Inilarawan ng artificial intelligence assistant ng Facebook na Meta AI ang paglalagay ng label sa West Philippine Sea (WPS) sa Google Maps bilang “paggigiit ng soberanya ng bansa… at sovereignty claims.”
Ito ay hindi tama. Ang Pilipinas ay may sovereign rights, hindi soberanya, sa mga feature sa WPS, batay sa 2016 arbitral ruling sa South China Sea dispute. Ang Meta AI ay nagkamali rin ng pagpapalagay na pahayag ng buong Senado ang sinabi ni Sen. Francis Tolentino.
Tinutukoy ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang mga karapatan sa soberanya bilang mga eksklusibong karapatan na tinatamasa ng isang estado “para sa layunin ng pag-explore, pag-exploit, pag-iingat at pamamahala ng mga likas na yaman” sa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone nito.
Ang soberanya, sa kabilang banda, ay katangian ng isang estado na tumutukoy sa pinakamataas nitong karapatan na mag-utos ng pagsunod sa loob ng teritoryo nito. Ang pagkakalista lamang sa Google ay hindi nabibigay ng soberanya para sa isang bansa.
Ang soberanya ay hindi mapagpapalit sa sovereign rights.
PAHAYAG
Tinanong ang Meta AI ng dalawang tanong tungkol sa kahulugan ng mas kilala at permanenteng label ng WPS sa Google Maps, na unang iniulat ng mga news outlet noong Abril 14.
Ang mga tanong ay: “Ano ang kahalagahan ng paglalagay ng West Philippine Sea sa Google Maps?” at “Bakit makabuluhan ang paglalagay ng label sa West Philippine Sea?”
Inulit ang mga ito sa tatlong magkahiwalay na device at Facebook account.
Sa pagtalakay ng mga implikasyon ng pag-label sa Google Maps, ang Meta AI ay nagbigay ng mga natatanging tugon sa tatlong pagsubok. Ang mga ito ay:
“Ang paglalagay [ng West Philippine Sea sa Google Maps] ay nagpapatibay sa pag-angkin ng teritoryo ng Pilipinas, na iginigiit ang soberanya nito sa pinagtatalunang lugar.”
“Ang paglalagay [ng West Philippine Sea sa Google Maps] ay nagpapatibay sa pag-angkin ng soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, na isang makabuluhang paggigiit ng teritoryo.”
“Ang update ay nagbibigay ng kredibilidad sa posisyon ng Pilipinas sa patuloy na mga maritime dispute, lalo na sa China, at nagsisilbing geopolitical affirmation ng mga sovereign right ng bansa.”
Binanggit ng Meta AI ang isang pahayag na nagpapatunay sa label at iniugnay ito sa mayorya ng Senado, na sinasabi sa dalawang magkaibang tugon:
“Pinupuri ng Senate Majority ang kaganapan na ito bilang isang makabuluhang pamana para sa nakababatang henerasyon, na sumisimbolo sa isang mahalagang hakbang sa paggigiit ng mga karapatan ng bansa sa teritoryo nito.”
“Ang paglalagay ay pinuri ng Senate Majority, at si TOL ay nagpapahayag ng sigasig para sa hakbang, na tinawag itong “pamana para sa Gen Z, Alpha, Beta.” Ang pinakahuling pangyayari na ito ay nakikita bilang isang makabuluhang tagumpay para sa Pilipinas, na nagpapatibay sa mga pag-aangkin sa teritoryo sa pinagtatalunang rehiyon.”
ANG KATOTOHANAN
Mali ang Meta AI. Ang tinatamasa ng Pilipinas sa WPS ay sovereign rights, hindi soberanya, sa ilalim ng UNCLOS na idineklara ng isang arbitral tribunal sa isang desisyon noong 2016.
Ang tugon na binuo ng AI ay nagkamali din sa pagtukoy kung kanino nagmula ang sipi na ginamit nito. Si Senate Majority Leader Francis Tolentino ang naglabas ng pahayag, hindi ang buong Senate majority na binubuo ng mga miyembro ng koalisyon ng mga partido na may hawak ng mayorya sa kamara.
Sa isang press release noong Abril 14, sinabi ni Tolentino na ang pagkilala ng Google Maps sa WPS ay mag-iiwan ng pamana para sa mga susunod na henerasyon ng mga Filipino.

Pinagtibay ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 ang tinatamasa ng Pilipinas na sovereign rights sa ilang features sa lugar ng South China Sea sa kanluran ng Pilipinas.
Maaaring tukuyin ng korte ang sovereign rights sa exclusive economic zones na ipinagkaloob sa bawat bansa sa ilalim ng UNCLOS. Gayunpaman, ipinaalala ng Korte sa desisyon nito noong 2016 na hindi ito maaaring “magpasya sa anumang usapin ng soberanya sa teritoryo ng lupain at… maglimita sa anumang boundary sa pagitan ng [mga partido].”