May ipinakakalat na Facebook video na ipinagmumukhang sinalubong ng overseas Filipino workers ang paglaya raw ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court. Hindi ito totoo.
Ang video ay kinuhanan noong pro-Duterte prayer rally sa Italy noong March 16, limang araw pagtapos arestuhin si Duterte sa Manila papuntang Netherlands, kung saan nananatili siyang nakadetena pagtapos tanggihan ng ICC noong Nov. 28 na palayain siya pansamantala.
Ini-upload noong Dec. 10 ang video na may nakasulat na:
“Magagalit na naman ang mga loyalist ngayon.”
At may reaction ng lalaking nagsasabing:
“Good news, mga kababayan! Ngayong araw ang release ni former president Rodrigo Roa Duterte. Kaya maraming tao dito sa ICC dahil release ni tatay Digong para makauwi na siya sa Davao. At siguradong magagalit na naman ang mga loyalist ngayon. At kung ikaw ay solid Duterte [supporter], paki-share na lang [at] comment. Salamat!”
Ang video ay galing sa TikTok noong March 17 at may nakasulat na: “Filipinos in Milan, Italy.” Ang iba pang video ng parehong prayer rally sa Italy ay ini-upload sa YouTube at Facebook.

Kinumpirma naman ng mga balita na may mga OFW sa Italy na nagprotesta noong March 16 dahil sa pag-aresto kay Duterte, na nananatiling nakadetena sa Netherlands habang hinihintay ang paglilitis sa mga kaso ng libo-libong pinatay sa drug war noong pangulo siya.
Ang video ay ipinakalat pagtapos tanggihan ng ICC ang pakiusap ng mga abogado ni Duterte na palayain siya pansamantala.
Ang video ay ini-upload ni Aguila ng Maynila Vlogger at may lagpas 1,000,000 views, 35,700 reactions, 10,000 shares at 6,500 comments.

