang singaw sa loob ng lima hanggang 10 minuto, ayon sa site ng impormasyon sa kalusugan naHealthline.

Karaniwang ginagawa bilang therapy sa bahay, ang steam inhalation ay nakakatulong na paluwagin ang paglabas ng uhog, paglilinis ng nasal at respiratory passages — pinapawi ang mga sintomas ng sipon at tuyong ubo.

Ang isang “barado” o congested na ilong “ay nangyayari kapag ang mga tissue lining nito ay namamaga” dahil sa “inflamed blood vessels,” ayon sa U.S. online medical encyclopedia.

Hindi bababa sa dalawang pag-aaral ng Pilipino na inilathala noong 2015 at 2016 sa iba’t ibang mga scientific journal ang nagpakita na ang “tuob” (suob sa Tagalog) o boiling ritual ay ginagamit ng mga tradisyunal na manggagamot na sinamahan ng iba pang mga paraan ng pagpapagaling, tulad ng “hilot” o massage therapy.

2. Maaari ba itong magamit upang pagalingin o maiwasan ang COVID-19?

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang virtual presser noong Hunyo 25 na “walang katibayan pang-agham na ang steam inhalation ay pumapatay ng SARS-CoV-2 (ang virus na nagdudulot ng COVID-19).”

“Habang ang ilang mga western, tradisyonal, o pang bahay na mga gamot ay maaaring magbigay ng ginhawa at maibsan ang mga sintomas ng banayad na COVID-19, walang pang mga gamot na nakita upang maiwasan o pagalingin ang sakit,” sabi ng World Health Organization sa Q&A; on coronaviruses (COVID -19).

Tinuligsa ng Philippine Medical Association (PMA), isang samahan ng mga manggagamot sa bansa, si Garcia sa kanyang “mapanganib na mga pahayag at pang-iinsulto” sa mga miyembro ng medikal na propesyon na hindi sumasang-ayon sa kanyang adbokasiya para sa tuob.

Sa isang tatlong pahinang pahayag na inilabas noong Hunyo 24, sinabi ng PMA na ang pahayag ng gobernador ng Cebu ay maaaring “magsulong ng isang false sense of security at well being,” at maaaring mapadali ang transmission ng virus sa pamamagitan ng mga aerosol at kontaminasyon ng kalapit na tao, bagay, o surfaces.

Gayundin, sinabi ng WHO na “hindi inirerekomenda ang self medication sa anumang mga gamot, kabilang ang mga antibiotic, bilang pag-iwas o pang gamot sa COVID-19.”

Idinagdag nito na ang pagkakalantad sa mataas na temperatura ay hindi mapipigilan na magkaroon ng sakit ang isang tao.

Kapag nais pa rin ng isang tao na magpatuloy sa steam therapy, dapat itong gawin nang may pag-iingat, sinabi ni Vergeire. Kung ang mga sintomas ng COVID-19 ay nagpapatuloy, dapat na agad na humingi ng tulong medikal, idinagdag niya.

Sinabi rin ng WHO Representative sa Pilipinas na si Rabindra Abeyasinghe, sa isang naunang pakikipanayam sa VERA Files, na ang water steam na may halo-halong iba pang mga concoction tulad ng asin “ay hindi ka ililigtas sa COVID-19.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Salt water steam DOES NOT kill coronavirus and VERA FILES FACT CHECK: FB posts claiming 2019-nCoV only survives in ‘cold weather,’ salabat a cure NOT TRUE )

Ang malinaw na pahiwatig kung ang isang tao ay naka-recover mula sa COVID-19 ay sa pamamagitan ng isang serye ng mga negatibong test result. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Limang mga bagay na kailangan mong malaman tungkol sa COVID-19 antibodies and The science behind COVID-19 testing)

3. Ano ang mga panganib at benepisyo ng steam therapy?

Ang steam therapy ay maaaring makatulong na mapawi ang mga sintomas ng sipon at sinus blockage ng respiratory tract.

Gayunpaman, hindi nito maaalis ang anumang virus na naroroon pa rin sa katawan, ayon sa isang pag-aaral noong 1994 na inilathala sa United States National Institutes of Health.

Sinabi sa maraming mga pag-aaral na sumuri sa steam inhalation bilang treatment, tulad ng isang 2016 paper na isinagawa sa United Kingdom, isang pananaliksik noong 2013 na sinuri ang anim na mga trial sa iba’t ibang bansa, at isang pag-aaral noong 2013 sa U.K. din, na wala itong napatunayan o makabuluhang pakinabang.

Ang WHO, DOH, at PMA ay nagkakaisa sa pagpapaalala sa publiko na ang sobrang init na singaw ay maaaring makapinsala dahil may panganib ng burn injury sa respiratory tract at mabanlian bunga ng mga aksidente sa mainit na tubig.

Ang pagprotekta sa sarili sa COVID-19 sa pamamagitan ng madalas na paghuhugas ng kamay, social distancing, cough etiquette, at pagsusuot ng mga face mask ang nananatiling pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng virus.

 

Sources

Rappler, Netizens slam Cebu governor for shaming critics of steam inhalation, June 24, 2020

Interaksyon, Gwen Garcia and steam therapy: Why #NotoDoctorShaming gains traction on Twitter, June 24, 2020

Cebu Daily News-Inquirer, PH’s largest medical society denounces Gwen on tuob, calling out doctors, July 25, 2020

Inquirer, Provincial gov’t memo: Make time for ‘tuob’, June 24, 2020

Rappler, Cebu province memo encourages employees to practice steam inhalation vs COVID-19, June 24, 2020

Cebu Daily News-Inquirer, Capitol memos employees to ‘strictly’ practice tuob, June 23, 2020

Local Government Unit of Compostela, Cebu Facebook, Cebu Province GCQ Guidelines, May 21, 2020

Sugbo News Facebook, Daily updates from Gov. Gwendolyn Garcia on the Covid-19 situation in Cebu Province, June 23, 2020

Steam inhalation therapy

Not COVID-19 cure nor prevention

Steam inhalation risks and benefits

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.