Pagtapos ng panghaharas na naman ng China sa West Philippines Sea, may YouTube video na nagsasabing inatake raw ng Canada, France at Japan ang China para depensahan ang Pilipinas. Hindi ito totoo.
Kinokondena ng tatlong bansa ang panghaharas ng China sa mga barko ng Pilipinas, pero hindi nila sinabing aatakihin nila ang China.
Ini-upload nitong June 25, ang video thumbnail ay may picture ng pinagmukhang nasusunog na barko ng China at may caption na:
“CANADA AT FRANCE UMAKSYON NA! KONTRA CHINA! MALAKING DIGMAN TO?”
Hindi nasusunog ang barko sa totoong picture na galing sa Reuters.
Ang video ay may pamagat na: “KAKAPASOK LANG Sa Wakas! Pinas SUPURTADO na ng iBang Bansa, Japan BINIGYAN ng Leksy0n ang CHlNA?!!”
Ang video ay walang kahit anong patunay sa mga sinasabi nito. Pinakikita lang nito ang balita ng Bombo Radyo nitong June 24, kung saan sinasabi ni Senador Alan Cayetano na puwede pang tumaas ang tensiyon sa pagitan ng China at Pilipinas. Pinakikita rin ng video ang opinyon ng napasinungalingan nang vlogger tungkol sa panghaharas na naman ng China sa West Philippine Sea.
Nitong June 17 ay binangga na naman ng mga barko ng China ang mga bangka ng Pilipinas papuntang Ayungin Shoal. Walong Pinoy ang napinsala, kasama ang isang nawalan ng hinlalaki.
Dahil dito ay inuulit ni French Ambassador Marie Fontanel na dapat galangin ang UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea. Sabi niya ay tinututulan ng France ang paggamit ng dahas na salungat sa pandaigdigang batas.
Kinokondena rin ng Global Affairs Canada ang delikadong panghaharas ng China. Nananawagan din ang Canada sa China na sundin ang hatol ng arbitral tribunal ng UNCLOS.
Mariing tinututulan din ng Ministry of Foreign Affairs of Japan ang delikado at mapanggipit na paggamit ng mga barko ng China. Inuulit din ng Japan na ang pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitral tribunal ng UNCLOS ay huling hatol na at inuutos ng batas na dapat sundin.
Ang pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitral tribunal ng UNCLOS noong 2016 ay pinasinungalingan ang “nine-dash line” o pang-aangkin ng China sa buong South China Sea. Kinukumpirma rin ng UNCLOS na ang Ayungin Shoal ay pasok sa 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ini-upload ng mga YouTube channel na PHILIPPINES TRENDING NEWS at WANGBUDISS TV, ang video na may hindi totoong impormasyon ay may pinagsamang higit 61,500 interactions at ni-repost ng maraming Facebook user.