Sinimulan ng administrasyong Duterte noong Pebrero ang pagpaplantsa ng mga deal para makakuha ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at mabakunahan ang 70 milyong Pilipino na nasa hustong gulang at maabot ang “herd immunity” sa katapusan ng taon.
Inilunsad ng gobyerno ang P70-bilyong programa nito sa isang simbolikong pagbabakuna ng mga frontline worker sa Philippine General Hospital (PGH) noong Marso. Nangyari ito halos isang taon matapos ideklara ng Pilipinas ang isang pambansang lockdown upang pigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.
“Tingnan natin ang bakuna na hiwalay sa pulitika, mga partido ng pulitika, administrasyon at paniniwala, at sa halip ay tingnan natin ang agham na malinaw,” sabi ni Dr. Gerardo “Gap” Legaspi, direktor ng PGH at ang unang Pilipinong nakatanggap ng bakuna sa isang pagsisikap na alisin ang mga pagdududa at pangamba ng publiko. (Tingnan ang A show of trust: Philippine public health officials receive first jabs of Sinovac vaccine)
Nang lumitaw ang mas maraming nakamamatay na variant ng virus, inilipat ng Department of Health (DOH) ang mga hakbang sa “proteksyon ng populasyon,” o ang pagbabakuna ng lahat na “itinuring na mahina,” kabilang ang mga matatanda, health workers, at mga taong may comorbidities. Gayunpaman, ang banta ng mababang paggamit ng bakuna ay nanatili.
Bagama’t ang mga Pilipino ay “malamang” na magpabakuna para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya at mga mahal sa buhay, nanatili silang nababahala tungkol sa kaligtasan, side effects, at bisa ng mga bakuna, ayon sa isang survey ng DOH mula Mayo 16 hanggang 31.
Ang disinformation tungkol sa masamang epekto ng mga bakuna ay nakadagdag sa malawakang pag-aatubili sa pagpapabakuna.
Sa 336 online disinformation na na-fact check ngayong taon, 36 ang na-flag ng VERA Files Fact Check na tungkol sa mga COVID-19 jab na nakitaan ng mga sumusunod na pattern:
1. Sumibad ng pataas ang vaccine disinformation habang dumarami ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ang mga panloloko, mito, at iba pang misinformation tungkol sa mga bakuna ay lumaganap bago pa nakapagsimulang magbigay ang gobyerno ng mga COVID-19 vaccines. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK YEARENDER: Mga hoax, gawa-gawang kuwentong inuunahan ang paglabas ng COVID-19 vaccine)
Habang dumarami ang mga taong nabakunahan, ang disinformation tungkol sa mga bakuna ay higit pa sa dumoble. Kumpara sa 14 na mga fact check noong nakaraang taon, ang VERA Files Fact Check ay naglathala ng 36 tungkol sa mga COVID-19 vaccine mula Enero 1 hanggang Dis. 10 noong 2021.
Noong Hulyo, nag-flag ang VERA Files ng pitong item na may hindi totoong nilalaman tungkol sa mga side effect, sangkap ng bakuna at kuro-kuro kaugnay ng sabwatan.
Noong Agosto, napasinungalingan ng mga fact check ang limang viral na post tungkol sa bakuna na nagpapahiwatig na ang mga ito ay “dahilan” ng kamatayan. Noong buwan ding iyon, nakapagtala ang Pilipinas ng apat na linggong average na 78,423 infections.
Kabilang sa popular ay ang walang basehang pahayag na ang mga COVID-19 vaccine ay mas mapanganib kaysa sa virus mismo. Ang pahayag na ito ay ginawa ng retiradong pharmacologist na si Dr. Romeo Quijano sa isang panayam sa DZRH News program na DOS POR DOS, na tinatayang maaaring umabot na 2.4 milyong katao sa Facebook (FB). (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Retired med professor makes BASELESS claim about ‘danger’ of COVID-19 vaccine)
2. Karamihan sa mga post ay pinupuntirya ang kaligtasan ng mga bakuna sa COVID-19, higit pa sa naiulat na bisa nito.
Pinalaki ng mga nagpapalawig ng vaccine disinformation ang “malubhang” epekto ng mga bakuna, na sinasabing marami ang mga namatay sa mga nabakunahan.
Ang trend na ito ay natuloy-tuloy sa buong taon, sa kabila ng deklarasyon ng World Health Organization (WHO) noong Marso 31 na ito ay “normal” at “karaniwan” para sa mga tao na makaranas ng “banayad hanggang katamtaman” na mga side effect pagkatapos ng pagbabakuna.
“Sa tingin ko sa pangkalahatan, ang takot ay palaging nag-uudyok ng maraming talakayan, positibo man o negatibo,” sinabi sa Ingles ni Dr. Beverly Ho, director IV ng DOH Health Promotion Bureau, sa VERA Files Fact Check sa isang panayam. Pinamunuan niya ang task group sa Demand Generation and Risk Communications ng National Task Force against COVID-19. Si Ho ay direktor din ng Disease Control and Prevention Bureau.
Sa gitna ng mga ulat na ang bakuna ng Pfizer ay “naiugnay” sa pagkamatay ng mga nasa hustong gulang sa Norway, sina Pangulong Rodrigo Duterte at dating Palace Spokesperson Harry Roque sa mga pampublikong talumpati ay nagpahayag ng kumpiyansa sa Sinovac na binubuo ng bulto ng supply ng bakuna para sa COVID-19 sa unang bahagi ng rollout.
- Pahayag ni Duterte sa mga namatay sa Norway matapos mabakunahan ng Pfizer nangangailangan ng konteksto
- Para mapalakas ang tiwala sa Sinovac, Roque paulit-ulit na binabanggit ang maling datos
“Takot at desperasyon, sa palagay ko, ang nagreresulta sa ganyan,” sabi sa Ingles ni Ho, na binanggit na ang iba’t ibang mga bansa ay nakaranas ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa kalagitnaan ng 2021.
Sa panahong iyon na-detect ang Delta variant sa mahigit 40 bansa. Dahil dito, idineklara ng WHO ang Delta bilang isang “variant of concern.” (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Sa gitna ng mga bagong variant ng COVID-19 virus, narito ang maaaring gawin para maiwasan ng Pilipinas ang isa pang surge)
3. Dalawang overseas Filipinos ang nangunguna sa pagbabahagi ng vaccine disinformation gamit ang Facebook Live bilang platform.
Ang nangungunang pinagmumulan ng vaccine disinformation ay si Lynn Agno, isang vlogger na nakabase sa United Kingdom (U.K.) na na-fact check ng VERA Files Fact Check ng walong beses ngayong taon. Pangalawa ay ang physical therapist na si Ron Samaniego na nakatira sa United States, at may dalawang item na sumailalim sa fact-checking. Pareho silang nanghihimok sa publiko na iwasan ang pagpapabakuna.
Bago sinuspinde ng Meta ang ilan sa mga FB account ni Agno, ginamit niya nang husto ang mga FB livestream na tumakbo ng may average na 41 minuto. Naglabas siya magkahalong hindi totoo at nakaliligaw na nilalaman tungkol sa pandemic.
Inalis ng Meta, ang kumpanya sa likod ng FB, ang FB page at personal na account ni Agno dahil sa paulit-ulit na pagbabahagi ng health misinformation, na labag sa mga pamantayan ng komunidad ng platform.
Para makita ang mga fact check ng VERA Files kay Agno, iikot ang iyong cursor sa mga larawang ito:
Noong Disyembre noong nakaraang taon, inihayag ng social media group na aalisin nito ang mga hindi totoong pahayag tungkol sa mga bakuna, ang kanilang kaligtasan, bisa, sangkap, o mga side effect.
“Ito ay isa pang paraan na aming ipinatutupad ang aming patakaran upang alisin ang misinformation tungkol sa virus na maaaring humantong sa napipintong pisikal na pinsala,” sabi ng Meta, na binabanggit na ito ay “regular na ia-update ang mga pahayag” na aalisin batay sa gabay mula sa mga awtoridad ng pampublikong kalusugan.
Upang maikutan ang mga patakarang ito, gumawa si Agno ng isang website at isang dark social channel sa Telegram noong Enero 18 upang patuloy na maabot ang mga online user habang sinusubukan ding umiwas sa radar ng mga fact-checker. Sa kanyang mga post, hinimok niya ang kanyang mga tagasunod na lumipat sa mga online space na ito upang maiwasan ang “censorship.”
4. Gumamit ng lokal na wika ang mga nagkakalat ng vaccine disinformation
Tinukoy nina Agno at Samaniego, na hindi mga immunologist o mga dalubhasa sa nakakahawang sakit, ang mga bakuna sa iba’t ibang paraan upang maikutan ang word detection technology ng FB laban sa vaccine disinformation.
Tinawag nila ang mga bakuna na bakulam, isang portmanteau ng “kulam” (pangkukulam) at “bakuna” (bakuna). Gumamit din si Agno ng mga bantas upang tukuyin si public health expert Anthony Fauci, na inilarawan bilang “F@UC1.”
Ni-link ng parehong user ang “bakulam” sa mga sangkap ng mga bakuna, na inilarawan nila bilang “nakalalason” at “nakapipinsala.” Sa tuwing gumagamit ang dalawa ng “kapani-paniwala” na mga mapagkukunan, ang impormasyon ay wala o labas ng tamang konteksto.
- Filipina vlogger shares report that NEEDS CONTEXT
- Claim that vaccines are being used to reduce population FALSE
Ang ganitong mga termino ay nagpaandar sa mga teorya ng pagsasabwatan tungkol sa bakuna na madalas na pinalutang nina Agno at Samaniego nang walang batayan. Kabilang dito ang mga pahayag na ang mga bakuna ay magdudulot ng “mass deaths,” at ang mga magpapabakuna ay sasailalim sa “populasyon control” sa pamamagitan ng microchips.
5. Ang viral vaccine disinformation sa Pilipinas ay natagpuan din sa ibang mga bansa
Noong 2020, ang #CoronaVirusFacts_database, isang repository ng mga fact check na inilathala ng mahigit 100 fact checkers sa buong mundo kasama ang VERA Files, ang nagpatunay na totoong tumawid ng mga border ang COVID-19 disinformation. Nagpatuloy ang trend na ito noong 2021.
Noong Hunyo 12, 2020, pinabulaanan ng Agence France-Presse at USA Today ang isang viral claim na ang mga COVID-19 test at vaccines ay naglalaman ng mga microchip na sinasabing pinondohan ng bilyunaryong si Bill Gates sa isang pagsasabwatan upang magtatag ng isang “new world order.”
Pagkalipas ng walong buwan, na-flag ng VERA Files Fact Check ang eksaktong parehong post na kumakalat online sa Pilipinas na umabot sa 28.1 milyong user. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Conspiracy theories on COVID-19 vaccines having microchips revived)
“May mga bagay na [talagang] umiikot sa buong mundo,” sabi ni Ho, dahil ang DOH mismo ay pinabulaanan ang mga pahayag na nagmula sa ibang mga bansa.
Ang isa pang piraso ng hindi totoong impormasyon na kumalat sa iba’t ibang bansa ay ang pahayag na ang mga taong nabakunahan ay nagkakaroon ng “magnetic field” dahil sa isang “genetically engineered magnet protein,” na binabanggit ang isang pag-aaral noong 2016 sa U.K. bilang ebidensya. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: COVID-19 vaccines DO NOT HAVE ‘magneto proteins’ that make people ‘magnetic’)
Bilang tugon dito, itinuro ni Ho na ang ilang mga pag-aaral sa ibang bansa ay hindi “nako-contextualize” na maaaring humantong sa “pagpapaliwanag sa maling paraan” ng agham.
Ang panghihikayat ay nangyayari on the ground
Sa paglaban sa vaccine disinformation online, sinabi ni Ho na ang DOH ay gumagamit ng “isang buong hanay ng mga tool” na nagpapadali sa pag-access sa jab, nagbibigay ng mga insentibo tulad ng mga papremyo sa raffle at mga disinsentibo tulad ng pag-aatas ng mga test para sa mga kwalipikadong manggagawa na tumangging magpabakuna.
Binigyang-diin niya na kailangan ang media at malalaking tech companies, tulad ng Meta, na palutangin ang tamang impormasyon sa kanilang mga platform.
“Ang malinaw sa amin (DOH) ay ang aming kahilingan sa mga social media platform na tanggalin ang ilang mga post. Kailangan din namin manawagan ng mas matinding pananagutan sa bahaging iyan kasi kung kanino man nanggaling ang impormasyon, basta nasa platform na yan, kakalat talaga,” sinabi niya sa magkahalong Ingles at Filipino.
Kinikilala ang mga limitasyon ng mga information campaign para bumuo ng kumpiyansa sa bakuna, binigyang-diin din ni Ho ang kritikal na papel ng mga barangay health worker, medical practitioner, at mga opisyal ng rehiyon na inatasang magsulong ng edukasyong pangkalusugan sa mga lugar ng pagbabakuna.
Nagbabala ang opisyal ng DOH na maaaring patuloy na kuwestiyunin ng mga nagkakalat ng vaccine disinformation ang kakayahan ng mga bakuna na protektahan ang publiko sa 2022.
“Bahagi ng aming trabaho ang gumawa ng tools na magagamit at mababago ng aming mga lokal na counterpart,” sabi niya sa Ingles, “dahil maraming pagkukumbinsi, panghihikayat, ang ginagawa sa ibaba.”
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Department of Budget and Management, PRRD signs the P4.506 Trillion National Budget for FY 2021
Department of Health, COVID-19 Tracker
Dr. Beverly Ho, Personal Communication, Dec. 7, 2021
UNDP, Trends in COVID-19 Vaccine Acceptance in the Philippines and their Implications on Health Communication, Aug. 20, 2021
World Health Organization, Side Effects of COVID-19 Vaccines, March 31, 2021
British Medical Journal, Covid-19: Norway investigates 23 deaths in frail elderly patients after vaccination, Jan. 15, 2021
CNN, Norway reviewing deaths of frail and elderly patients vaccinated against Covid-19, Jan. 18, 2021
South China Morning Post, Coronavirus: Norway raises concern over Pfizer vaccine jabs for elderly as Australia seeks information, Jan. 17, 2021
Meta, Meta Response: Philippines Human Rights Impact Assessment, Dec. 2, 2021
Meta, Keeping People Safe and Informed About the Coronavirus, Dec. 18, 2020
Facebook, COVID-19 and Vaccine Policy Updates & Protections
Agence France-Presse, Posts falsely claim coronavirus testing is an excuse to implant Gates-funded microchips, June 12, 2020
USA Today, Fact check: Bill Gates isn’t planning to implant microchips via vaccines, June 12, 2021
Department of Health, Fact Check, March 27, 2021
Department of Health, Fact Check, April 7, 2021
Department of Health, Fact Check, Sept. 15, 2021
Official Gazette, IATF Resolution No. 148-B, Nov. 11, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)