Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Sabi ni Duterte 2-3 pulis ang napapatay araw-araw sa giyera laban sa droga

Ang bilang ng presidente ay salungat sa bilang ng "Real Numbers PH."

By VERA Files

Aug 23, 2017

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Sa gitna ng matinding galit ng publiko sa pagkamatay ng 17-taong-gulang na si Kian Loyd De Los Santos, sinabi ni Pres. Rodrigo Duterte na ang bansa ay nawawalan ng “dalawa, tatlong pulis” araw-araw dahil sa giyera laban sa droga.

ANG PAHAYAG

Sa isang media briefing sa Malacañang noong Agosto 21, hiningan si Duterte ng komento tungkol sa pagpatay ng mga pulis ng Kalookan City sa estudyanteng Grade 11 na si De Los Santos sa isang operasyon kontra-droga noong Agosto 16.

Sinabi niya:

“Nawawalan ako ng dalawa, tatlong pulis kada araw. Nung isang araw, sila ay magdadala ng isang warrant, o pinatay, naunahan. Papunta pa lang sila, tinamaan na sa dibdib.”

Pinagkunan: Media Interview with Pres. Rodrigo Duterte, Malacañang, Aug. 21, 2017, panoorin from 6:16 to 6:55

Sa pagpapaliwanag ng kanyang bilang, idinagdag ni Duterte:

“Nawalan ako ng mga higit isang daan pati sundalo. Mga pulis, mga 67. Bakit? Bakit mas marami ang militar? Dahil sa Mindanao, alam mo na. Sa Marawi at sa Ozamiz, sila ay gumagawa ng shabu na higit sa normal na pagkonsumo ng mga tao.”

FACT

Ang bilang ng presidente ay salungat sa bilang ng “Real Numbers PH,” ang opisyal na estadistika sa digmaan laban sa droga na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency.

May kabuuang 68 law enforcers ang napatay sa anti-drug operations mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hulyo 26, 2017, ayon sa PDEA.

Kasama sa bilang ang mga miyembro ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Armed Forces of the Philippines, at PDEA.

Ang sakop ng datos ng PDEA ay sumasaklaw sa 390 araw mula nang umupo sa panguluhan si Duterte.

Kung hahatiin ang bilang ng mga law enforcer na pinatay sa bilang ng mga araw, ang resulta ay dalawang law enforcer na napapatay bawat sampung araw, hindi dalawa hanggang tatlo araw-araw tulad nang sinabi ng pangulo.

Iniulat din ng PDEA na 184 na mga law enforcer ang nasugatan sa mga operasyong kontra droga sa parehong panahon.

BACKSTORY

Dalawang buwan pa lamang sa kanyang termino bilang pangulo, sinabi na ni Duterte na dalawa hanggang tatlong pulis ang namamatay araw-araw sa giyera laban sa droga ng kanyang administrasyon.

Sa isang pagpupulong sa media sa Davao City noong Agosto 24, 2016, sinabi niya:

“Mayroon ba sa inyo, yung mga (maka-) karapatang pantao, nagbibilang ng mga patay na sundalo at mga pulis? Nawalan ako, sa katunayan, sa karaniwan, dalawa. Ito ay alinman sa sundalo, may koneksyon sa droga ha. Alinman sa pulis o militar, nag-aano, nag-average ako ng dalawa (kada) araw na patay.”

Pinagkunan: Statement of Pres. Rodrigo Duterte, Davao City, Aug, 24, 2016,watch from 8:20 to 8:47

Inulit niya ang pahayag sa isang press conference noong Okt. 27, at sinabi:

“May giyera pa rin. Nawawalan ako ng dalawa o tatlong pulis bawat araw.” Pinagkunan: Pres. Rodrigo Duterte’s Arrival Speech from Japan, Davao City, Oct. 27. 2016, watch from 41:27 to 41:32

Sa isang speech sa Bukidnon noong Marso 25, 2017, sa seremonya para sa groundbreaking ng isang drug treatment at rehabilitation center, ang bilang (ng napapatay na pulis) ay nadagdagan sa “tatlo hanggang apat” sa isang araw. Sinabi ni Duterte:

“At paano naman ang tungkol sa extrajudicial killing? Basahin mo ang pahayagan ngayon. Nabasa mo ang ulat, mayroon din akong briefer. Ibigay mo sa kanila ang briefer. Nawalan ako ng tatlo hanggang apat na pulis at mga sundalo sa isang araw sa loob ng Pilipinas at sa Mindanao, pinasisigla nito ang ISIS.”

Pinagkunan: Transcript of Speech of Pres. Rodrigo Duterte, Malaybalay City, Bukidnon, March 25, 2017

Mga pinagkunan:

Philippine Drug Enforcement Agency #RealNumbersPH

Philippine Government Settles Real Score on Anti-Drug War, Calls for Cooperation, Reform

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.