May Facebook video na nagsasabing ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Disyembre ay iuusog sa Oktubre 2027. Nakapanliligaw ito.
Ini-upload noong Mayo 18 ang video ng balita tungkol sa pagpasa ng Senate Bill 2816 sa pangatlo at huling pagbasa:
“INFORMATION. Hindi tuloy sa Dec, 2025 Brgy. Election Aprobado na OCTOBER, 2027 ITUTULOY ctto.”
Ipinagmumukha rin nitong naipasa na ng Kongreso ang panukala at napirmahan na bilang batas.

Nakapanliligaw ito. Hindi pa naisasabatas ang Senate Bill 2816, kaya matutuloy ang Barangay at SK elections sa Dis. 1, ayon sa Commission on Elections (COMELEC) at alinsunod sa Republic Act 11462.
Noong Abril 21, inanunsiyo ng COMELEC ang Resolution 11132, na naglilista ng mga petsa ng mga kaganapan sa barangay at SK elections.
Noong Enero 15, ini-upload ng DZRH sa TikTok ang original video ng balita tungkol sa pagpasa ng Senado sa SB 2816, na pinatatagal sa apat na taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK at inuusog ang eleksyon nila sa unang Lunes ng Oktubre 2027 at kada apat na taon pagtapos. Pero hindi pa ito naisasabatas.
Ipinadala sa House of Representatives ang Senate Bill 2816 at ang katapat nitong House Bill 11287 ay naipasa sa pangalawang pagbasa nitong Enero.
Alinsunod sa proseso ng paggawa ng batas, kapag naipasa na ang House Bill 11287 sa pangatlo at huling pagbasa, ang Senate at House ay kailangang pa ring magkasundo sa huling version para ipasa sa Pangulo. Sa loob ng isang buwan, may kapangyarihan ang Pangulo na pirmahan, tanggihan, o hayaang nakabinbin ang panukala at maging batas.
Noong Mayo 2024, sinabi ng COMELEC na mas magandang iusog ang barangay at SK elections sa 2026 dahil kailangan din nilang maghanda para sa katatapos lang na eleksyon. Pero hinayaan nilang magdesisyon ang Kongreso.
Bukod sa Barangay at SK elections sa December, pinaghahandaan din ng COMELEC ang eleksyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Oktubre.
Ang nakapanliligaw na video ay ipinakalat anim na araw matapos ang nakaraang eleksyon. Ito ay may lagpas 160 reactions, 30 comments, 360 shares, 28,000 views, at ini-reupload sa Instagram.
Pinasinungalingan din ng VERA Files ang iba pang maling impormasyon tungkol sa eleksyon.