Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Montemayor na inilalantad ng COVID-19 vaccines ang mga tao sa impeksyon WALANG BATAYAN

WHAT WAS CLAIMED

Ang bakuna sa COVID-19 ay may “kabaligtarang” epekto at inilalantad ang mga tao sa impeksyon.

OUR VERDICT

Walang basehan:

Ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ay hindi naglalantad sa mga tao sa impeksyon. Ito ay isang mali at madalas paulit-ulit na pahayag sa gitna ng pandemic na pinabulaanan ng mga eksperto sa kalusugan sa buong mundo. Sa katunayan, sinasabi ng ilang …

By VERA Files

Mar 25, 2022

-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Walang basehan ang pahayag ng kandidato sa pagkapangulo na si Jose “Joey” Montemayor na ang bakuna laban sa COVID-19 ay may “kabaligtarang” epekto at naglalantad sa mga tao sa impeksyon.

Si Montemayor, na tumatakbo sa ilalim ng Democratic Party of the Philippines, ay dati nang gumawa ng mga maling pahayag tungkol sa datos ng bansa sa pagbabakuna at kinuwestiyon ang pangangailangan ng mga booster.

(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Presidential aspirant Joey Montemayor minaliit ang bilang ng nabakunahan sa COVID-19, konteksto sa pangangailangan ng booster wala)

PAHAYAG

Sa unang presidential debate na pinamahalaan ng Commission on Elections (Comelec) noong Marso 19, isa sa mga itinanong sa mga kandidato ay kung paano sila lilikha ng sapat na trabaho sa bansa, lalo na para sa mga bagong magtatapos sa kolehiyo.

Sinabi ni Montemayor na kahit na bumuti ang sitwasyon para sa mga manggagawa, mababa ang kanilang motibasyon at morale:

“…Palaging hina-harass n’yo ang 70 million na Filipino; palagi n’yong hinahanapan niyan [ng vaccination card] when, in fact (samantalang, ang totoo), ang mismong vaccination will expose you to infection (pagbabakuna ay maglalantad sa iyo sa impeksyon). This is the reverse now, according to the Baltimore study (Ito ang kabaligtaran ngayon, ayon sa pag-aaral sa Baltimore).”

 

Pinagmulan: Commission on Elections, Pilipinas Debates 2022: The Turning Point, Marso 19, 2022, panoorin mula 1:27:53 – 1:28:10

Sa kanyang website, inilalarawan ni Montemayor ang kanyang sarili bilang isang cardiologist, medical technologist, ekonomista, at abogado.

ANG KATOTOHANAN

Ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ay hindi naglalantad ng mga tao sa impeksyon. Ang madalas na paulit-ulit na maling pahayag na ito sa gitna ng pandemic ay pinabulaanan ng mga eksperto sa kalusugan sa buong mundo. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK YEARENDER: Bakulaw, Bakulam, Bakuna: Ang mga anyo ng COVID-19 vaccine disinformation noong 2021)

Binanggit ni Montemayor ang isang partikular na “pag-aaral sa Baltimore” na umano’y nagpapahiwatig ng “kabaligtarang” epekto ng COVID-19 vaccine.

Sa isang email sa VERA Files Fact Check, binanggit ng isang pangkat ng mga siyentipiko at mga dalubhasa sa pang publikong kalusugan, na binuo ng global technology nonprofit Meedan, na ang mga pag-aaral mula sa Baltimore ay “karaniwang tumutukoy sa Johns Hopkins University.” Ang prestihiyosong institusyong pang-akademiko ay nakabase sa Baltimore, Maryland sa Estados Unidos.

Ang Johns Hopkins “ay walang ginawang pag-aaral na nagsasabing ang mga bakuna sa COVID-19 ay nagdudulot ng mga impeksyon,” sabi ng Meedan team. Idinagdag nito na “walang mga mapagkakatiwalaang pag-aaral na nagsasaad ng pahayag na ito na nailathala sa isang peer-reviewed academic journal.”

 

 

Dalawang website na nauugnay sa Johns Hopkins University ang nag-post ng maraming artikulo na nagha-highlight na “ang bakuna para sa COVID-19 ay hindi maaaring at hindi magbibigay sa iyo ng COVID-19.”

Noong Marso 22, ang World Health Organization ay naglista ng 151 COVID-19 vaccines na sumasailalim ng clinical development na gumagamit ng iba’t ibang mga platform, tulad ng protein subunit, inactivated na virus, viral vector, at messenger RNA. Siyam na brand ng bakuna ang nakatanggap ng emergency use authorization hanggang sa kasalukuyan.

Ilang awtoridad sa kalusugan ang nagsabi na wala sa kasalukuyang mga bakunang ginagawa at inilabas ang may COVID-19 virus sa anyo na maaaring magdulot ng impeksyon.

Ang pagkuha ng jab, sa katunayan, ay nagpoprotekta laban sa impeksyon at pinipigilan ang malubhang sakit at pagpapa-ospital. Bagama’t hindi 100% epektibo ang mga bakuna sa COVID-19, binibigyang-diin ng mga eksperto sa kalusugan na ang immunity mula sa pagbabakuna ay mas malakas kaysa sa natural na impeksiyon.

(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: PAO chief Acosta mali sa pagsabing ‘walang immunity’ laban sa COVID-19 ang mga nabakunahang indibidwal at VERA FILES FACT SHEET: Bakit nahahawa pa rin ng COVID-19 ang taong nabakunahan)

 

Nakapagtala ang Department of Health ng 65.17 milyon na mga Pilipinong ganap na nabakunahan noong Marso 20. Pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na panatilihin ang physical distancing, pagssuuot ng face mask, at iwasan ang mga siksikang lugar.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

 

Commission on Elections, Pilipinas Debates 2022: The Turning Point, March 19, 2022

Meedan Health Desk, Personal Communication, March 21, 2022

Johns Hopkins University Coronavirus Resource Center, Vaccines FAQ

Johns Hopkins Medicine, Is the COVID-19 Vaccine Safe?

Johns Hopkins Medicine, COVID-19 Vaccines: Infographic

Johns Hopkins Medicine, COVID-19 Vaccines: Myth Versus Fact, March 10, 2022

World Health Organization, COVID-19 vaccine tracker and landscape, March 22, 2022

World Health Organization, Coronavirus disease (COVID-19): Vaccines, March 16, 2022

Food and Drug Administration, List of FDA issued Emergency Use Authorization

U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Myths and Facts about COVID-19 Vaccines

Department of Health, FAQs on Protection from COVID-19 After Vaccination: How to Protect Yourself and Your Family

U.S. Maryland Department of Health, Frequently Asked Questions about COVID-19 Vaccine

U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Safety of COVID-19 Vaccines, March 21, 2022

World Health Organization, COVID-19 Vaccines Advice, Jan. 21, 2022

Meedan Health Desk, Are COVID-19 vaccines causing new COVID-19 variants?, Feb. 11, 2022

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.