Categories
Ano Raw Fact Check Filipino

FACT CHECK: PEKE at minanipula ng AI ang pag-eendorso ni Doc Willie Ong ng gamot sa mata

Ineendorso ng GMA News reporter na si Katrina Son at ng cardiologist na si Willie Ong ang isang gamot para sa mata.

Facebook page Success strategy 2024-05-14 Peke

Ginamitan ng artificial intelligence ang mga clip mula sa Saksi report ni Son noong Marso at panayam ni Ong noong 2022.

May video na ipinagmumukhang ibinabalita ng GMA ang pag-eendorso ni Doc Willie Ong ng gamot sa mata. Peke ito at ang mga clip ay minanipula ng artificial intelligence (AI).

Ini-upload sa Facebook noong May 14, ang video ay may headline na:

“OPHTHALMOLOGIST: GAGAMUTIN KO ANG IYONG MGA MATA SA LOOB NG 72 ORAS!”

Ang unang clip ay ipinagmumukhang ini-interview ng GMA reporter ang doktor na may simple at murang paraan ng paggamot sa mata. Ipinagmumukhang sinasabi ng reporter na: 

“Ang doktor ay nagbahagi ng isang simpleng paraan para sa pagpapanumbalik ng paningin. Hindi mo na kailangan ng mga mamahaling gamot o laser surgery. Maaari mong ibalik ang iyong paningin sa bahay. Ang pamamaraang ito ay angkop para sa parehong mga matatanda at bata. Bisitahin ang website at basahin ang recipe para sa produktong ito.”

Ang sunod na clip ay ipinagmumukhang ineendorso ni Doc Willie Ong ang gamot sa mata. Ipinagmumukhang sinasabi niyang:

“Ginagarantiya ko na mababawi mo ang iyong paningin sa loob ng 72 oras. Kahit na sa edad na siyamnapu, ang iyong paningin ay babalik ng isang daang porsyento. Ang panganib ng pagkabulag at katarata ay mababawasan sa zero. Huwag palampasin ang pagkakataong ito. Ibinebenta ko lang ang gamot na ito sa aking opisyal na website.”

VERA Files FACT CHECK - ANG TOTOO: Hindi inindorso ng reporter na si Katrina Son at cardiologist na si Willie Ong ang isang gamot umano para sa mga problema sa mata. Ginamitan ng artificial intelligence ang mga clip mula sa Saksi report ni Son noong Marso at panayam ni Ong noong 2022.

Ang clip ng GMA reporter ay mula sa balita ng Saksi tungkol sa traffic sa NAIA noong Holy Week. Ginaya ng AI ang boses ni Katrina Son at ipinatong sa video.

Ang clip ni Willie Ong ay mula sa interview ng Global Daily Mirror noong tumakbo siya sa pagkabise-presidente. Ginaya rin ng AI ang boses niya at ipinatong sa video. 

Ilang beses nang itinanggi ni Doc Willie Ong ang mga pekeng ad na ginagamit ang pangalan niya. Nililinaw niyang isa lang na produkto (gatas para sa matatanda) ang ineendorso niya. 

Ang Facebook post ng video ay may link sa PHILIPPINES-RESTORE-VISIO-KFJDSDF.WEBFLOW.IO. Ang website ay may isa pang link sa isang eye center sa Pilipinas. 

Sinusubaybayan ng VERA Files ang pagdami ng mga pekeng ad na gumagamit ng AI para manloko ng mga netizen. 
Ang video na ini-upload ng Facebook page na Success strategy (ginawa noong Dec. 15, 2023) ay may higit 2,900 reactions, 330 comments, 240 shares at 284,000 views.


May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).


(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)