Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Maaari bang pahabain ni Duterte ang kanyang termino bilang pangulo?

Sa ilalim ng kasalukuyang konstitusyon, hindi.

By VERA Files

Aug 4, 2017

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Umaasa si Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson na mapahaba ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang termino “sa anumang posibleng paraan.”

ANG PAHAYAG

Sa kanyang kolum sa Philippine Star noong Hulyo 4, binanggit ni Uson ang mga nagawa ng kasalukuyang administrasyon sa unang taon nito at sinabi:

“Kung marami siyang nagawa sa loob lamang ng isang taon, isipin (natin) kung ano ang maaaring magawa niya para sa mga Pilipino sa kanyang natitirang limang taon? Lalo na kung ang iba pang mga pulitiko ay hihinto sa pag-iintindi sa kanilang sariling interes at simulan ang paggawa ng kanilang tungkulin sa mga tao.

“Naniniwala ako na hindi sapat ang anim na taon. Umaasa ako na ipagpapatuloy niya ang kanyang termino sa anumang paraan upang tiyakin na ang ating bansa ay maiaangat mula sa kakila-kilabot na hukay na pinagdalhan sa atin ng mga nakaraang Pangulo.”

Pinagkunan: “Extend Duterte’s term?,” The Philippine Star, Hulyo 4, 2017

Maaari bang palawigin ni Duterte ang kanyang termino bilang presidente?

FACT

Sa ilalim ng kasalukuyang konstitusyon, hindi.

Ang termino ni Pangulong Duterte ay limitado lamang sa anim na taon, ayon sa Artikulo VII Seksiyon 4 ng Konstitusyon ng 1987. Siya rin ay walang karapatan na muling tumakbo para sa panguluhan.

“Ang Pangulo ay hindi magiging karapat-dapat sa ano mang muling pagkahalal. Walang tao na nagtagumpay bilang Pangulo at nagsilbi ng higit sa apat na taon ang karapat-dapat para sa halalan sa parehong tanggapan sa anumang oras,” ayon sa pangunahing batas ng bansa.

Lawyer Christian Monsod, one of the framers of the 1987 Constitution, said there are only two ways that will allow a president to extend his/her term.

Sabi ng abogadong si Christian Monsod, isa sa mga bumalangkas ng 1987 Konstitusyon, mayroon lamang dalawang paraan na magpapahintulot sa isang pangulo na pahabain ang kanyang termino.

“Walang iba pang paraan kundi ang pag-amyenda sa Konstitusyon o paglipat sa isang sistema ng parlyamentaryo gaya ng sinubukan ni Pangulong Arroyo sa Sigaw ng Bayan noong 2006,” sabi ni Monsod.

BACKSTORY

Noong 2006, isang multi-sektoral na grupo na nagngangalang Sigaw ng Bayan ang nagsimula ng isang pambansang kampanya para mangalap ng mga pirma, kasama ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP). Kumuha sila ng suporta para maging parlyamentaryo ang sistema ng pamahalaan sa bansa sa pamamagitan ng pagbabago ng konstitusyon.

Ang people’s initiative ay isa sa tatlong paraan upang magmungkahi ng pagbabago sa anumang probisyon ng kasalukuyang Konstitusyon. Ang iba ay sa pamamagitan ng Kongreso, bilang isang constituent assembly, sa boto ng tatlong-ikaapat na bahagi ng lahat ng mga miyembro nito; at sa pamamagitan ng constitutional convention na tinawag para sa layuning ito. Ang lubusang pagpapanibagong-ayos o pagrebisa ng saligang batas ay maaari lamang gawin sa pamamagitan ng huling dalawang pamamaraan.

Ang Sigaw ng Bayan ay nakatipon ng higit sa 6 milyong pirma, ngunit ang inisyatiba ay ibinasura ng Korte Suprema. Tinawag ito ng Kataas-taasang Hukuman na “walang pasubaling suporta sa adyenda ng [dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo] na baguhin ang Konstitusyon.”

“Walang dami ng mga lagda … ang maaaring magbago ng ating Konstitusyon na salungat sa mga partikular na paraan na itinakda ng mga tao, sa kanilang pinakamakapangyarihang kakayahan, nang kanilang pagtibayin ang Konstitusyon. Ang alternatibo ay isang ekstra-konstitusyunal na pagbabago, na nangangahulugan ng pagwasak ng pinakamataas na kapangyarihan ng mamamayan at pagpapawalang halaga sa Konstitusyon. Ito ay isang pagkilos na hindi maaaring gawin at hindi dapat gawin ng Korte,” pinasiyahan ng SC sa desisyon nito.

Sa ilan sa kanyang mga pahayag, paulit-ulit na sumumpa si Duterte na bumaba sa kanyang posisyon sa sandaling ang pederalismo ay maipatupad, kapalit ng kasalukuyang sentralisadong sistema ng pamumuno sa bansa.

“Tumawag ka para sa isang reperendum at pagkatapos tumawag naman ng isang pampanguluhan halalan, alis na ako. Sibat na ako (Aalis ako),” sabi niya sa kanyang unang State of the Nation address.

Hindi tulad sa sistemang unitary kung saan ang kapangyarihan ay hawak ng sentral na gobyerno, ang kapangyarihan at awtoridad sa pederal na sistema ay sa pagitan ng isang sentral na pamahalaan at ng mga pang-estado o panlalawigang pamahalaan nito.

Noong Disyembre 2016, nilagdaan ni Duterte ang Executive Order 10 na naglikha ng isang consultative commitee na inatasang “mag-aral, magsagawa ng mga konsultasyon at repasuhin ang mga probisyon ng 1987 Saligang-batas kabilang, ngunit hindi limitado sa, mga probisyon sa istruktura at kapangyarihan ng gobyerno, lokal na pamamahala at mga patakaran sa ekonomiya.”

Ang iba pang paraan para pahabain ang termino ng pangulo ay itinuturing na extralegal at kadalasang diktatoryal o awtoritaryan.

Tinukoy ni Political Science professor Aries Arugay ang tatlong paraan na labas sa Konstitusyon na humantong sa pagpapahaba ng termino sa nakaraan, sa kasaysayan ng Pilipinas at iba pang mga bansa. Gumawa ng pagsasaliksi si Arugay tungkol sa electoral politics at kasalukuyang nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Una ay sa pamamagitan ng isang coup d’etat o pag-agaw ng militar sa kapangyarihan.

“Maaari sabihin ng militar na aming ibinabasura ang Konstitusyon. Ito ay isang kabuuang pagkamkam ng kapangyarihan,” ani Arugay. Dagdag niya: sa pamamagitan ng pagbabago ng pamahalaan, maaaring tanggalin o panatilihin ng militar si Duterte bilang presidente.

Pangalawa ay sa pamamagitan ng “autogolpe” o self-coup, kung saan lalansagin o sususpindihin ng kasalukuyang pinuno ang mga konstitusyonal na pamamaraan at akuin ang pambihirang kapangyarihan upang magsagawa ng mga patakaran.

Noong 1972, sa kanyang ikalawa at huling termino sa katungkulan, inilagay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang buong bansa sa ilalim ng batas militar, at binanggit ang mga banta sa pambansang seguridad bilang pangunahing dahilan.

“Ito ay maituturing na isang kudeta dahil pinalitan niya ang kanyang mandato — mandato mula sa eleksyon — sa batas militar. Kaya’t ang pinagkuhanan niya ng pag-angkin sa kapangyarihan ay hindi na ang termino niya sa opisina na dapat niyang paglingkuran hanggang matapos, ngunit batas militar na. Ang tawag dun, self-coup. Uso yun noon, nung Cold War, sa Latin America,” sabi ni Arugay.

Ang binagong Saligang Batas ng 1935 na namamahala sa administrasyon ni Marcos bago ang batas militar ay naglilimita sa termino ng Pangulo sa apat na taon. Tinukoy nito na “walang tao na maglilingkod bilang Pangulo ng higit sa walong magkakasunod na taon.”

Gayunpaman, kahit na sa mga taon ng kanyang pagiging isang diktador, naging mag-ingat si Marcos na huwag labagin ang umiiral na Konstitusyon, ayon kay Arugay.

“Alam niya na iyan ang kanyang paraan upang talagang bigyang-katwiran, gawing legal ang kanyang kasakiman. Kaya nga di ba ang tawag constitutional authoritarianism. Kung titingnan mo ang lahat nang nangyari sa batas militar, mayroong legal na panakip, “sabi ni Arugay, na binanggit ang iba’t ibang mga executive order, decree at proclamation na inisyu ni Marcos.

Ikatlo ay sa pamamagitan ng pagputol sa termino ng pangulo para magbigay daan sa isang bagong Konstitusyon. Ginawa ito ni Hugo Chavez noong 1999, nang siya ay nahalal na presidente ng Venezuela.

Si Chavez ay dapat magkaroon ng isang termino ng limang taon, ngunit noong siya nanungkulan noong Pebrero 1999, pinangasiwaan niya ang pagbalangkas ng isang bagong konstitusyon. Ito ay ipinasa (o pinagtibay?) sampung buwan pa lamang ang kanyang administrasyon, noong Disyembre ng parehong taon.

Sa ilalim ng bagong konstitusyon, nagdaos ulit ang Venezuela ng isa pang eleksyon sa pampanguluhan noong Hulyo 2000. Tumakbo at nanalo si Chavez. Sa pagkakataong iyon, nagkaroon siya ng isang termino ng anim na taon at maaaring “muling mahalal agad at isang beses para sa karagdagang panahon,” ayon sa probisyon ng bagong konstitusyon.

Pinamunuan ni Chavez ang Venezuela hanggang sa kanyang kamatayan noong 2013, bilang diktador sa isang bansang matindi ang pagkakawatak-watak kung saan ang demokrasya ay lubhang napahina.

Sinabi ni Arugay na ang ginawa ni Chavez ay legal. “Legal sa paraang pormal ngunit extralegal sa pampulitika kahulugan,” pagdidiin niya.

Sources:

1999 Constitution of the Bolivarian Republic of Venezuela

Amended 1935 Constitution

Article VII Section 4, 1987 Constitution

De Leon, H. (2011). Textbook on the Philippine Constitution. Quezon City, Philippines: Rex Printing Co. Inc.

Executive Order 10

Hugo Chavez. (n.d.). In Encyclopedia Britannica Online. Retrieved from https://www.britannica.com/biography/Hugo-Chavez.

Brewer-Carias, A. The 1999 Constitution- making process as an instrument for framing the development of an authoritatrian political regime

New Constitution for Venezuela. BBC News. November 19,1999

Lamb, P. (2015). Historical Dictionary of Socialism. USA: Rowman & Littlefield Publishers.

Lambino et. al vs. Comelec, G.R. No. 174153

Parreño, E. (n.d.) The Shift to Parliamentary System: Changing the terrain for PO/NGO Intervention. Retrieved from: http://iper.org.ph/documentation/parlshift.pdf.

Proclamation 1081 s. 1972

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.