(UPDATED) Kulang sa konteksto ang pahayag ni Edsel Maurice Salvana, isang infectious diseases doctor, na mayroong “agham” sa likod ng paggamit ng mga face shield bilang depensa laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
PAHAYAG
Sa isang Facebook post noong Enero 4, nag share si Salvana, direktor ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology sa University of the Philippines Manila-National Institutes of Health (UP Manila-NIH) at tagapayo ng gobyerno ng Pilipinas sa pagtugon nito laban sa COVID- 19, ng isang pakikipag-usap umano sa isang social media troll:
“Troll: There is NO SCIENCE behind the use of face shields (Troll: WALANG SCIENCE sa likod ng paggamit ng face shields)!
Me: Meron! [Shows PSMID guidelines and summary of evidence.] (Ako: Meron! [Ipinapakita ang mga alituntunin ng PSMID at buod ng ebidensya.])
Pinagmulan: Edsel Salvana official Facebook account, New troll tactic!, Enero 4, 2022 (11:17 a.m.)
Nauna noong araw na iyon, ibinahagi ni Salvana sa Facebook ang pinakabagong mga alituntunin ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID) sa paggamit ng mga face shields, na nagsasabing “maraming tao ang mali ang basa sa Living CPG (Clinical Practice Guidelines) Guidelines (sic) ayon sa kanilang mga bias.”
ANG KATOTOHANAN
Habang ang Living CPG task force, na pangunahing binubuo ng mga grupo ng mga medical specialist tulad ng PSMID, ay nagrekomenda ng paggamit ng mga face shield sa ilang partikular na kundisyon, binanggit nito sa “evidence summary” ang “napakababang katiyakan ng ebidensya” upang patunayan ang kanilang pagiging epektibo sa pagpigil sa COVID-19 infection.
Sa isang 14 na pahinang buod ng ebidensya na may petsang Nob. 5, 2021, binanggit ng task force na pinamumunuan ng Institute of Clinical Epidemiology ng UP Manila-NIH sa pakikipagtulungan sa PSMID, ang limang pag-aaral na kinasasangkutan ng health care workers. Ang set ng mga rekomendasyon ay ginawa gamit ang pagpopondo mula sa Department of Health (DOH), at pangunahing inilaan upang gabayan ang mga health care provider. Ang buod ay nagsabi na ang “kabuuang katiyakan ng ebidensya ay napakababa dahil ang mga pag-aaral ay non-randomized, unadjusted para sa mga confounder at may mataas na panganib ng bias pati na rin ng indirectness.”
“Tatlong case-control studies ang nagpakita ng trend patungo sa benepisyo sa paggamit ng mga face shield ngunit ito ay walang katiyakan … Dalawang pre- at post-face shield use surveillance studies ay nagpakita ng makabuluhang benepisyo … ayon sa pagkakabanggit,” sabi ng task force sa mga pangunahing natuklasan nito, binabanggit na apat sa mga pag-aaral ay isinagawa sa isang health care setting at isa sa isang komunidad sa India.
Sa pagtatasa ng ebidensya mula sa mga pag-aaral, ginamit ng task force ang four-tier rating system ng Grading of Recommendations Assessment, Development and Evaluation (GRADE) Working Group, na binubuo ng mga international health expert na nagtatrabaho sa mga grading system para sa pananaliksik sa health care. Tinukoy ng GRADE ang “napakababang katiyakan ng ebidensya” bilang napakalaking “posibilidad na ang epekto [ng pananaliksik] ay magiging malaki ang pagkakaiba (isang malaking pagkakaiba na maaaring magkaroon ng epekto sa isang desisyon).”
Sa kabila nito, mahigpit pa ring inirerekomenda ng grupo ang paggamit ng mga face shield sa ibabaw ng mga face mask sa pangkalahatang publiko, gayundin sa mga medical worker na hindi direktang nagbibigay ng pangangalaga sa mga pasyente ng COVID-19, at sa mga lugar na may patuloy na community transmission. Naglabas ito ng “mahinang rekomendasyon” sa pagtanggal ng ipinag-uutos na paggamit ng mga face shield sa ibabaw ng mga face mask ng mga tao sa mga non-health setting. Gayunpaman, nabanggit nito na ang mga rekomendasyon ay ia-update “habang nagbabago ang ebidensya.”
Sa kabaligtaran, hindi inirerekomenda ng United States Centers for Disease Control and Prevention (US CDC) ang paggamit ng face shield sa publiko dahil sa patuloy na pagsusuri sa pagiging epektibo nito.
Sinasabi ng World Health Organization (WHO) na ang pagiging epektibo ng mga face shield “para sa source control ay hindi pa napag-aaralang nang husto.” Sinabi nito na ang mga face shield ay maaaring magbigay lamang ng “partial protection” laban sa respiratory droplets.
Noong huling bahagi ng Disyembre 2021, binago ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang payo sa publiko na gumamit ng mga face shield dahil sa banta ng bagong Omicron variant ng COVID-19.
Nag-utos noon ang gobyerno ng pagsusuot ng mga face shield sa labas ng mga tirahan, ngunit ang ilang mga mambabatas at lokal na opisyal ay nanawagan para sa pagrepaso sa patakaran, na itinuturo ang kakulangan ng siyentipikong batayan sa pagiging epektibo nito. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Gagamitin o hindi gagamitin: Paano nabuo ang polisiya ng gobyerno sa paggamit ng face shield)
Noong Nobyembre 2021, binago ng gobyerno ang mga alituntunin nito sa paggamit ng mga face shield sa ilalim ng five-pronged community quarantine classification.
Ang pagsusuot ng face shield ay ipinag-uutos na lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 5, at boluntaryo sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 1, 2 at 3. Ang mga local government units at pribadong establisyimento sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 4 ay binibigyan ng kalayaan na magdesisyon sa usapin.
UPDATE: Sa isang serye ng mga post sa Facebook, pinanindigan ni Salvana ang kanyang claim. Tignan ang kanyang mga komento dito, dito, at dito.
Ang VERA Files Fact Check ay naglabas ng pahayag dito.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Edsel Salvana official Facebook account, New troll tactic!, Jan. 4, 2022 (11:17 a.m.)
Edsel Salvana official Facebook account, Many people are misreading…, Jan. 4, 2022 (8:25 a.m.)
University of the Philippines National Institutes of Health, Salvana, Edsel Maurice T., Accessed Jan. 13, 2022
Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, Inc., Philippine COVID-19 Living Recommendations, Accessed Jan. 11, 2022
Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, Inc., Evidence summary, Nov. 5, 2021 (pdf copy)
Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, Inc., METHODS –, Accessed Jan. 13, 2022
Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, Inc., PEOPLE, Accessed Jan. 13, 2022
Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, Inc., DISCLAIMER, Accessed Jan. 13, 2022
GRADE official website, GRADE Working Group, Accessed Jan. 8, 2022
Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, Inc., Email to VERA Files on the query on “very low certainty of evidence” on face shields, Jan. 13, 2022
United States Centers for Disease Control and Prevention, Your Guide to Masks, Accessed Jan. 8, 2022
World Health Organization, COVID-19 infection prevention and control living guideline: mask use in community settings, 22 December 2021, Dec. 22, 2021 (pdf file)
Official Gazette, RESOLUTION NO. 88 Series of 2020, Dec. 14, 2020
Senate of the Philippines, Press Release – Revilla: Reconsider decision on face shields, June 13, 2021
Senate of the Philippines, On the wearing of face shield, June 15, 2021
Senate of the Philippines, Press Release – PRIB: Transcript of interview of Senate President Vicente C. Sotto III with Ms. Cely Bueno of DWIZ, June 19, 2021
Metropolitan Manila Development Authority, Nov. 8, 2021 Metro Mayors to Recommend to IATF Scrapping of Face Shields Except for Critical Areas, nov. 8, 2021
Rappler.com, Review sought for mandatory wearing of face shields in PH, June 9, 2021
Official Gazette, Guidelines for Nationwide Alert Level System as of 18 Nov 2021, Nov. 18, 2021
Presidential Communications Operations Office, President Duterte nixes face shield use in areas under Alert Level 3 and lower Nov. 16, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)