Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos na idinemanda ng Pilipinas ang China sa ICC hindi totoo

Mali ang sinabi ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagsampa ng reklamo ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) laban sa China dahil sa mga biglang pagpasok nito sa West Philippine Sea.

By VERA Files

Sep 26, 2021

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali ang sinabi ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagsampa ng reklamo ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) laban sa China dahil sa mga biglang pagpasok nito sa West Philippine Sea.

PAHAYAG

Sa isang press conference noong Set. 24, tinanong si Marcos kung paano malulutas ang maritime territorial dispute sa South China Sea sa pagitan ng dalawang bansa. Ang dating senador, ang nag-iisang anak na lalaki at kapangalan ng yumaong diktador Ferdinand Marcos, ay nagsabi na hindi kasama ang digmaan sa pagpipiliang solusyon at ang “tanging opsyon na natitira” para sa Pilipinas ay ang pakikipag-ugnayang diplomatiko sa China, ngunit pati na rin sa usaping pang-ekonomiya, panlipunan, kultural, at mga aspeto ng palakasan. Ipinaliwanag niya:

“Sa palagay ko kasi ang dati nating usapan sa China tungkol nga sa West Philippine Sea ay sa bilateral exchange. Lagi tayong nakikipag-usap sa China. ‘Pag may problema tayo lagi nating dinadala sa kanila, and the other way around (at ganoon din sila). Iyon ang ating naging sistema noon hanggang 2010 na kinasuhan, nag-file tayo ng kaso sa ICC. Nagka-harden (nagmatigas) … both parties hardened their positions (ang parehong partido nagmatigas sa kanilang posisyon) … Kaya tayo napunta sa gan’tong sitwasyon.”

Ipinagpatuloy niya:

“Dahil ang pagsolusyon sa mga territorial conflict (pinagtatalunang teritoryo) — halimbawa, may territorial claim (inaangking teritoryo) ang dalawang bansa — naaayos lang iyan sa ICC. Pero kailangang sumang-ayon ang parehong bansa magsasabi … Pero ang China hindi man signatory (pumirma) sa pag-ano, sa pagtaguyod ng ICC. Pangalawa, sinabi na nila mula sa umpisa na hindi namin susundan. Hindi namin kinikilala iyong mga decision (desisyon) sa ICC. So wala na sa atin iyon.”

Pinagmulan: Friday News Forum via Rappler.com, Bongbong Marcos discusses plans for 2022 elections, Set. 24, 2021, panoorin mula 24:08 hanggang 26:35

ANG KATOTOHANAN

Kinasuhan ng Pilipinas ang China sa Permanent Court of Arbitration (PCA), hindi sa ICC, hinggil sa West Philippine Sea dispute. Ang ICC ay isang judicial body na hindi namamahala sa mga hindi pagkakaunawaan sa teritoryo sa pagitan ng mga estado.

Noong Enero 2013, hindi 2010 gaya ng sinabi ni Marcos, pinasimulan ng Pilipinas, sa ilalim ng administrasyon ni Benigno Aquino III, ang mga paglilitis sa arbitrasyon sa pamamagitan ng paghahain ng reklamo sa PCA.

Parehong ang PCA at ang ICC ay mga intergovernmental organization na nakabase sa The Hague, Netherlands. Ang PCA ay itinatag noong 1899 upang mapadali ang arbitrasyon at pagkakasundo, bukod sa iba pang mga tungkulin nito, ng mga patung-patong na mga claim sa pagitan ng mga estado. Nagsilbi itong rehistro para sa limang miyembro na arbitral tribunal na nabuo para pangasiwaan ang maritime territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at China. Ang tribunal, na namahala sa arbitrasyon sa loob ng tatlong taon, ay itinatag alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), kung saan parehong lumagda ang Pilipinas at China.

Sa kabilang banda, ang ICC ay hindi namamahala sa arbitrasyon tungo sa paglutas ng mga pinagtatalunan sa teritoryo at maritime claims sa pagitan ng mga estado. Ang korte ay itinatag upang imbestigahan at litisin ang mga indibidwal na “sinampahan ng pinakamatinding krimen na pinangangambahan ng international community tulad ng genocide, mga krimen sa digmaan, mga krimen laban sa sangkatauhan at krimen ng agresyon.”

(Tingnan ang Ang ICC at ang Pinoy (Part 1) and Ang ICC at ang Pinoy (Part 2))

Ang China at Pilipinas ay hindi state party sa ICC. Ang Pilipinas ay dating state party sa ICC, ngunit iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-alis ng bansa mula sa Rome Statute, ang treaty na nagtatag ng korte, noong 2018. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: PHL’s notice of withdrawal from ICC is the latest in a string of inconsistent Palace responses to war on drugs probe)

Noong Hulyo 2016, halos 12 araw matapos maupo si Duterte sa pagkapangulo, natapos ng tribunal ang tatlong taong paglilitis sa arbitrasyon at inilabas ang pinal at may-bisang desisyon na pabor sa posisyon ng Pilipinas na ang nine-dash line claim ng Beijing na umaangkin sa halos buong South China Sea ay “walang legal na batayan,” bukod sa iba pang natuklasan.

Ngunit ang China ay tumanggi na kilalanin ang arbitral na desisyon, paulit-ulit na itinatanggi ito bilang isang “piraso ng basurang papel.”

Gayunpaman, pinagtibay ng tribunal sa desisyon nito na ang China ay kailangang sumunod sa mga desisyon nito bilang signatory sa UNCLOS mula noong Hunyo 1996. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: PH hindi ‘namili’ ng buong panel sa South China Sea arbitration case)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Friday News Forum via Rappler.com, Bongbong Marcos discusses plans for 2022 elections, Sept. 24, 2021

Permanent Court of Arbitration, About us,

International Criminal Court, Rome Statute, Accessed Sept. 24, 2021;

International Criminal Court, About the ICC, Accessed Sept., 24, 2021

Chinese Foreign Ministry, Vice Foreign Minister Liu Zhenmin at the Press Conference on the White Paper Titled China Adheres to the Position of Settling Through Negotiation the Relevant Disputes Between China and the Philippines in the South China Sea, July 13, 2016

Chinese Foreign Ministry, Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian’s Regular Press Conference on July 12, 2021, July 12, 2021

United Nations, United Nations Convention on the Law of the Sea, Accessed July 29, 2021

United Nations, Status of the UNCLOS, Accessed on Sept. 23, 2021

Permanent Court of Arbitration, Award on the South China Sea Arbitration, July 12, 2016

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.