Skip to content
post thumbnail

​VERA FILES FACT CHECK: Ilang presidente na ang nagdeklara ng martial law sa Pilipinas?

Hindi, sa katunayan, si Duterte ang ika-apat, mula nang maging isang republika ang Pilipinas noong 1899.

By VERA Files

Jun 8, 2017

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mukhang nakalimutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga detalye sa kasaysayan ng Pilipinas sa kanyang speech.

Habang pinararangalan ang mga sundalo ng 1st Mechanized Infantry Brigade ng Philippine Army sa Sultan Kudarat, sinabi ni Duterte na siya pa lang ang ikalawang presidente na nagdeklara ng martial law sa bansa.

Ang pahayag

“Alam n’yo, ako ang ikalawang presidente ng republikang ito na nagdeklara ng martial law. Kahit na ayaw ko, dalawa lang kami na opisyal (on record?) na nagdeklara ng martial law at hindi maganda iyan para sa akin dahil ang gusto ko talaga ay kapayapaan para sa aking bansa.”

(Pinagmulan: Talumpati ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte habang binibista ang 1st Mechanized Infantry (Maasahan) Brigade, Mechanized Infantry Division Philippine Army, Camp Leono, Tacurong City, panoorin mula 5:06 – 5:26)

Si Duterte nga ba ang ikalawa pa lang na pangulo na “opisyal” na nagdeklara ng martial law?

FACT

Hindi.

Sa katunayan, si Duterte ang ika-apat, mula nang maging isang republika ang Pilipinas noong 1899. Lahat ng apat na mga deklarasyon ay ginawa sa pamamagitan ng mga presidential proclamation.

Unang namulat ang bansa sa martial law noong Setyembre 21, 1944, sa pamamagitan ng Proclamation No. 29 ni Jose P. Laurel na isinulat sa panahon ng World War II.

Ipinasailalim ni Laurel ang buong bansa sa martial law at sinuspindi ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus dahil sa napipintong panganib ng pananakop at para sa kaligtasan ng publiko.

Ipinatupad ang kautusan ika-9 ng umaga kinabukasan.

Nanumpa si Jose P. Laurel bilang Pangulo ng Ikalawang Republika ng Pilipinas noong Oktubre 14, 1943. Pagkalipas ng isang taon, ipinasailalim niya ang bansa sa martial law. (Presidential Museum and Library)

Pagkalipas ng dalawampu’t walong taon, noong Setyembre 21, 1972, pinirmahan ni Ferdinand Marcos ang Proclamation No. 1081, na naglalagay sa buong arkipelago sa ilalim ng batas militar.

Sa nasabing proklamasyon, iniutos ni Marcos na ang lahat ng mga taong nakakulong bunga ng iba’t ibang krimen kabilang na ang insureksyon o rebelyon at mga krimen laban sa kaayusang pampubliko ay “mananatiling nasa detensyon hangga’t walang utos na pakawalan mula sa akin o mula sa aking itinalagang kinatawan.”

Tinapos niya ang batas militar noong Enero 17, 1981.

Ang headline noong Setyembre 24, 1972, isyu ng Sunday Express (gov.ph)

Ang ikatlong pagkakataon ay noong ilagay ni Gloria Macapagal Arroyo ang probinsya ng Maguindanao, hindi kasama ang ilang mga lugar, sa ilalim ng martial law sa pamamagitan ng Proclamation No. 1959.

Ito ay matapos ang “Maguindanao massacre” noong Nobyembre 23, 2009, kung saan 57 katao ang pinatay.

Ang martial law ni Arroyo ay nagtagal ng siyam na araw, mula Disyembre 4 hanggang 12.

Ang Proclamation No. 216 ni Duterte noong May 23, 2017, ay ang ika-apat na deklarasyon ng martial law sa bansa mula nang ito ay maging isang republika.

Pagkatapos ng pag atake ng Maute terrorist group sa Marawi City, Lanao del Sur, inilagay ni Duterte ang Mindanao sa ilalim ng batas militar habang siya ay nasa Russia para sa isang opisyal na pagbisita.

Mga pinagmulan:

Talumpati ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang pagbisita sa 1st Mechanized Infantry (Maasahan) Brigade, Mechanized Infantry Division, Philippine Army

malacanang.gov.ph, Understanding the Second Philippine Republic

Proclamation No. 29

Proclamation No. 1081, s. 1972

Proclamation No. 1959, s. 2009

Proclamation No. 216, s. 2017

Ang
VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na
mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga
ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng
International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan
bisitahin ang pahinang ito.

 

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.