Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Bakit kailangang gumamit ng child restraint systems

Ipinagpaliban ang pagpapatupad ng Child Safety in Motor Vehicles Act upang bigyan ng panahon ang mga may-ari ng sasakyan na may mga alagang bata na 12 taon at mas bata na mag-install ng naaangkop na car seats na tinukoy sa bagong batas.

By VERA Files

Feb 15, 2021

13-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ipinagpaliban ang pagpapatupad ng Child Safety in Motor Vehicles Act upang bigyan ng panahon ang mga may-ari ng sasakyan na may mga alagang bata na 12 taon at mas bata na mag-install ng naaangkop na car seats na tinukoy sa bagong batas.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) 11229, ang mga bata na hanggang 12 taong gulang at mas maliit sa 150 centimeters o 59 pulgada (4 talampakan 11 pulgada) ay kailangan mai-strap sa child restraint systems (CRS) o mga protective car seats habang nasa biyahe. Ang multa sa paglabag ng batas ay mula P1,000 hanggang P5,000 at isang taong suspensyon ng lisensya sa pagmamaneho.

Ang batas, na pinagtibay noong Pebrero 2019, ay dapat ipinatupad nitong Peb. 2, higit isang taon kasunod ng pag-apruba ng implementing rules and regulations. Noong Peb. 11, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pagpapaliban ng pagpapatupad nito dahil sa hirap ng buhay sanhi ng coronavirus 2019 (COVID-19) pandemic, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Nauna nang pumayag ang Department of Transportation (DoTr) at ang Land Transportation Office (LTO), ang mga pangunahing ahensiya na magpapatupad ng batas, na suspindihin ang mga parusa sa loob ng anim na buwan bilang tugon sa mga batikos ng publiko at panawagan ng mga senador na pag-aralan ulit ang ilang mga probisyon nito.

Gayunpaman, napagkayarian ng House committee on transportation sa pagdinig noong Peb. 10 na kakailanganin ng isa pang batas para suspindihin ang pagpapatupad ng RA 11229. Inatasan ni Samar Rep. Edgar Sarmiento, ang chairman ng komite, ang secretariat na maghanda ng panukalang batas tungkol dito. Binanggit niya ang isang desisyon ng Supreme Court, na sinasabing ang isang batas ay hindi maaaring baguhin o kanselahin ng isang resolusyon ng Kongreso.

Sa gitna ng kalituhan, ating tingnan ang pangangatuwiran sa likod ng RA 11229 at kung anong mga uri ng car seats ang makatutugon sa mga pamantayang itinakda sa batas at naaangkop para sa iyong anak.

Narito ang limang isyu na kailangan mong malaman tungkol sa Child Safety in Motor Vehicles Act:

1. Mas maraming mga bata at mga kabataan ang namamatay sa mga pinsala na nauugnay sa banggaan kaysa sa iba pang uri ng anumang pinsala

Ang bilang ng mga namatay at pinsala sa mga banggaan sa kalsada na kinasasangkutan ng mga bata ay tumataas sa nakakaalarmang antas.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 671 mga bata na may edad 14 at mas mababa ang taunang average ng namatay mula 2006 hanggang 2014 dahil sa mga banggaan sa kalsada. (Tingnan ang Use of car seats to protect children now a law)

Binanggit ng LTO sa 2019 Road Safety Action Plan nito na ang mga banggaan sa kalsada ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga bata at kabataan na may edad lima hanggang 29. Animnapu’t limang porsyento (65%) ng mga banggaan sa kalsada ay dahil sa pagkakamali ng drayber.

Ipinakikita ng mga record mula sa Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMRAS) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang bilang ng mga insidente ng banggaan sa kalsada ay tumaas mula 65,111 noong 2005 hanggang 116,906 noong 2018, na may average na 320 kaso kada araw sa Metro Manila lamang. Karamihan sa mga kasong ito ay kasangkot ang edad sa pagitan ng 18 at 34 (7,322 kaso) at 35-51 (4,080). Human error ang dahilan ng 94% ng mga insidente ng banggaan sa kalsada.

Ipinakita ng taunang ulat ng MMRAS noong 2019 na ang bilang ng mga aksidente sa kalsada ay umakyat sa pinakamataas na tala na 121,771 sa taong iyon, na nagpapahiwatig ng year-on-year na pagtaas na 4.16%. Sa mga insidenteng ito, 373 ang nagresulta sa pagkamatay ng 394 katao. Kabilang sa mga biktima ng naitalang mga insidente ng banggaan sa kalsada, ang 1,661 ay mula sero hanggang 17 taong gulang habang 8,111 ay may edad 18 hanggang 34, at 4,666 ay nasa 35-51 na age bracket.

Sa Asia at Pacific region, ang mga banggaan sa kalsada ay pumapatay ng higit sa 730,000 katao kada taon, na nangangahulugan na isang tao ang namamatay bawat 40 segundo o 2,000 pagkamatay sa isang araw, ayon sa pagtantya mula sa United Nations Economic and Social Commission for Asia and the Pacific (ESCAP).

Ayon sa World Health Organization (WHO) 2018 Global Status Report on Road Safety, may tinatayang 1.35 milyong namamatay bunga ng road traffic accidents bawat taon, at 20 hanggang 50 milyon mga pinsala, kaya’t ika-8 nangungunang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo ang road traffic injury.

Tinukoy ng parehong ulat ang mga banggaan sa kalsada bilang “nangungunang killer” ng mga bata na edad lima hanggang 14, at mga kabataan na nasa edad 15 hanggang 29. Sa 54 porsyento ng pagkamatay, ang kasama ang mga nagmotorsiklo (28%), mga pedestrian (23%), at mga nagbibisikleta (3%). Sa tantiya nito, ang pagkamatay ay nangyayari sa kalsada tuwing 24 segundo.

Sinabi ng United States Centers for Disease Prevention and Control (CDC) na ang mga batang may edad lima hanggang siyam na taong gulang ay mas malamang na mamatay sa mga pinsala na nauugnay sa banggaan. Halos 150 mga batang may edad na sero hanggang 19 ang dinadala bawat oras sa mga emergency department para sa mga pinsala sanhi ng banggaan.

Upang mapigilan ang mas maraming pinsala at pagkamatay, ang WHO, sa pakikipagtulungan sa mga kinauukulang sektor at organisasyon, ay nagbibigay ng technical support sa iba’t ibang mga bansa upang matugunan ang mga risk factor na humahantong sa mga salpukan sa kalsada tulad ng hindi ligtas na imprastraktura ng kalsada, speeding, at hindi pagsusuot ng mga seat belt at child restraint.

Noong 2011, sinimulan ng Pilipinas ang maraming mga inisyatibo tulad ng pagpapatupad ng mga patakaran kaugnay ng kaligtasan sa kalsada na nakahanay sa Philippine Road Safety Action Plan (PRSAP) 2011-2020, kasama na ang pagpasa ng child restraint law at ang na-update na PRSAP 2017-2022, para ibaba sa sero ang mga pagkamatay na nauugnay sa trapiko sa kalsada.

2. Ang mga pakinabang sa paggamit ng child seats

Ang paggamit ng child restraint system — isang aparato na may kakayahang maglunan ng isang bata na nakaupo o nakahiga — ay nakitang nakababawas sa peligro ng pagkamatay sa banggaan sa kalsada ng mga sanggol nang 70% at 47% hanggang 54% sa mga batang may edad na isa hanggang apat na taon, ayon sa WHO Seat Belts and Car Restraints Manual. Ipinakita ng mga pag-aaral na ang CRS ay tumutulong na mabawasan ang peligro ng pinsala sa banggaan o biglaang paghinto ng isang sasakyan.

Hinihimok ng WHO ang pagsasabatas ng paggamit ng mga child restraints, na sinasabi na maaari itong maging isang mabisang paraan upang mabawasan ang mga pinsala na nauugnay sa trapiko sa kalsada. Ipinakita ng datos ng Global Health Observatory (GHO) na hanggang 2016, hindi bababa sa 85 mga bansa ang may child restraint laws na nagtatakda ng mga pamantayan batay sa edad, bigat, at taas — mga salik na itinuturing na mahalaga sa pagiging epektibo nito. Sa mga ito, 33 mga bansa lamang ang nakakatugon sa pamantayan ng “best practice” ng pagkakaroon ng batas na angkop sa edad, bigat, o taas ng mga batang nakaupo sa harapan, at isang pambansang child restraint law batay sa edad, bigat, o taas.

Sa pagpapatupad ng RA 11229 noong Pebrero 2019, napabilang ang Pilipinas sa listahan ng nakakatugon sa pamantayan ng “best practices,” ngunit ang buong implementasyon nito ay nananatiling walang kasiguraduhan sa ngayon.

Ipinaliliwanag ang bentahe ng CRS sa mga seat belt, sinabi ng abugadong si Daphne Marcelo, isang road safety policy associate sa public interest law group ImagineLaw na tumulong sa paggawa ng IRR ng RA 11229, na ang mga seat belt ay hindi umaangkop nang maayos sa mga bata dahil sa kanilang maliit at hindi pa debelop na mga katawan. Sinabi ni Marcelo na, bilang kapalit ng mga seat belt, ang CRS ay nakatutulong na maiwasan ang mga pinsala sa isang bata sa pamamagitan ng pagdidirekta ng mga puwersa ng pag-bangga sa pinakamalakas na bahagi ng katawan tulad ng balikat at balakang, at pinoprotektahan ang ulo, leeg, utak, at spinal cord sa lakas ng bangga.

“Nariyan ang tunay na panganib na, sa kaso ng isang banggaan, ang bata ay titilapon mula sa sasakyan o matamaan sa gilid o sa loob ng sasakyan na iyon, na maaaring may matutulis na mga bagay,” sinabi niya, at idinagdag na kahit ang yakap ng magulang ay hindi maaaring maprotektahan ang bata mula sa tindi ng bangga sa kawalan ng car restraint. (Tingnan ang Car seats for kids required starting Feb. 2)

Dalawang mga car seat (rear-facing at front-facing) ay sumailalim sa
isang crash test para sa child restraint seats ng New Car Assessment
Program para sa mga bansa ng Southeast Asia (ASEAN NCAP).

Ang mga Section 4 at 5 ng RA 11229 ay nagdaragdag sa pinakamainam na paggamit ng CRS sa pamamagitan ng pagsunod sa rekomendasyon ng WHO na ang upuan sa likod ang “pinakaligtas na lugar” para sa isang bata na nakasakay sa sasakyan. Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal ang mga bata na umupo sa harap ng sasakyan kung sila ay 150 centimeters o mas maliit pa kahit na nakasuot sila ng seat belt na pang matanda. (Tingnan ang Motor vehicle law highlights children’s rights to proper care and safety)

“Ang posisyon ng mga bata sa alinman sa harap o likurang upuan ay mahalaga rin dahil ang mas mataas ang peligro sa pinsala na nauugnay sa pag upo sa harapan,” ayon sa Seat Belts and Child Restraints Manual ng WHO.

Gayunpaman, pinapayagan ng batas ang mga bata na hindi gumamit ng CRS kung ilalagay sila nito sa malaking panganib sa panahon ng mga medical emergency o kapag dumadanas ng medikal, mental, psychological, developmental, psychiatric, disability o iba pang mga kundisyon na tutukuyin ng DOTr sa konsultasyon sa Department of Health.

3. Mga uri at presyo ng CRS

Ayon sa WHO child restraints manual, ang CRS ay mayroong apat na pangunahing uri, depende sa edad, bigat, at taas ng mga bata: ang rear-facing (tinatawag din na infant car seat), child safety seat, booster seat, at booster cushion.

Dahil ang isang CRS ay kailangang mai-install nang maayos, nakasaad sa IRR para sa Section 16 ng RA 11229 na ang LTO ay dapat magkaroon ng sariling mga fitting station at magbigay ng mga alituntunin para sa accreditation ng mga pribadong fitting station tulad ng mga nagbebenta ng CRS, mga istasyon ng gasolina, at Philippine Red Cross.

Habang ang RA 11229 ay dapat na ipinatupad noong Peb. 2, maraming mga Pilipinong magulang, kabilang ang mga walang sasakyan, ang gumagamit na ng CRS para sa proteksyon ng kanilang mga anak bago pa man ito ipinag-utos ng batas. Gayunpaman, ang mga child car seat na nakuha bago ang magkabisa ang batas ay dapat na inspeksiyunin para masuri kung may anumang sira o expiry at mabigyan ng LTO ng clearance para magamit. (Tingnan ang ‘Don’t leave it to fate,’ says actress advocate of child car seats at Why risk injury? Get your child a car seat)

Ang mga manufacturer, seller, at distributor ng mga mas bagong child restraint ay dapat na pumasa sa mga itinakdang pamantayan sa kaligtasan at kumuha ng mga safety sticker mule sa Department of Trade and Indusrry-Bureau of Product Standards (DTI-BPS). Ipapalabas ng DTI-BPS ang Philippine Standard (PS) Mark License sa mga local at foreign manufacturer na nagbebenta sa bansa, at ang International Commodity Clearance (ICC) para sa imported na mga child car seats.

Habang ang DTI ay hindi pa naglalabas ng listahan ng mga naaprubahang CRS brand at model, isang pag-aaral na isinagawa noong 2017 ng Institute of Health Policy and Development Studies sa University of the Philippines Manila (UP-IHPDS) ang nagsiwalat na ang average na presyo sa merkado ng child restraints ay nasa P5,000, halagang masyadong napakamahal para sa mga ordinaryong Pilipino. (Tingnan ang ‘Expensive’ car seats main concern in child road safety bill)

Upang matugunan ang mga alalahanin sa kakayahang makabili at ma-access, ang DTI at ang DOTr ay inatasan na mag debelop o sumuporta sa mga hakbang na makakatulong sa mga Pilipino na sumunod sa paggamit ng mga child restraint. (Tingnan For mothers, peace of mind has no price tag)

4. Hindi lahat ng sasakyang de-motor ay kinakailangang magkaroon ng CRS

Sa ngayon, ang CRS ay kinakailangan lamang para sa mga pribadong sasakyan, na inuri bilang:

  • pribadong pagmamay-ari;
  • diplomatic at pagmamay-ari ng gobyerno;
  • mga sasakyan na for hire (nangangailangan ng isang prangkisa); at,
  • mga sasakyan sa ilalim ng pangmatagalang lease contract at mahigpit na para sa mga umuupa lamang o gamit ng awtorisadong kinatawan lamang.

Sa ilalim ng Section 9 ng RA 11229, ang DOTr ay dapat magsagawa ng isang pag-aaral sa loob ng isang taon mula Pebrero 2021 at mag-ulat sa Kongreso tungkol sa posibilidad ng paggamit ng CRS sa mga pampublikong sasakyan tulad ng mga dyip, taksi, at bus.

Sakaling makita ng DOTr na ang mga child restraint ay hindi angkop sa mga pampublikong sasakyan, dapat magrekomenda ang ahensya ng iba pang mga hakbang sa kaligtasan at regulasyon “para sa ligtas at walang peligrong transportasyon ng mga bata.”

5. Mga multa at parusa para sa paglabag sa RA 11229

Sa ilalim ng Section 10 ng RA 11229, ang sinumang drayber na magpapahintulot sa isang bata na walang CRS sa umaandar na sasakyan ay pagmumultahin ng mula P1,000 hanggang P5,000 at ang lisensya sa pagmamaneho ay sususpindihin ng isang taon kasunod ng pangatlo at mga susunod na paglabag.

Ang parehong mga multa ay ipapataw sa mga drayber na hinahayaan ang bata na umupo sa harap ng kotse, iniiwanan sa sasakyan ang bata na walang kasamang may sapat na gulang, at pinapayagan ang paggamit ng mga child restraint na walang mga PS o ICC sticker, o substandard o nag-expire na. Ang mga magta-tamper, magpapalsipika, magbabago, at gagaya sa mga safety sticker ay pagmumultahin ng mula P50,000 hanggang P100,000 bawat nakompromisong CRS device, nang walang pagtatangi sa mga naaangkop na parusa sa ilalim ng RA 7394 o ng Consumer Act of the Philippines.

Pinagbabawalan din ang mga manufacturer, seller, retailer, importer, at distributor sa pagbebenta, pag-import, pag distribute, pag donate, pagpapaupa, kasama ng iba pang mga labag sa batas na gawain, substandard o nag-expire na CRS, o iyong mga walang safety sticker. Kung hindi, pagmumulta sila ng P50,000 hanggang P100,000 para sa bawat paglabag.

Pinapayagan ng RA 11229 ang DOTr na suriin kung kailangan baguhin o taasan ang mga multa, minsan bawat limang taon, nang hindi hihigit sa 10% ng umiiral na mga rate.

 

Mga Pinagmulan

Land Transportation Office, JUST A FEW CLARIFICATIONS ON THE IMPLEMENTATION OF CHILD RESTRAINT SEATS (CRS) IN VEHICLES, Feb. 2, 2021

Deferment of RA 11229

GMA News, LIVESTREAM: House panel hearing on deferring implementation of PMVICs, child seats law – Replay, Feb. 10, 2021

Office of the Presidential Spokesperson, (statement on the deferment of RA 11229), Feb. 12, 2021

Land Transportation Office, Road Satetv Action Plan, Accessed Feb. 11, 2021

Top Gear, MMDA: Metro Manila averaged 49 road injuries, 1 fatality per day in 2018, May 31, 2019

Top Gear, MMDA statistics show 121,771 reported road accidents in 2019, Feb. 24, 2020

United Nations Economic and Social Commission for the Asia and the Pacific, ESCAP/74/2 Conseil économique et social, Jan. 9, 2018

Supreme Court, SUPREME COURT RULES IN FAVOR OF NURSES IN GOVERNMENT HEALTH INSTITUTIONS, Oct. 9, 2019

Official Gazette, Republic Act 11229

Department of Transportation, Implementing Rules and Regulations of RA 11229, Accessed Feb. 3, 2021

Philippine Statistical Authority, Land Transport Accidents, 2017

World Health Organization, Road traffic injuries. Feb. 7, 2020

World Health Organization, Philippine Road Safety Action Plan (PRSAP) 2011-2020, Accessed Feb. 3, 2021

ImagineLaw, Road Crashes in the Philippines, 2019

World Health Organization, Road safety leaders commit to reducing road traffic deaths and injuries in the Philippines. Oct. 5, 2019

Metropolitan Manila Development Authority, Metro Manila Accident Reporting and Analysis System, 2019

Metropolitan Manila Development Authority, Metro Manila Accident Reporting and Analysis System, 2018

World Health Organization, Seat-belts and child restraints, Accessed Feb. 3, 2021

Mind the Gap Communications, Press conference on RA 11229 or Child Safety in Motor Vehicles Act, Jan. 30, 2021

Department of Trade and Industry, DTI-BPS proposes Technical Regulation on Child Restraint Systems – BPS S&C; Portal, Nov. 14, 2019

Department of Trade and Industry, Department Administrative Order (DAO) No. 20-03 Series of 2020 – BPS S&C; Portal, Accessed Feb. 3, 2021

University of the Philippines Manila, CRS Study on Affordability Accessibility Philippines, 2017

Senate of the Philippines, Senate Resolution No. 633 (18th Congress), Feb. 2, 2021

Senate of the Philippines, Senate Bill No. 1971 (17th Congress), Accessed Feb. 4, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.