Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na “hindi kinakailangan” ang bakuna para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), at ang New Zealand at Vietnam ay hindi nagpataw ng mga lockdown upang masugpo ang pandemic.
Mali ang parehong pahayag.
PAHAYAG
Sa isang episode ng kanyang isang oras na talk show na Counterpoint noong Marso 16 na ipinalabas sa mga broadcast channel ng gobyerno, iginiit ni Panelo na kailangan lamang ng mga Pilipino na magsagawa ng minimum na public health standards para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Sinabi niya:
“[P]aulit-ulit ko pong sasabihin sa inyo, we don’t need a lockdown. We don’t need even (sic) a vaccine, kung sa totoo lang, kung tayo lang ay susundin lang natin ‘yung minimum health protocols … Tignan niyo, New Zealand, Vietnam, and Taipei, anong ginawa nila? Nag-lockdown ba sila? Hindi.”
([P]aulit-ulit ko pong sasabihin sa inyo, hindi natin kailangan ng lockdown. Ni hindi nga natin kailangan ng bakuna, kung sa totoo lang, kung tayo ay susundin lang natin ‘yung minimum health protocols … Tignan niyo, New Zealand, Vietnam, at Taipei, anong ginawa nila? Nag-lockdown ba sila? Hindi.)
Pinagmulan: RTVMalacanang, Counterpoint by Secretary Salvador Panelo 3/16/2021, Marso 17, 2021, panooorin mula 5:04 hanggang 5:28
Sinabi ng kalihim na ang mga hurisdiksyon na ito ay may kakayahang ma-kontrol ng virus sa pamamagitan ng “simpleng” mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng mga mask at mga face shield, paghuhugas ng kamay, at pagsunod sa physical distancing.
ANG KATOTOHANAN
Mali si Panelo sa dalawang kadahilanan.
Una, ang mga lokal at internasyonal na awtoridad sa kalusugan ay kapwa binigyang diin ang kahalagahan ng mga bakuna sa konteksto ng COVID-19 pandemic.
Nasabi ng World Health Organization na ang ligtas at mabisang bakuna ay magiging isang “gamechanger” sa pakikipaglaban sa sakit, na sa buong mundo ay may nahawahan nang 125,160,225 katao, kung saan 2,748,737 ang namatay noong sa tala noong 11:44 ng umaga ng Marso 26.
Sinabi ng Department of Health (DOH) na ang pagbabakuna ay “isang mahalagang paraan upang maprotektahan ang [sarili] mula sa pagkakaroon ng matinding COVID-19,” kasama ang pagsunod sa minimum public health standards.
Mahalaga rin ang pagbabakuna upang makamit ang “herd immunity,” na tinukoy ng WHO bilang “hindi direktang proteksyon [ng isang populasyon] mula sa isang nakakahawang sakit.” Maaari lamang itong makamit kapag ang isang “malaking bahagi” ng populasyon (hindi bababa sa 70%, ayon sa DOH) ay nabakunahan. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: What to expect once the COVID-19 vaccines are rolled out)
Kapag naabot ang herd immunity, “ang mga kaso ay sobrang bababa” dahil ang “posibilidad na makipag-ugnayan sa isang taong nahawahan ay napakababa,” ayon sa isang global team ng mga public health expert na binuo ng international nonprofit Meedan.
Ang mga bakuna ay biological products na naglalaman ng “pinatay” o “huminang” bersyon, o mga bahagi, ng isang bacteria o virus na nagdudulot ng isang partikular na sakit, tulad ng COVID-19, na ginagamit upang sanayin ang immune system ng katawan para makadebelop ng pangmatagalang kaligtasan sa sakit. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Sagot sa limang tanong tungkol sa bakuna laban sa COVID-19)
Ang pagkakaroon ng immunity sa pamamagitan ng pagbabakuna ay nangangahulugang “mayroong bawas na peligro sa pagkakaroon ng sakit at mga kahihinatnan nito,” sinabi ng WHO sa isang artikulo noong Abril 2020. Idinagdag nito:
“Getting vaccinated may also protect people around you, because if you are protected from getting infected from a disease, you are less likely to infect someone else.”
(Ang pagpababakuna ay maaari ring protektahan ang mga tao sa paligid mo, dahil kung protektado ka sa pagkakaroon ng impeksyon mula sa isang sakit, mas malamang na hindi ka makakahawa ng iba.)
Ang pahayag ni Panelo ay sumasalungat din sa paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte, na sinabi sa isang pahayag sa telebisyon noong Abril ng nakaraang taon na ang mga jab na ito ay ang “solusyon” sa pandemic, “wala nang iba pa.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte sinabing nagbabala siya tungkol sa ‘nakamamatay’ na COVID-19 mula pa sa simula. Hindi naman.)
Pangalawa, habang ang Taiwan (kung nasaan ang Taipei City), sa katunayan, ay hindi nagkaroon ng laganap na lockdown para mapigilan ang pagkalat ng virus, kapwa New Zealand at Vietnam ay ilang beses nag lockdown.
Noong 2021 lamang, dalawang beses ipinasailalim ng gobyerno ng New Zealand ang Auckland, ang pinakamalaki at pinakapopular na lungsod ng bansa, sa “Alert Level 3,” ang pangalawang pinaka mahigpit na set ng mga paghihigpit: noong Peb. 14 (tatlong araw) at Peb. 27 (pitong araw).
Sa ilalim ng Alert Level 3, “ligal na dapat manatili sa bahay” ang mga tao kapag wala sa trabaho o paaralan, ngunit pinapayuhang gawin ito pareho mula sa bahay kung posible. Limitado rin ang biyahe at mga public gathering, habang ang mga pampublikong lugar, kasama ang mga gym at sinehan, bukod sa iba pang mga establisimiyento, ay sarado.
Unang nagpatupad ang New Zealand ng mga naturang paghihigpit noong Marso 23 ng nakaraang taon sa loob ng dalawang araw. Pagkatapos ay lumipat ito sa “Alert Level 4″ (ang pinakamataas na antas), habang ang bansa ay nag “self-isolation,” hanggang Abril 27, 2020. Sinabi ni Prime Minister Jacinda Ardern, noong panahong iyon, na “ang mga desisyong ito ay maglalagay ng pinakamahalagang paghihigpit sa mga paggalaw ng New Zealand sa modernong kasaysayan.”
Sa Southeast Asia, ang Vietnam ang unang bansa na nagpataw ng mga lockdown measure, nang ilagay nito sa ilalim ng quarantine ang buong Son Loi commune sa lalawigan ng Vinh Phuc, malapit sa kabiserang Hanoi, sa loob ng 20 araw simula Peb. 13, 2020. Ito ay matapos makita ang kumpol ng mga kaso ng COVID-19 sa lugar. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK YEARENDER: Ang papel ng administrasyong Duterte sa COVID misinformation)
Noong Abril ng nakaraang taon, nagpatupad ang gobyerno ng 15-araw na “social distancing order” sa buong bansa, na nangangahulugang “bawat household, village, commune, distrito, at lalawigan” ay dapat mag “self-isolation,” ayon sa Vietnam Government Portal.
Ang Pilipinas ay ang pinakamatinding tinamaan na bansa sa Western Pacific Region ng WHO — na kinabibilangan din ng New Zealand, Vietnam, at Taiwan — sa tala ng mga kaso hanggang Marso 25.
Sa parehong episode ng Counterpoint, nagbitaw din si Panelo ng mapanlinlang na pahayag na ang pagmumog ng asin at tubig ay makakatulong na maiwasan ang COVID-19 infection. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Panelo misleads in suggesting gargling with salt water can prevent COVID infection)
Mga Pinagmulan
RTVMalacanang, Counterpoint by Secretary Salvador Panelo 3/16/2021, March 17, 2021
On vaccines
- Department of Health, Updates on COVID-19 Vaccines, Accessed March 26, 2021
- World Health Organization, COVID-19 vaccines, Accessed March 26, 2021
- U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Benefits of Getting a COVID-19 Vaccines, Accessed March 26, 2021
- World Health Organization, WHO Coronavirus (COVID-19) Dashboard, Accessed March 26, 2021
- Department of Health, FAQs: Vaccines, Accessed March 26, 2021
- Department of Health, GUIDELINES ON THE RISK-BASED PUBLIC HEALTH STANDARDS FOR COVID-19 MITIGATION, April 27, 2020
- World Health Organization, Coronavirus disease (COVID-19): Herd immunity, lockdowns and COVID-19, Dec. 31, 2020
- Meedan COVID-19 Vaccine Media Hub, Vaccine Basics, March 8, 2021
- World Health Organization, COVID-19: What we know about the future of COVID-19 vaccines, April 24, 2020
- RTVMalacanang, Talk to the Nation on COVID-19 4/6/2020, April 7, 2020
On New Zealand lockdown
- Covid19.govt.nz, About the Alert System, Accessed March 22, 2021
- New Zealand Herald, Auckland shifted to Alert Level 3, rest of NZ to level 2 | nzherald.co.nz, Feb. 14, 2021
- New Zealand Ministry of Health, COVID-19 (novel coronavirus) update – 27 February, 2021 9pm | Ministry of Health NZ, Feb. 27, 2021
- Covid19.govt.nz, Alert Level 3, Accessed March 22, 2021
- Covid19.govt.nz, History of the COVID-19 Alert System, Accessed march 22, 2021
- Reuters, New Zealand prepares to enter lockdown as coronavirus cases surge, March 23, 2020
On Vietnam lockdown
- VNExpress International, How Vietnam fought a pandemic and won, Dec. 22, 2020
- The Straits Times, Vietnam quarantines area with 10,000 residents over coronavirus fears, Feb. 13, 2020
- Reuters, Vietnam quarantines rural community of 10,000 because of coronavirus, Feb. 13, 2020
- Nikkei Asia, Vietnam locks down Son Loi district near Hanoi for 20 days, Feb. 14, 2020
- Vietnam Law and Legal Forum, PM orders strict nationwide social distancing rules, starting April 1, March 31, 2020
- The Online Newspaper of the Government of the Socialist Republic of Vietnam, Viet Nam to go into 15-day nationwide social distancing to curb COVID-19, March 31, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)