Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Badoy itinanggi ang Lumad, mali sa pagsabing mga ‘Reds’ ang lumikha ng katagang ito

Noong nakaraang buwan, itinanggi ni Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy ang pagkakaroon ng isang pangkat ng mga katutubo sa bansa na tinatawag na “Lumad." Isang "imbentong kataga" raw ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) at mga kaalyadong samahan para maisulong ang kanilang agenda. Mali si Badoy.

By VERA Files

Mar 4, 2021

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Noong nakaraang buwan, itinanggi ni Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy ang pagkakaroon ng isang pangkat ng mga katutubo sa bansa na tinatawag na “Lumad.” Isang “imbentong kataga” raw ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) at mga kaalyadong samahan para maisulong ang kanilang agenda. Mali si Badoy.

Inulit niya ang kanyang maling pahayag ngayong linggo, at tinawag na isang “kasinungalingan” ang isang fact check na artikulo tungkol dito

PAHAYAG

Sa isang Facebook (FB) post noong Peb. 19, sinabi ni Badoy, tagapagsalita rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na:

“Coffee break chika (tsismis).

There is no LUMAD. ‘LUMAD’, like ‘Red[-]tagging’, is a word the CPP NPA (New People’s Army) NDF (National Democratic Front of the Philippines) made up to make their disgusting goals of fundraising and the destruction of our country easier.

(Walang LUMAD. Ang ‘LUMAD’, tulad ng ‘Red[-]tagging’, ay isang salita na ginawa ng CPP NPA (New People’s Army) NDF (National Democratic Front of the Philippines) upang gawing mas madali ang kanilang karima-rimarim na mga layunin na mangalap ng pondo at sirain ang ating bansa.)

So kung baga sa inumin, mas madaling ibenta ang ‘MILO’ kesa ‘chocolate drink’.”

Pinagmulan: Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy official Facebook account, “Coffee break chika. There is no LUMAD…,” Peb. 19, 2021

Sa comments section, tinanong ng isang netizen kung ang salitang “Lumad” ay inimbento lamang.

Sumagot si Badoy at sinabing tumutukoy ito sa isang tribo lamang sa paligid ng Cebu, at “hindi sa lahat ng mga tribo sa Mindanao” na ipinalalabas umano ng CPP-NPA-NDF.

ANG KATOTOHANAN

Hindi totoo ang parehong pahayag ni Badoy.

Ang “Lumad,” isang salita na kinikilala sa batas ng Pilipinas, ay isang salitang Cebuano Visayan para sa “katutubo” na naitala sa 1972 dictionary of Cebuano Visayan ni John Wolff, isang propesor emeritus ng linguistics sa Cornell University. Ang isang kopya ng entry sa diksyunaryo ay ibinahagi sa VERA Files Fact Check ng medical anthropologist na si Michael Tan, dating chancellor ng University of the Philippines Diliman.

Ang salitang ito ay ipinagtibay ng 15 sa hindi bababa sa 18 “mga ethnic group” sa Mindanao na hindi Moro o Christian sa isang pagpupulong 34 taon na ang nakalilipas, batay sa isang artikulo noong 2015 na inilathala sa website ng National Commission for Culture and the Arts.

Ang “collective decision” ng mga grupo na gagamitin ang katagang ito ay ginawa noong 1986 Cotabato Congress, kung saan tinalakay ng mga lokal at panrehiyong grupong katutubo sa Mindanao ang “mga isyu sa kanilang pakikibaka para sa cultural determination sa kani-kanilang mga ancestral land,” ayon sa isang monograph sa Lumadnon (plural ng Lumad) na inilathala ng National Museum of the Philippines noong 2020.

Sa isang artikulong inilathala sa Mindanews noong Disyembre, sinulat ni Rudy Rodil, isang Mindanao historian at dating vice chair ng peace panel ng gobyerno kasama ang Moro Islamic Liberation Front:

The choice of a Cebuano word – Cebuano is the language of the natives of Cebu in the Visayas – was a bit ironic but it was deemed to be most appropriate considering that the various Lumad tribes do not have any other common language except Cebuano.

(Ang pagpili ng salitang Cebuano — ang Cebuano ay wika ng mga katutubo ng Cebu sa Visayas — tila isang balintunaan ngunit itinuring na pinakaangkop kung isasaalang-alang na ang iba’t ibang mga tribo ng Lumad ay walang ibang karaniwang wika maliban sa Cebuano.)

Pinagmulan: Mindanews.com, ANGAY-ANGAY LANG: The Minoritization of the Indigenous Communities of Mindanaw and Sulu (5), Dis. 1, 2020

Habang 15 mga ethnolinguistic group lamang ang kasama sa kasunduan na gamitin ang kataga sa Kongreso noong 1986, sinabi ng mga mananaliksik na humigit-kumulang 20 hanggang 40 na hindi Muslim na pangunahing at mga sub-grupo ay pasok sa kategorya ng Lumad, binanggit ng National Museum monograph.

Natukoy sa libro ang 19 na “pangunahing” mga grupo ng Lumad: Ata, B’laan, Bagobo, Banwaon, Bukidnon, Dibabawon, Higaunon, Mamanwa, Mandaya, Manguwangan, Mansaka, Manobo, Matigsalug, Obo, T’boli, Tagakaolo, Talaandig, Teduray, at Subanen.

Ang salitang “Lumad” ay opisyal na pinagtibay sa batas ng Pilipinas noong Agosto 1989, nang maisabatas ang Republic Act 6734, na lumikha ng Autonomous Region in Muslim Mindanao. Sa paggamit ng katagang ito, tinukoy ng batas ang pagkakaiba ng mga “Lumad” o “mga tribo” sa Mindanao mula sa mga Moro.

Ang mga maling pahayag ni Badoy ay pinakawalan apat na araw matapos ang pagsasagawa ng sinabi ng pulisya na isang “operasyon ng pagsagip” sa mga menor de edad na sinasanay umano na maging mga mandirigma sa University of San Carlos retreat house sa Cebu noong Peb. 15.

Makalipas ang isang araw, sinabi ng Save Our Schools Network, isang grupo ng nongovernment organizations na nagtataguyod ng karapatan ng mga bata sa edukasyon, na 25 Lumadnon ang sapilitang kinuha, kasama ang dalawang matanda, dalawang guro at mga mag-aaral.

Hanggang March 4, ang post ni Badoy na may maling pahayag ay nakakuha na ng halos 1,100 reactions at 3,321 shares sa platform.

Ang post ng undersecretary noong Peb. 19 ay isang pagbaligtad sa naunang FB status noong Oktubre 2015, kung saan kinilala niya na ang Lumad ay mula sa Mindanao, at nakisimpatya pa sa kanilang kalagayan.

Si Badoy, na ang post ay na fact-check din ng Rappler noong nakaraang buwan, ay nanindigan sa kanyang maling mga pahayag. Noong Marso 2, ni-red-tag pa ng tagapagsalita ng NTF-ELCAC ang organisasyon ng media, na sinabi, nang walang batayan, na ito ay isang “kaibigan at kaalyado ng organisasyong terorista [CPP-NPA-NDF].”

Sa parehong post, sinabi niya na ang kanyang pahayag na ang paggamit ng CPP-NPA-NDF ng terminong “Lumad” para mangalap ng pondo ay “hindi isang personal na opinyon ngunit opisyal na pahayag ng [NTF-ELCAC] at samakatuwid ang opisyal na paninindigan ng pamahalaang Pilipinas.”

Dalawang beses na na-flag ng VERA Files si Badoy para sa kanyang maling mga pahayag, na parehong nauugnay sa CPP-NPA-NDF:

 

Mga Pinagmulan

Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy official Facebook, Coffee break chika. There is no LUMAD, Feb. 19, 2021

National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Official Facebook, Retrieved on Feb. 28, 2021

Wolff, J. (1972). A dictionary of Cebuano Visayan. Lumad. pg. 640. Cornell University, Southeast Asia Program and Linguistic Society of the Philippines. Retrieved on March 3, 2021

Cornell University: The College of Arts & Sciences, The Department of Linguistics: John U. Wolff

Personal communication with Dr. Michael T. Tan of University of the Philippines (UP)-Diliman, March 3, 2021

Personal communication with Prof. Jose Monfred Sy of Department of Filipino and Philippine Literature, UP-Diliman, Feb. 27, 2021

University of the Philippines-Diliman, Curriculum Vitae of Michael Tan. Retrieved on March 3, 2021

National Commission for Culture and the Arts, LUMAD in Mindanao, April 16, 2015

National Museum of the Philippines Ethnology Division, Lumad Mindanao 2020

Montiel, C., Rodil, R., Guzman, J. (2012). The Moro Struggle in Southern Philippines. The Moro Struggle and the Challenge to Peace Building in Mindanao, Southern Philippines. Retrieved on Feb. 26, 2021

Mindanews.com, ANGAY-ANGAY LANG: The Minoritization of the Indigenous Communities of Mindanaw and Sulu (5), Dec. 1, 2020

Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 6734: An Organic Act for the Autonomous Region in Muslim Mindanao, Aug. 1, 1989

Philippine National Police Official Facebook page, POLICE RESCUE 19 LUMAD MINORS UNDERGOING CHILD WARRIOR TRAINING IN CEBU, Feb. 15, 2021

Save our Schools Network Official Facebook page, STATEMENT: On the blatant attack and illegal arrest of 26 lumad students, teachers and elders of Bakwit School in Cebu, Feb. 16, 2021

Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy official Facebook, A few days ago, my daughter told me something she learned in school…, Oct. 27, 2015

Rappler.com, FALSE: Lumad is a word made up by the CPP-NPA-NDF, Feb. 25, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.