Bumaligtad si Peter Joemel Advincula na nagpakilalang si “Bikoy,” ang nakatalukbong tao sa mga video ng “Ang Totoong Narco List”, at sinangkot isinangkot ang Liberal Party (LP) at si Sen. Antonio Trillanes sa serye ng video na nagdawit sa mga miyembro ng pamilya ng presidente at mga kaalyado nito sa iligal na droga.
Mula sa pagtitiyak na siya ay “hindi konektado” sa anumang partidong pampulitika o kaugnayan sa pulitika, binago ni Advincula ang kanyang kwento matapos mapunta sa pag-iingat ng pulisya 17 araw mula ng kanyang press briefing sa Integrated Bar of the Philippines.
PAHAYAG
Sa isang press briefing sa Philippine National Police, Mayo 23, isang araw matapos siyang sumuko umano sa mga awtoridad, nagsalita si Advincula tungkol sa mga pahayag na ginawa sa serye ng video:
“Hindi totoo ‘yun. Walang katotohanan lahat-lahat ‘yun. At ‘yoon pawang orchestrated (gawa-gawa) lamang ng mga nasa kabilang party (partido), which is the Liberal Party under the handling of (sa ilalim ng pangangasiwa ni) Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV.”
Pinagmulan: PNP official Facebook page, NOW: Media briefing on the surrender of Peter Joemel Advincula, the confessed “Bikoy” character behind the “Ang Totoong Narcolist” video series, Mayo 23, 2019, panoorin mula 7:28 hanggang 7:47.
PAG BALIGTAD
Ito ay eksaktong kabaligtaran ng sinabi ni Advincula noong Mayo 6 sa press briefing sa IBP, ang unang pagkakataon na nagpakilala siya bilang Bikoy sa serye ng video:
“Gusto kong linawin na wala akong kaugnayan sa kahit kaninong kandidato. Lalo na sa
mga kandidato ng Otso Diretso, o anumang political party o political affiliation (partidong pampulitika o kaugnayan sa pulitika.)”Pinagmulan: ABS-CBN, Man behind viral anti-Duterte video surfaces, Mayo 6, 2019, panoorin mula 1:05 hanggang 1:20
Ngunit sa isang pahayag noong Mayo 23, ipinagpilitan niya na hindi niya kilala si Rodel Jayme, na kinasuhan ng inciting to sedition dahil sa umano’y pag-upload at pagbabahagi ng kontrobersyal na mga video. Sinabi din ni Advincula na hindi siya konektado at “hindi kailanman nakipagkita” sa mga personalidad ng media na nasa matrix ng Malacañang na isang umanong plano na guluhin ang pamahalaan.
Parehong-pareho ito sa kanyang pahayag kung saan sinabi niya na siya ay “walang koneksyon” sa mga personalidad at institusyon ng media na pinangalanan sa matrix na inilabas ng Malacañang. Ang matrix, gamit ang “Ang Totoong Narcolist” na mga video, ay pinagsama-sama ang ilang mga mamamahayag, abogado, at mga oposisyon sa isa umanong plano na pabagsakin ang pamahalaan.
Mga Pinagmulan
Philippine National Police official Facebook page, NOW: Media briefing on the surrender of Peter Joemel Advincula, the confessed “Bikoy” character behind the “Ang Totoong Narcolist” video series, May 23, 2019
ABS-CBN, Man behind viral anti-Duterte video surfaces, May 6, 2019
GMA News, REPLAY: PNP press conference on arrest of Peter Joemel Advincula alyas Bikoy, May 23, 2019
CNN Philippines, DOJ to file inciting to sedition charge vs. Rodel Jayme, May 6, 2019
ABS-CBN News, DOJ indicts website creator Rodel Jayme for inciting to sedition | ANC, May 6, 2019
Rappler.com, TIMELINE: The ‘Bikoy’ controversy, May 8, 2019