Isang Facebook (FB) page na nagpapanggap na grocery chain na Super8 ay namimigay raw ng gift bag, smartphone, at shopping voucher para sa anniversary nila ngayong August. Peke ito.
Noong Aug. 10 ay sinabi ng official FB page ng Super8 na: “Please report any other Super8 Facebook pages you see online. They are promoting scam and fraudulent offers.“
(Pakiusap: i-report ang kahit anong ibang Super8 Facebook page. Nagpopromote sila ng scam at mga pekeng offer.)
Ganito gumagana ang panloloko: kapag nag-comment ng “Congratulations” ang netizen, may automated reply na magsasabing pindutin ang blue sign-up button sa pekeng page.
Ang sign-up button ay papunta sa pekeng Google website na nanghihikayat sa mga netizen na magrehistro para sa giveaway. Ang registration button ay nagbubukas sa isa pang website na kumukuha ng personal na impormasyon.
Pinasinungalingan na ng VERA Files Fact Check ang parehong modus sa isa ring anniversary giveaway scam ng isang impostor ng Waltermart.
Ang mga post noong Aug. 9 at 10 ng pekeng page ay ipinakalat nang magdiwang ng ika-18 anibersaryo ang Super8.
Ang mga post ay may caption na:
“? Kumusta sa lahat? Para ipagdiwang ang kaarawan ni @Super8 Grocery. Lahat ng magsusulat ng “Congratulations” sa aming PAGE bago ang Agosto 15, 2024 ay makakatanggap ng mga eksklusibong premyo sa anyo ng mga espesyal na gift bag, telepono Samsung Galaxy A53, cash at shopping voucher. Good luck!”
Ang mga post ng pekeng page na Super8 Grocery Warehouse (ginawa noong Aug. 10) ay may kabuuang higit 260 interactions, 1,650 comments at 825 shares.