Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos tungkol sa layunin ng ICC nakapanliligaw

WHAT WAS CLAIMED

Ang International Criminal Court ay binuo upang magbigay ng hustisya sa mga lugar na walang hudikatura, walang sistema ng hukuman, walang pulis, walang kapayapaan at kaayusan.

OUR VERDICT

Nakapanliligaw:

Wala sa Rome Statute—ang kasunduan na nagtatag ng ICC—ang nagsasaad na ang tribunal na nakabase sa Netherlands ay binuo upang magbigay ng hustisya sa mga lugar na walang sistema ng hustisya.

Layunin ng ICC na pupunan, hindi palitan, ang mga pambansang sistemang kriminal; ito ay nag-uusig lamang ng mga kaso kapag ang mga Estado ay hindi o ayaw o hindi kayang gawin ito nang totohanan.

By VERA Files

Mar 13, 2024

4-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Sa panayam noong Marso 4 sa Australian Broadcasting Corporation (ABC) News, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang mga pagpatay na may kaugnayan sa digmaang droga sa Pilipinas dahil ang Netherlands-based tribunal ay binuo upang magbigay ng hustisya sa mga lugar kung saan walang hudikatura.”

Ito ay nakapanliligaw. Napasinungalingan na ng VERA Files Fact Check ang mga katulad na pahayag nang hindi bababa sa apat na beses bago nito.

(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Imee Marcos na ‘walang hurisdiksyon’ ang ICC sa drug war probe dahil ‘gumagana’ ang mga korte sa PH NAKAPANLILIGAW, VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Dela Rosa sa prinsipyo ng complementarity ng ICC nakaliligaw, VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Jinggoy Estrada sa ICC complementarity principle nakaliligaw, VERA FILES FACT CHECK: Remulla inuulit ang ICC jurisdiction, complementarity principle nang walang sa konteksto)

PAHAYAG

Nang tanungin ng ABC journalist na si Sarah Ferguson kung papayagan niya ang ICC na imbestigahan ang mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte, muling iginiit ni Marcos na hindi kinikilala ng kanyang administrasyon ang hurisdiksyon ng ICC. Ipinaliwanag niya:

We view it as a threat to sovereignty, simply because the ICC was formed to conduct, to provide justice to areas where there is no, there is no judiciary, where there is no court system, where there is no police, where there is no peace and order, and that’s not the Philippines. And, therefore, I don’t think that their investigations or their concerns apply to the Philippines.”

(“Itinuturing namin ito bilang banta sa soberanya, dahil lamang ang ICC ay binuo upang pamunuan, magbigay ng hustisya sa mga lugar kung saan wala, walang hudikatura, kung saan walang sistema ng hukuman, kung saan walang pulisya, kung saan walang kapayapaan at kaayusan, at hindi yan ang Pilipinas. At, samakatuwid, hindi ko iniisip na ang kanilang mga pagsisiyasat o ang kanilang mga alalahanin ay naaangkop sa Pilipinas.”)

Pinagmulan: ABC News In-depth, Single ‘mistake’ could trigger South China Sea conflict, warns Philippines President | 7.30, Marso 4, 2024, panoorin mula 9:11 hanggang 9:38

Noong Marso 2018, kumalas ang Pilipinas sa ICC bilang reaksyon sa paglulunsad ng noo’y ICC prosecutor na si Fatou Bensouda ng isang paunang pagsusuri sa mga pagpatay sa digmaan laban sa droga sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ang pag-alis ng bansa mula sa Rome Statute ay nagkabisa noong Marso 17, 2019.

ANG KATOTOHANAN

Wala sa Rome Statute—ang kasunduan na nagtatag ng ICC—na nagsasaad na ang tribunal na nakabase sa Netherlands ay binuo upang magbigay ng hustisya sa mga lugar na walang sistema ng hustisya.

Nakapanliligaw ang pahayag ni President Ferdinand Marcos Jr. na walang hurisdiksyon ang ICC na imbestigahan ang mga kaso ng pagpatay sa Pilipinas sa ilalim ng drug war dahil itinatag umano ito para magbigay ng hustisya sa mga bansa na walang hukuman. Layunin ng ICC na punuan ang mga lokal na sistema ng hustisya, hindi palitan ang mga ito, at mag-usig ng mga kaso kung ang estado ay hindi kaya o ayaw na gawin ito.

Ang unang bahagi ng treaty ay nagpapaliwanag sa pagtatatag ng korte at ang Article 1 ay nagsasaad na ang ICC ay may kapangyarihang gamitin ang hurisdiksyon nito para sa pinakamatinding mga seryosong krimen ng pinangangambahan ng international community at “maging katulong sa mga national criminal jurisdiction.”

Sa ilalim ng complementarity principle nito, nilinaw ng ICC na hindi nito nilayon na palitan ang mga lokal na korte at nag-uusig lamang ito ng mga kaso kapag napatunayang ayaw o walang kakayahan ang mga estado na gawin ito.

BACKSTORY

Noong Hulyo 2022, hiniling ni ICC prosecutor Karim Khan na ipagpatuloy ang imbestigasyon ng mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng drug war ng administrasyong Duterte mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019 at sa rehiyon ng Davao mula Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016.

Sa pagsalungat sa kahilingan ni Khan, ang administrasyong Marcos ay nagsumite ng 62-pahinang dokumento sa Pre-Trial Chamber I noong Set. 8, 2022. Nangatuwiran ang gobyerno na ang Pilipinas ay may gumaganang criminal justice system at ang bigat ng mga umano’y krimen ay hindi nangangailangan ng pagsisiyasat ng ICC.

Gayunpaman, noong Enero 26, 2023, pinagbigyan ng Pre-Trial Chamber ang kahilingan ni Khan, na sinabi na ang mga paglilitis ng gobyerno ng Pilipinas ay “hindi katumbas ng tunay, kongkreto at progresibong mga hakbang sa pagsisiyasat” na sapat na sasalamin sa pagsisiyasat ng ICC at bigyang katwiran ang pagsususpinde nito.

Ipinaliwanag pa nito na ang imbestigasyon sa drug war na ginawa ng gobyerno ng Pilipinas ay sumasaklaw lamang sa mga “mababang ranggo” na opisyal ng pulisya at nabigong imbestigahan ang sistematikong katangian ng mga krimen o tukuyin ang “pinaka responsable” na mga opisyal.

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

Mga Pinagmulan

International Criminal Court, Rome Statute, Accessed March 12, 2024

International Criminal Court, How the Court Works, Accessed March 12, 2024

International Criminal Court, Public Redacted Version of Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation”, Jan. 26, 2023

International Criminal Court, Philippine Government Observation on the Office of he Prosecutor’s Request, Sept. 8, 2022

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.