Napansin ng news outlets at netizens noong Abril 14 na ang Google Maps ay may mas kitang-kita na label ng West Philippine Sea (WPS) sa site nito.
Pinuri ng Malacañang ang hakbang sa gitna ng nagpapatuloy na maritime at territorial dispute ng Pilipinas at China sa WPS. “Ipinagpupunyagi po natin [ito] dahil isa itong pagkilala na ang West Philippine Sea ay sa atin,” sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa Palace briefing.
Pinuri rin ng National Maritime Council ang label bilang “salamin ng lumalaking pagtanggap na ang katubigan ng West Philippine Sea ay nasa loob ng ating soberanya, sovereign rights at hurisdiksyon.”
Narito ang paliwanag ng VERA Files:
Opisyal bang kinikilala ng Google Maps ang WPS?
Sinabi ng Google sa isang pahayag noong Abril 16 na ang WPS ay “laging may label” sa platform. “Ginawa namin kamakailan na mas madaling makita ang label na ito sa mga karagdagang zoom level,” paglilinaw ng isang tagapagsalita.
Sinabi ng Google Maps sa Help Center nito na ang mga pinagtatalunang teritoryo sa lupa ay “ipinakikita sa iba’t ibang istilo ayon sa katayuang pampulitika ng hangganan.”
Ang WPS ay may label din sa Google Earth na may opisyal na paglalarawan:
“Ang West Philippine Sea ay ang pagtatalaga ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga bahagi ng South China Sea na kasama sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa. Ang terminong ito kung minsan ay mali din na ginagamit sa pagtukoy sa buong South China Sea.”
Nangangahulugan ba ito na ang WPS ay kinikilala na ngayon ng international community?
Sa mga tuntunin ng hurisdiksyon, ilang bansa at international bodies ang pormal nang kinikilala ng mga pag-aangkin ng Pilipinas sa mga teritoryo sa WPS.
Noong 2016, pinagtibay ng Permanent Court of Arbitration na tinatamasa ng Pilipinas ang sovereign rights sa ilang features sa South China Sea. Binanggit din ng Korte na nilabag ng China ang mga karapatang ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga outpost at sa paghihigpit sa pag-access ng Pilipinas sa mga teritoryong ito.
Sa partikular, ang Korte ay naglabas ng mga sumusunod na pangunahing desisyon sa arbitral award nito:
- Walang legal na karapatan ang China sa buong South China Sea batay sa “historical claims” nito.
- Ang Pilipinas ay may karapatan sa isang EEZ na sumasaklaw sa Mischief Reef (Panganiban Reef), Second Thomas Shoal (Ayungin Shoal) at Reed Bank (Recto Bank).
- Nilabag ng China ang shared traditional fishing rights sa pamamagitan ng pagharang sa pag-access ng Pilipinas sa Scarborough Shoal.
- Nilabag ng China ang mga obligasyon na protektahan ang marine environment sa pamamagitan ng pagtatayo nito ng land reclamation projects sa ilang features ng South China Sea.
Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea, ang mga estado ay may karapatan sa isang EEZ na sumasaklaw sa 200 nautical miles “mula sa mga baseline kung saan sinusukat ang lawak ng territorial sea.”
Gayunpaman, hindi pa nalalagyan ng international organizations ng label ang West Philippine Sea sa mga mapa o kinikilala ito bilang isang geographical entity.
Ang Administrative Order (A.O.) No, 29, na inisyu ni dating pangulong Benigno Aquino III noong 2012, ay nag-utos sa mga kaugnay na ahensya ng gobyerno sa mapping at foreign affairs na magsumite ng opisyal na mapa na naglalaman ng WPS sa international organizations tulad ng United Nations (UN), International Hydrographic Organization at UN Conference on the Standardization of Geographical Names.
Walang pampublikong rekord na nagpapakita na ang Pilipinas ay nagsumite ng anumang naturang dokumento sa mga organisasyon na binanggit sa itaas. Nakipag-ugnayan na ang VERA Files sa mga miyembro ng National Task Force for the West Philippine Sea para sa komento ngunit hindi pa ito nakatanggap ng tugon hanggang alas-7 ng gabi ng Abril 26.
Bagama’t walang opisyal na hakbang na ginawa para sa internasyonal na pagkilala sa pangalan ng WPS, nagsumite ang gobyerno ng mga dokumento sa UN Commission on the Limits of the Continental Shelf noong Hunyo 15, 2024 upang palawigin ang continental shelf, o geographical boundary ng bansa. Ang Philippine Mission sa UN ay humiling ng pinalawig na hangganan sa rehiyon ng Kanlurang Palawan ng WPS.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs na ang itinalagang technical working group ng gobyerno ang nagtrabaho sa isinumite sa loob ng isa at kalahating dekada.
Mabilis na Pagsusuri: Paano nagkaroon ng WPS?
Opisyal na pinangalanan ng A.O. No. 29 ang West Philippine Sea na sumasaklaw sa “Luzon Sea gayundin ang katubigan sa paligid, sa loob at katabi ng Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Scarborough Shoal.”
Ang parehong depinisyon ng WPS ay nasa Republic Act No. 12064 o Philippine Maritime Zones Act, na nilagdaan noong Nob. 7, 2024.
Ang WPS ay tumutukoy lamang sa EEZ ng Pilipinas at hindi sa buong South China Sea.
Ang 2016 arbitral award, na hindi kinikilala ng China, ay nagpatunay na ang Pilipinas ay nagtatamasa ng sovereign rights sa mga partikular na teritoryo sa WPS. Ang inaangkin ng bansa sa iba pang land features sa lugar ay nananatiling pinagtatalunan dahil sa magkakapatong na hurisdiksyon sa ibang mga estado.