MANILA, Philippines — Sa probinsya man o lungsod, popular na alternatibo sa pagbagtas ng mga kalsada ang “habal-habal” — madalas upang makaiwas sa masikip na patintero ng trapiko.
Pero hindi lahat ng sumasakay rito’y nakararating nang ligtas.
Pasado alas-diyes ng gabi, ika-9 ng Setyembre, salpukan ang inabot ng dalawang motorsiklo sa kabahaan ng Mckinley Parkway malapit sa isang tanyag na mall sa Taguig.
Ang nakabangga, kumaripas ng takbo, habang tumilapon naman sa kongreto ang nahagip na habal-habal driver at babae niyang pasahero.
Imbis na habulin ang nakadali sa kanila, matulin ding umeskapo sa eksena ang habal driver — dahilan para maiwang sugatan sa kalsada ang malas na commuter.
Tumangging magbigay ng panayam at pangalan sa PSN ang inabandonang biktima habang binibigyang paunang lunas ng mga naaawang bystander.
Tinangka pang habulin ng security ang tsuper ng habal ngunit wala na itong naabutan — kailangan niyang tumakas sa pananagutan.
“Male-late na po ako,” sabi ng galusang babae habang pumapara ng taxi, na nakauniporme’t may shift pa raw sa isang ospital sa Bonifacio Global City.
Piliin man niyang manatili’t maghabol ng reklamo, saan naman at kanino? Walang ligal na opisina ang mga habal para makapagsuplong ng “iresponsableng” miyembrong tumakas.
Bawal pero walang kulong
Alinsunod sa Republic Act 4136, o Land Transportation and Traffic Code, nananatiling iligal ang serbisyong habal-habal o motorcycle taxi.
Nagklasipika ng tatlong uri ng sasakyan ang Section 7 ng RA 4136 na hindi maaaring pumasada:
- pribadong passenger automobiles
- pribadong trak
- pribadong motorsiklo, scooter o motorwheel attachments
“Motor vehicles registered under these classifications shall not be used for hire under any circumstances and shall not be used to solicit, accept, or be used to transport passengers or freight for pay.”
Kabilang ang mga habal-habal sa mga nabanggit na tipo ng sasakyan.
Dahil diyan, hindi ini-isyuhan ng certificate of public convenience, o prangkisa, ang mga nabanggit.
Bagama’t bawal ang mga ito, walang kaakibat na kulong ang pagiging isang habal-habal.
“Wala,” ani Oliver Tanseco, chief of the Operations Management Division ng Philippine National Police-Highway Patrol Group.
“Kapag sa kolorum, may admin fine ‘yan. Ang ibig sabihin, may penalties ang [Land Transportation Franchising and Regulatory Board], as far as illegal conveyance of passengers are concerned. So sila ang may penalty. So merong admin fine para doon sa operator o owner.”
Habol sa disgasya
Pero paano kung nagresulta sa kapinsalaan o kamatayan ang habal road crash?
Maaari mo nang maipakulong ang isang habal-habal driver alinsunod sa RA 4136. Pero ‘yan ay kung mahahabol mo siya’t hindi ka matatakasan.
“(n) If, as the result of negligence or reckless or unreasonable fast driving, any accident occurs resulting in death or injury of any person, the motor vehicle operator at fault shall, upon conviction, be punished under the provisions of the Revised Penal Code.”
“Sa ngayon kapag may death, pwede naman kung hindi drunk. Kaya lang, ang parusa noon, papasok muna yung reckless imprudence resulting to homicide,” paliwanag pa ni Tanseco.
Kapag nakapatay ka dahil sa nabanggit na sala, maaari ka nang makasuhan ng prision correcional, na maaaring pumalo ng mula dalawang taon, apat na buwan at isang araw hanggang anim na taon.
Para sa mga makakainjure lamang, meron pa rin naman daw itong kulong ani Tanseco, “Basta pumasok ‘yung criminal negligence.”
Mas mataas na parusa naman ang ipapataw oras na hindi ka tumulong sa iyong nasaktan sa panahon ng disgrasya, ayon sa Revised Penal Code:
“The penalty next higher in degree to those provided for in this article shall be imposed upon the offender who fails to lend on the spot to the injured parties such help as may be in this hand to give.”
Pagtangkilik sa gitna ng peligro
Ayon sa World Health Organization noong 2018, lagpas sa sa kalahati ng lahat ng road traffic deaths ay nagmumula sa mga “vulnerable road users,” gaya ng pedestrians, cyclists at motorcyclists.
Kung sa Pilipinas ‘yan, ika-9 na leading cause of death na ang motorcycle crashes, ayon sa ulat ng Land Transportation Office sa Kamara.
Sabi pa ng WHO noong 2015, papatak sa 53% ang naiulat na road traffic fatalities kaugnay ng mga sasakyang dalawa o tatlo lang ang gulong.
Tumaas din ng 21% ang motorbike crashes noong nakaraang taon, ayon sa pagtataya ng Metropolitan Manila Development Authority noong Hunyo.
Ang habal-habal, ‘di tulad ng Angkas na binabantayan ngayon ng Department of Transportation, ay hindi dumadaan sa regulasyon ng gobyerno.
Sa kabila ng patong-patong na na isyung ito, pinipili pa rin ng maraming mananakay ang iligal na motorcycle service para dalhin sila sa “point A” patungong “point B.”
Para kay Dan Mark Piedad, isang commuter, aminado siyang malimit siyang sumasakay ng habal-habal.
“Upang maiwasan ang late. At nakakasingit ito sa napaka habang trapiko. Nakakatipid sa oras. Swak kapag gahol na sa oras,” ani Piedad.
Sa dalas niyang sumakay ng habal, tila napawi na raw sa kanya ang takot na kaakibat ng pagsakay nito: “Ewan ko lang. ‘Di lang ako takot sa bilis. Sanay na.”
Para naman kay Jandel Uy, nauuwi siya rito dahil sa hirap makakuha ng mga sikat na ride-hailing services.
“Tumataas na kasi ‘yung demand sa Angkas ngayon at medyo nagiging mahirap na rin ang pagbook. Madalas na nagmamadali ako kaya napipilitan na rin akong maghabal,” paliwanag ni Uy.
Presyo naman ang isa sa mga idinahilan ng mananakay na si Ehcel Hurna sa kanyang pagsakay rito.
“Dahil mas mura ito at pwede mo ma-bargain ang driver. Minsan kapag kapos ka na, mauunawaan nila. Sa Angkas App, malala ang surge. Parang palagi may surge. Tipong sana nag-Grab na lang ako dahil sa laki ng patong sa presyo,” saad niya.
Pagsasaligal ng habal ‘ikakawala ng habal’
Dahil sa pangangailangan ng marami at kagustuhang matiyak ng gobyerno ang kaligtasan nito, itinutulak tuloy ng ilang maisaligal na ang pagpasada ng mga motorcycle taxi bilang pampublikong transportasyon.
Kasalukuyang nakasalang ang House Bill 4571 ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Senate Bill 1025 ni Sen. Sonny Angara para hayaang mamamayapagpag ang mga nabanggit nang walang takot.
Para naman kay Quezon City Councilor Winnie Castelo, na dating kinatawan ng Kamara, magiging paraan ang pagsasaligal ng mga motorsiklo bilang lehitimong public transportation upang tuluyang mawala ang habal-habal sa kalsada.
“Well, once ni-legalize natin ‘yan sa Congress, wala nang habal-habal. Kasi ‘yung mga habal-habal, ito ‘yung mga kolorum,” sabi niya.
“Para mawala na ‘yung mga habal-habal. Because that is the threat to the safety of the commuters and to the drivers. Walang regulation ‘yan eh. Minsan isang tricycle, sumasakay apat. Minsan ‘yung mga pasahero nila, walang helmet. Minsan, walang mga driver’s license.”
Isa si Castelo sa mga naghain ng HB 8959 noong 17th Congress upang hayaan nang maisapropesyunal ang mga nabanggit na serbisyo.
Nakalusot ito hanggang ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ngunit hindi naaprubahan sa Senado.
“‘Yung motorcycle, very agile. Maliit lamang po ‘yan. Pwedeng mag-maneuver sa mga maliliit na kalye, unlike cars. So why cannot we avail of digital technology?” sabi niya sa isang panayam.
“At the same time, napakaraming nagtotong-its. Napakaraming nagbi-binggo lamang diyan. May-ari ng motor. Opportunity na ito para magkaroon sila ng hanapbuhay.”
Dati na raw niyang nabisita ang training center ng Angkas, at natuwa dahil naroon raw ang wastong pagsasanay, mga helmet, safety mask, jacket na mahahawakan ng pasahero at maging oryentasyon sa pagiging magalang.
Ayon naman kay George Royeca, head ng Regulatory at Public Affairs ng Angkas, wala silang problemang i-“absorb” ang mga tsuper ng habal-habal oras na maging ligal ang mga nabanggit.
“Well, marami pong Angkas na nanggaling sa mga habal-habal. ‘Yun po talaga ‘yung unang pool of applicants na kinukuha natin. The idea here is to really professionalize the habal-habals. So ‘yun po talaga ‘yung pinakaunang tinatarget po natin na mga aplikante para maging Angkas riders,” sabi niya.